HORIZONS: Pagpapalawig sa pananaw, pagpapatuloy sa pangarap


Iba-iba ang epekto sa atin ng musika. 

Pagkabigo—kahit pa hindi nagmamahal sa kasalukuyan—ang dala ng himig ng kantang ‘Rebound’ ng Silent Sanctuary. Malakas na tibok naman ng puso at tila isang libong paru-paro sa tiyan ang hatid ng bawat salita sa kantang ‘Ikaw’ ni Yeng Constantino, habang pamamaalam naman sa minamahal ang ipinararating ng The Juans sa kanilang kantang ‘Hindi Tayo Pwede’. Ngunit higit sa pag-ibig at sa kaakibat nitong sakit, naipagbubuklod din ng ritmo ng musika ang masa—ito ang pinatunayan ng idinaos na online benefit concert ng UP Economics Society (UP Ecosoc) nitong Mayo 2, na pinamagatang HORIZONS.

Sabay sa saliw ng musika, bitbit ng HORIZONS ang mga pangarap ng 14 na iskolar ng Ecosoc—mula hayskul hanggang kolehiyo—na naapektuhan ng kasalukuyang krisis pangkalusugan sa bansa. Sa pagpasok ng bawat pisong donasyon sa nasabing organisasyon, sumasabay ang paglawig ng pananaw ng mga iskolar at ang patuloy nilang pagtahak sa daan tungo sa kanilang mga pangarap. 

Inspirasyon sa likod ng bawat liriko

Gamitin ang galit at isalin ito sa mga titik na bubuo sa isang makabuluhang kanta. Sakaling punong-puno naman ng pagmamahal, hayaan itong kumawala sa puso, tangayin ng hangin, tugtugin ng gitara, at mapakinggan sa radyo. Sa mga pagkakataon namang matatagpuan ang pusong pinira-piraso sa semento, pulutin ito at buuing muli sa pamamagitan ng pagsulat ng isang awitin.

Pag-ibig, galit, at pagkatalo — ilan lamang ang mga nabanggit na emosyon sa mga dahilan sa likod ng iba’t ibang kantang sinasayawan at iniiyakan ngayon. Sa paglalim ng HORIZONS, inalam ng host na si Yani Villarosa ang kuwento sa likod ng mga kantang isinulat, pati na rin ang inspirasyon sa patuloy na pagsulat, ng mga mang-aawit na tumugtog sa konsyerto, gaya nina Shirebound & Busking (Iego Tan) at Benny Manaligod (frontman ng bandang The Ridleys). 

Mapagbiro man ang naging tono ng pakikipag-usap ni Iego kay Yani, seryoso naman ang kaniyang pagpapaliwanag na minsan, galit ang kaniyang puhunan sa pagsusulat ng awitin. Samantala, tila isang hugot naman ang naging tugon ni Benny nang banggitin niyang isa sa mga kantang naisulat niya ang umiikot sa ideyang “sometimes, leaving is love.” Sa kabilang banda, binigyang-daan naman ng pag-ibig ang karamihan sa mga awitin ni Johnoy Danao. Paliwanag pa niya, ilan sa kaniyang mga kanta ang isinulat mismo ng kaniyang asawa. Nakamamanghang isipin na kung hindi dahil sa pagmamahal—sa pangakong mananatili sa tabi ng isa’t isa sa hirap at ginhawa—hindi rin magagawang tugtugin ni Johnoy sa kahit anong konsyerto ang ilan sa mga awiting patuloy na nagpapakilig sa mga tumatangkilik sa kaniyang musika.

Bagamat para sa mga iskolar ang HORIZONS, nagsilbi rin itong tagapagpamulat na walang hangganan sa kayang gawin ng musika. Sa isang kumpas, maaari itong makapagpamulat sa masa—tulad ng kantang ‘Sirena’ ni Gloc-9. Sa simpleng kalabit sa gitara, maaari itong makapagpaalala sa mag-asawa na pinili nila ang isa’t isa, at nagkasundong magkasama habang-buhay—gaya ng ‘Ikaw at Ako’ ni Johnoy Danao. At sa bawat paghuni, maaaring maibsan ang sakit na nadarama—gaya ng mga kantang tinugtog sa HORIZONS na naglayong makapaghatid ng pag-asa.

Kuwento ng musika

Nakaaantig ng damdamin ang musika. Dinadala ka nito sa rurok ng kasiyahan ngunit kaya ka rin nitong hatakin sa kaibuturan ng kalungkutan. Napaiiyak ka nito, napatatawa, at napauugoy sa indayog ng musika. Lagi’t laging may kuwentong ibinubulong sa iyong tainga na may layong tumatak sa iyong puso.

Sa programang HORIZONS ng UP Ecosoc, pinalawig ng musika ang kuwento ng pagsusumikap para sa mga pangarap. Itinampok sa programa ang kuwento ng 14 na iskolar ng organisasyon—ang kanilang mga mithiin, inspirasyon, paghihirap, at inaasam na tagumpay. 

Pagluluto, panonood ng mga pelikula, at pagsusulat—kagaya ng lahat ng kabataan, may kaniya-kaniya ring mga hilig at pangarap ang mga iskolar ng UP Ecosoc. Gayunpaman, hindi kagaya ng iba, limitado ang kanilang panahon at salapi para linangin ang mga ito. Para sa kanila, tila kay hirap makamtan ng mga mithiin kabilang na ang pag-aaral — na karapatan ng bawat isa. Tila laging may balakid at para bang laging dumudulas ang mga pagkakataon sa kanilang mga kamay. Kaya naman, sa paglalahad nila ng kanilang mga kuwento sa programang HORIZONS, binigyang-diin din nila ang pagiging tulay ng UP Ecosoc sa kanilang pag-abot sa dating mailap na mga pangarap.

Iba-iba man ang karerang kanilang tinatakbo, iisa lamang ang inspirasyong nagtutulak sa kanila upang patuloy na magsumikap—pagmamahal sa pamilya at sa kapwa. Pagsasalaysay ni Krizzie Besa, isa sa mga iskolar ng Ecosoc, benepisyaryo man sila sa kasalukuyan, ngunit naniniwala siyang sa hinaharap, sila naman ang makatutulong sa iba. Marami mang hirap na dinaranas, lalo na sa panahon ng pandemya, patuloy pa rin silang magsisikhay upang sa huli, mabigyan nila ng mas magandang buhay ang kanilang mga pamilya at makapagbalik sa komunidad na minsan ding nag-ahon sa kanila. 

Mananaig ang pangarap

Kagaya ng pananaig ng musika sa anomang panahon, nananaig din ang pangarap ng mga iskolar ng UP Ecosoc, anoman ang hamon. Paminsan mang nangangambang maaaring hindi na maabot ang matayog na pangarap, nagsisilbi namang pag-asa ang mga taong tumutulong sa kanila upang patuloy na lumaban para sa tagumpay. Pinagtitibay ng suporta at alalay ng kapwa ang kanilang mga loob; pinaniniwala sila na walang pangarap na hindi maaabot sa pagtutulungan ng bawat isa. 

Sa isang gabi ng nakaaantig-damdaming musika, hindi lamang liriko ang narinig, kundi, pati na rin ang kuwento ng pag-asa at pagsusumikap para sa mas magandang hinaharap.

Banner mula sa UP Economics Society