[SPOOF] Pambansang Kamao kontra Kanang Kamao: Tapatang Mani Pakwan at Sara Butete, sumiklab na!

Likha ni Jack Cole Roberto

NAGTUOS ang 9-time world champion Mani Pakwan at presidential daughter Sara Butete sa kanilang bakbakan sa Enrique M. Razon Sports Center noong Abril 18 upang pinal na makilala ang magiging pambato ng PDP-Laban sa darating na pambansang halalan sa 2022. 

Bago pa man uminit ang bakbakan sa pagitan ng dalawang magkatunggali, nagpasaring na agad ang kampo ni Butete sa pamamagitan ng isang tweet, “Tapos na sana ito kung pinagdasal na ako ng nanay mo Mani… #kulamIsReal.” Agad naman  itong binuweltahan ni Pakwan nang pinalagan niya ang naunang tweet, “Nako Sara kung alam mo lang sana ‘yung ginagawa ng nanay ko ngayon baka mag-alala ka na sa itay mo #MommyDRevenge,”  aniya matapos ang pagdamay ni Butete sa kanyang ina.

Mapa-tweet man o tunay na laban, hindi uurungan ng dalawang pambato ng PDP-Laban ang hamon para sa inaasam na posisyon.

Mitsa ng dibdibang sagupaan

Lumalaban para sa pulang panig, babaeng pinaglihi sa sama ng loob, binansagang “Drama Queen” ng kaniyang ama, anak ng nagretirong flight attendant mula #NasaanAngPangulo airlines, at tumitimbang ng ilang bilyong toneladang utang—Sara Buteteee. 

Sa kabilang sulok, nag-aalab ang labis na pananampalataya sa Diyos, tubong Saranggani, habulin ng mga taga-BIR o Barkada ng Institusyong mahilig sa Rebound, at nagpasikat ng 11.11, “edi tipaklong” at “hapi nyuyir”, ang natatanging boksingerong tuta ni Bob—Maaaniiiiiiiiii Pakwan. 

Pagbaga ng bakbakan

Sa unang round ng laro, pinaulanan agad ni Pakwan si Butete ng kaniyang burst-damage skill na annihilation strike. Ginamitan niya ng bersikulo buhat sa banal na kasulatan ang “pixie cut ambassadress” dahilan ng pagka-tipsy ni Butete. 

Malakas ang laban ni Pakwan sa mga unang yugto ng tapatan matapos magpamalas ng liksi sa pakikipagtalastasan gamit ang kanyang #yestodeathpenalty stance. 

Subalit sa ikalawang yugto, hindi na nagpahuli si Butete sa sunod-sunod na buga ng abilidad ni Pakwan. Mas naging agresibo si Butete at gumamit na ng kaniyang “Call my Dad’s special powers” ultimate skill. 

Hindi inurungan ni Pakwan ang pagbabantang kilos ni Sara, at sumagot ito ng isang heavy-left punch hawak ang Pacpay na may lamang isang bilyon upang mapatahimik ang presidential daughter.

Dehado si Butete sa mga unang minuto ng bakbakan matapos maikubli ni Pakwan ang agarang lamang sa sponsorships at “show money” round. Samantala, pilit namang nakahabol si Butete matapos gamitan ng “Meeting Leaver Buster” card si Pakwan daan upang pumantay ang kartada ng serye.

Agawan sa bentahe

Nagpakita ng pagkadismaya ang tumatayong manager ni Butete na si Bong Go dahil sa nanganganib na standing nito sa laban. “No comment ako kay Mani kasi bff kami niyan, pero sa totoo lang may jetlag lang kasi ‘yung alaga ko since galing siyang Singapore kahapon, basta makakabawi ‘yang atabs ni broskie Duts,” nanginginig na sambit ni Go matapos ang unang paghaharap.

Ramdam ang patuloy na pag-init ng laban habang tumatagal ang agresibong bakbakan. Sa muli nilang paghaharap sa susunod na Linggo, Mayo 2, tatanghalin na ang magiging kinatawan ng kanilang partido upang kaharapin naman ang mga pambato ng dilaw at bughaw na partido.