BINIGYANG-HALAGA ang dedikasyon, ambisyon, at inobasyon ng mga lokal na negosyante sa pagpapalakad ng negosyo sa inorganisang Bistro Boulevard: Beyond Flavors ng Business Management Society (BMS), Mayo 8. Tampok ng naturang webinar ang temang “A Taste of Dedication, A Taste of Ambition, A Taste of Innovation.”
Inilunsad ng BMS sa unang bahagi ng kanilang programa ang naturang webinar. Layon naman ng kanilang kaunaunahang online na bazaar na makalikom ng pera para sa Jaime Hilario Integrated School, kanilang katuwang na paaralan, at maitaguyod ang mga lokal na negosyo at magsilbing gabay sa mga nais magsimula ng kanilang negosyong pangpagkain.
Pangingibabaw ng ambisyon at dedikasyon
Sinimulan ang webinar sa pagsasalaysay ni John Molina, co-partner ng GoLokalPH, ukol sa kaniyang naging karanasan sa dati niyang trabaho na nag-udyok upang magsumikap siya sa industriya ng pagkain. Aniya, “The stress . . . made me look for an ideal hobby that can help me practice my creativity.” Ibinahagi ni Molina na nagsimula rin siyang mag-eksperimento sa kaniyang bahay, na naging daan upang lalong mapalalim ang kaniyang kaalaman at kasanayan sa pagluluto.
Itinampok din ni Molina ang nagawa ng kaniyang pagmamahal sa pagkain bukod sa negosyo at libangan. Ikinuwento niyang malaking parte ang pagkain sa pagtitipon ng bawat pamilya, gayundin ang naging tulong nito sa kaniyang love life. “I consider my passion for food spinning not just within business and as a hobby but also in terms of social affairs,” aniya.
Ayon kay Molina, mahalagang isaalang-alang ang hamon na dulot ng pandemya sa paggawa ng mga hakbang. Ibinahagi niya ang pagkakaiba sa nakasanayang plano dati sa new normal ngayon. “We had to do good at school, start a business, earn money to provide resources for families. Now we prioritize health over everything,” paglalahad niya.
Nakita ni Molina ang pagiging patok ng pamamaraan ng online selling upang maitaguyod ang lokal na mga produkto. Kaugnay nito, isinalaysay niyang makatutulong ang Galing Lokal, isang online na plataporma na maaaring pagbilhan ng lokal na produkto, sa pagpapaangat sa industriya ng lokal na pagkain.
Ipinaliwanag din ni Molina na nararapat makita sa ibang perspektiba ang mga pangyayaring tulad ng pandemya. Ayon sa kaniya, may bagong matututunan sa bawat oportunidad na makikita. Payo pa niya sa mga manonood, “Your perspective determines the manner of your opportunities; that’s why it’s very important how you utilize your perspective.”
Ibinahagi naman ni Chef Ferdie Agustin, may-ari ng Hai Chix & Steaks, ang dedikasyon at katapatan niya sa kaniyang responsibilidad. Itinuring niyang malaking kontribusyon ang dedikasyon sa kalidad ng kaniyang ginagawa. Para kay Agustin, hindi madaling magtayo ng sariling negosyo mula dati hanggang ngayon. Dagdag pa niya, hindi naman maiiwasan ang mga suliranin ngunit hindi dapat mapanghinaan ng loob. “My passion is what keeps me dedicated and committed,” saad niya.
Katulad ni Molina, naniniwala si Agustin na kailangang umayon sa paligid upang mapanatili ang mga negosyo. Ibinahagi rin niyang muli nilang binago ang mga mithiin at layunin ng kanilang negosyo upang umakma sa kasalukuyang pandemya. Dagdag pa niya, “Our main goal right now is to survive and simply stay afloat for our employees.”
Binanggit din ni Agustin na kinailangan niyang mas pagtuunan ng pansin ang kaniyang negosyo, na nagdulot ng kaunting oras para sa kaniyang pamilya. Ipinarating din niyang isang halimbawa ng dedikasyon ang pagkatuto mula sa kahirapan upang makamit ang hinahangad. Pagtatapos niya, “Staying committed and dedicated in every aspect of your life. . . will impact the kind of life you will have.”
Tamis na dulot ng inobasyon
Ibinahagi naman ni Paco Magsaysay, may-ari ng Carmen’s Best Ice Cream, ang kahalagahan ng inobasyon sa kabila ng mga pagbabago. Sinimulan ni Magsaysay ang kaniyang talakayan sa pagbibigay-kahulugan sa salitang krisis na kaniyang iniugnay sa kasalukuyang sitwasyon ng Pilipinas. Pahayag ni Magsaysay, napilitan silang maghanap ng mga community reseller upang sugpuin ang paghina ng negosyo bunsod ng krisis.
Ipinahayag din ni Magsaysay ang paglalabas nila ng mga bagong produkto tulad ng J&M Naughty & Nice Cream at Arctic Ice Cream noong 2019 para palawakin ang kanilang merkado. Bukod pa rito, binanggit din niya ang paglulunsad ng e-commerce website na maisakatutuparan sa susunod na linggo. Saad ni Magsaysay, “I guess that’s our way of adjusting to the current situation, how more people are getting comfortable with doing online transactions.”
Sa kabilang banda, inilahad ni Magsaysay na naiiba ang pagtatatag ng Carmen’s Best dahil mayroon na silang gatasan bago pa man nila naisipang gumawa ng sorbetes. Ayon sa kaniya, ang mga gatas na hindi nabebenta ang nag-udyok sa kaniyang maghanap ng ideya para habaan ang shelf life ng nasasayang na inumin.
Ipinunto rin ni Magsaysay na natatangi siya sa ibang negosyante dahil nakikinig siya sa kaniyang mga empleyado at maalam siya ukol sa mga pangyayari sa industriya. “I think you have to keep your feet grounded. Just because you’re the leader of your company, doesn’t mean everything you say should be done or everything you think of is correct,” ani Magsaysay.
Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng mensahe ng pasasalamat sa mga dumalo ang Team Leaders for Events na sina Kyla Kingsu at Natalia Uy. Inanyayahan din nila Uy ang mga manonood na lumahok sa kanilang online food bazaar na magsisimula sa Mayo 9 hanggang Mayo 15.