TINALAKAY sa sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang resolusyon ukol sa pagsasaayos ng grievance manual at pagpapatupad ng Ombudsman Act of 2021, Mayo 7. Ipinasilip din ang mga isusulong na inisyatiba at proyekto ng mga komiteng Student Rights and Welfare, Rules and Policies, at National Affairs sa mga susunod na sesyon.
Rebisyon sa mga alituntunin ng grievance
Pinangunahan ni Katkat Ignacio, EXCEL2021 at tagapagtaguyod ng resolusyon ukol sa pagsasaayos ng grievance manual, ang unang bahagi ng sesyon. Aniya, kapansin-pansing lubos na naapektuhan ang mga mag-aaral at mga propesor sa kasalukuyang online setup ng Pamantasan. “The online term has brought in more concerns and issues, pero students are not aware of the processes,” paglalahad niya.
Bunsod nito, inilatag ni Ignacio ang isang mas komprehensibong grievance manual—nakapaloob dito ang publicity clause at bagong proseso sa paghahain ng reklamo. Nakatuon ang mga pagbabago sa pagsasaayos ng mga paunang proseso sa impormal na yugto. “Upon further consultations with other members of the USG, all types of grievances will go through a similar process,” pagpapatuloy niya.
Sa kabilang banda, inaasahang isasapubliko ang nabanggit na manwal sa unang linggo, sa ikapitong linggo, at sa ika-13 linggo ng termino. Paglalahad ni Ignacio, “It must be circulated to the entire Lasallian student body by the three branches of the USG and other media sources within the university.” Dagdag pa niya, makikipag-ugnayan din ang LA sa ibang yunit ng University Student Government (USG) sa pagsasapubliko ng manwal upang maiwasan ang pagkalito sa mga mag-aaral.
Iminungkahi naman ni Astrid Rico, 74th ENG, na magdagdag din ng isang template o link para sa grievance. Paglalahad niya, “A lot of the grievances are written by the batch representatives, when it should be written by the students.”
Ipinasa ang resolusyon sa botong 23 for, 0 against, at 0 abstain.
Pagtatatag ng Office of the Ombudsman
Isinulong naman ni Ignacio ang pagpapatupad ng Ombudsman Act of 2021 bilang panimula sa ikalawang bahagi ng pagpupulong. Kasama niya bilang mga tagapagtaguyod sina Sophia Beltrano, BLAZE2021, Pauline Carandang, LA representative ng Laguna Campus Student Government (LCSG), Aeneas Hernandez, EXCEL2022, Lara Jomalesa, FAST2019, Marts Madrelejos, FAST2018, Bryan Reyes, BLAZE2023, at Celina Vidal, FOCUS2018.
Binigyang-pansin ni Ignacio na matatagpuan sa Ombudsman Act ang lahat ng mga probisyong kinakailangan para sa pagtatag ng Office of the Ombudsman. Ilan dito ang pagtatalaga ng Deputy Ombudsman at pagkakaroon ng Rules of Internal Governance and Manual. Aniya, “It is an office that holds USG officers and their units accountable in the aspects of graft and corruption since previous years lack in such system.”
Kaugnay nito, gagawaran ng fiscal autonomy ang Office of the Ombudsman upang ganap na maisakatuparan ang kanilang tungkulin. Bibigyan sila ng karapatang ipagtibay ang sarili nitong mga patakaran sa pamamahala at karapatang magtakda ng badyet para sa anomang layuning may kaugnayan sa mga pangangailangang administratibo at pagpapatakbo nito.
Binigyang-diin naman ni Carandang na tanging mga nominado at pumasa lamang sa kwalipikasyon na ibinigay ng Judiciary Department ng USG ang may karapatan na maluklok sa puwesto. Aniya, pangunahing pamantayan sa pagluklok sa mga opisyal nito ang pagkakaroon ng legal na kasanayan sa USG, gaya ng mga counsel officers at magistrate. Dagdag pa rito, marapat ding hindi naging bahagi ng kahit anong partidong politikal ang kandidato, hindi naging kandidato sa kahit anong posisyon sa USG, at may natitirang tatlong termino pa sa Pamantasan.
Sa kabilang banda, kinabibilangan ng Ombudsman, Deputy Ombudsman, at Overall Deputy Ombudsman ang Office of the Ombudsman. Pagbabahagi ni Ignacio, “Deputies of the Ombudsman shall be appointed by the USG President from a list of nominees prepared by the Judiciary. The deputies shall elect themselves the Ombudsman and the Overall Deputy Ombudsman.”
Samantala, binigyang-pansin ni Vera Espino, 75th ENG, na hindi naaayon sa konstitusyon ng USG ang Article 2 Section 3 ng Ombudsman Act. Aniya, may tiyak na termino lamang ang lahat ng opisyal sa bawat yunit samantalang maaalis lamang sa posisyon ang Ombudsman sa pamamagitan ng impeachment.
Subalit, paglilinaw ni Inspector General Elijah Flores sa mga probisyon, nakasaad sa Article 21 ng konstitusyon ng USG na maaalis lamang sa posisyon ang Ombudsman sa pamamagitan ng impeachment.
Kinuwestiyon naman ni Giorgina Escoto, Chief Legislator, ang katuwiran sa likod ng polisiyang hindi maaaring baguhin ang resolusyon sa loob ng dalawang taon. Pagpapaliwanag ni Deputy Inspector General Lunette Nunez, “It is to safeguard and to see if the law is really working for the Ombudsman mechanism. Extending it to two years would be the best way, not too short and not too long.”
Samantala, napagkasunduan ng LA na ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng Ombudsman Act bunsod ng masyadong mahabang nilalaman ng mga whereas statements sa resolusyon. Dagdag pa rito, matatagpuan din mismo sa nilalaman ng batas ang malaking bahagdan ng mga pahayag sa resolusyon, ayon kay Escoto.
Pagsiyasat sa mga komite ng LA
Bahagi rin ng naging pagpupulong ang pagtalakay sa mga karagdagang pangyayari sa bawat komite ng LA. Pinangunahan ni Escoto ang pangungumusta sa mga nanunungkulang chairperson ng bawat komite.
Paglalahad ni Beltrano, chairperson ng komite ng Rules and Policies, matagumpay na nilang nabuo ang sistema para sa manwal ng LA at ang kalakip nitong mga deadline. Dagdag pa niya, natukoy na rin ng komite ang mga priyoridad na resolusyon, gaya ng Online Election Code. Aniya, hinihintay na lamang nila ang pagkakaluklok ng commissioner at chairperson. Layunin din nilang maipasa ang manwal ng LA sa unang linggo ng ikatlong termino.
Ipinahayag naman ni Rico, chairperson ng komite ng Students Rights and Welfare, na isinasagawa nila ang resolusyon ukol sa polisiya ng SOGIE at mga grievance. Paglalahad pa niya, kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa Office of Student Affairs at DLSU PRISM.
Sa kabilang banda, ipinahayag ni Kai Anonuevo, chairperson ng komite ng National Affairs, na hinati na niya ang komite sa mga grupo para sa mga inisyatiba. Una na rito ang resolusyon ukol sa National Voters Readiness Forum na isasagawa ng USG at LA.
Bilang pagtatapos sa sesyon, inilahad naman ni Escoto na patuloy siyang makikipag-ugnayan sa mga chairperson ukol sa mga karagdagang pangyayari gamit ang kanilang mga itinakdang communication channel.