Pagpapalago sa mga negosyo ngayong pandemya, itatampok sa IECON 2021


IHAHANDOG MULI ng Industrial Management Engineering Society (IMES) ng Pamantasang De La Salle ang talakayan ukol sa e-commerce, supply chain management, logistics management, at quality and reliability engineering sa ikalawang online na Industrial Engineering Convention (IECON). 

Isasagawa ang kumbensyon mula Mayo 7 hanggang Mayo 8 na may temang Building the Industries of Tomorrow na naglalayong maihanda ang susunod na henerasyon ng mga industrial engineer sa pagbuo at pagtataguyod ng negosyo.

Ipinaliwanag ni Ylesa Puente, isa sa mga tagapamahala ng programa, ang dahilan sa likod ng napiling tema ngayong taon. Wika niya, “Together, we can still thrive and build our industries again. . . IECON focuses on how businesses can recover amidst the pandemic.”

Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel sa mga tagapamahala ng kumbensyon, ibinahagi nina Puente, Ricardo Mañalac, at Abigail Ong ang mga isinagawang paghahanda upang maisakatuparan ang IECON. 

Ipinahayag ni Ong na nagsilbing hamon para sa kanila ang adhikaing palawigin ang programa kaya kinailangan nilang magsumikap upang matagumpay na maisagawa ito. Bukod sa problema sa internet connection, nasubok din ang kakayahan nila sa pagbabalanse ng oras upang masunod ang kanilang iskedyul. Dagdag ni Puente, bagamat hindi maiiwasan ang mga suliranin, nasisiguro niyang naging maayos ang kanilang pagpaplano at paghahanda na nagsimula pa noong Enero.

Ayon din kay Mañalac, naging pamantayan nila ang nagdaang WebIECON sa pagpapalawak ng saklaw at kapasidad ng programa ngayong taon kaya nakipag-ugnayan sila sa iba’t ibang kompanya at organisasyon sa loob at labas ng bansa. 

Bukod pa rito, ibinahagi rin ng tatlong tagapamahala na naghanda sila ng mga palaro at papremyo sa kanilang Facebook page para sa humigit-kumulang 2,000 katao na inaasahang dadalo sa programa. Ani Mañalac, magsisilbi ring plataporma ang IECON para sa maliliit na negosyo upang matulungan silang ituloy ang pagpapatakbo nito.

Inilahad din ni Ong na nag-imbita sila ng mga tagapagsalitang magbabahagi ng kanilang karanasan sa larangan ng industrial engineering (IE). Ilan sa mga tampok na tagapagsalita sina Benjie Yap, chief executive officer ng Unilever Philippines, Vin Perez, chief operating officer ng Ninja Van Philippines, at Ramon Jocson, chief operating officer ng Bank of the Philippine Islands (BPI). Imbitado rin bilang tagapagsalita ang mga prominenteng tao mula sa PhilVending, BPI, Shopee, at iba pa.

Isinaalang-alang naman ng mga tagapamahala ang mga pangunahing interes ng mga tagapakinig sa mga tatalakaying paksa. Bukod sa mga pagpupulong, nagsagawa rin sila ng sarbey sa IE community forum ng Facebook para alamin ang mga paksang akma sa kanilang interes at sa kasalukuyang sitwasyon. Mula sa resulta, napagdesiyunan ng mga tagapamahala pati na rin ng IMES executive board na tuluyang ibatay ang tema sa pagbuo at pagpapatatag ng mga negosyo ngayong pandemya. 

Paliwanag ni Mañalac, unang idinaos ang IECON gamit ang online na plataporma sa WebIECON noong nagdaang taon. Dahil dito, nadiskubre nila na malaki ang posibilidad na palawakin pa ang sakop na awdyens ng naturang kumbensyon. Inaasahang malalagpasan ang mga natamong tagumpay ng nagdaang kumbensyon pagdating sa papremyo, aktibidad, at dami ng kalahok sa pamamagitan ng paggamit ng mga bagong oportunidad sa pangalawang online IECON.

Naniniwala naman ang mga tagapamahala ng programa na malaki ang papel ng IECON sa paglinang ng kakayahan at kaalaman ng mga estudyanteng kumukuha ng IE. Magkakaroon sila ng pagkakataong kilalanin ang mga nangungunang industrial engineer sa industriya at matututo mula sa kanilang mga karanasan.

Ibinahagi rin ni Puente na maipababatid ng IECON ang halaga ng mga estudyanteng industrial engineer sa pagpapabuti, pag-angkop, at pag-unlad ng mga industriya bilang susunod na henerasyon na lider sa larangan. Sambit ni Mañalac, “IECON [will teach] us to never give up [and] work hard to make things happen.”

Banner mula sa Industrial Management Engineering Society