Pagbabago sa mundo ng Corporate Social Responsibility at Human Resource Management, binigyang-tuon sa #FORHIRE: Where to Start?


INIHANDOG ng Behavioral Sciences Society (BSS)  ang proyektong #FORHIRE: Where to Start? noong Mayo 21 at 22, hatid ang layuning mailahad ang mga naganap na pagbabago sa Corporate Social Responsibility (CSR) at Human Resource Management (HRM) ng mga organisasyon, sa pamamagitan ng mga talakayang pinangunahan ng mga dalubhasa sa mga nasabing larangan.

Pagsabay sa agos ng pagbabago

Bilang pambungad sa proyekto, ibinahagi ni Rea Vicencio, Executive Vice-President for Externals, ang mithiin ng BSS na matulungan ang mga estudyanteng harapin ang bagong kabanata sa kanilang pagtatapos sa kolehiyo. Aniya, “This is to give you a background on the role of human resources, and the complexities and changes that are constantly happening in the work environment.” Dagdag pa ni Vicencio, nararapat lamang na bitbit ng bawat isa ang kaalaman sa pagsabay sa mga pagbabago, lalo na sa panahon ngayon.

Inimbitahan ng BSS si Atty. Hector Hernandez, DPM, CEO ng Advance CompetencyDev Center Inc., bilang tagapagsalita sa unang araw ng webinar na tumalakay sa 2021 competency model. Unang ibinahagi ni Hernandez ang kaniyang naging karanasan sa larangan. Aniya, “My journey in 3 or more decades helped in learning what is in store in managing a business organization, whether a small one or a large one.”

Binigyang-diin ni Hernandez ang tatlong pangunahing ideya sa likod ng competency building. Una, hindi umano pare-pareho ang kalidad ng trabaho ng mga manggagawa. Kasunod naman niyang ipinaliwanag na mas epektibo ang pagkilatis sa mga angkop na kaugalian sa trabaho kompara sa pagkilatis sa mga karanasan ng mga empleyado sa nasabing trabaho. Panghuli, binigyang-diin niya na hinuhubog ng mga nakaraang kaugalian ang mga gawi sa hinaharap.

Tinalakay rin ni Hernandez ang kahalagahan ng pagkakaroon ng competency development initiative ng mga organisasyon, lalo na sa panahon ng pandemya. Pagdidiin niya, nakahihikayat ng mga top talent sa organisasyon ang pagkakaroon ng competency framework.

Inilahad ni Hernandez na tinutulungan ng framework na ito ang mga top talent sa planned development habang nililinang ang kamalayan ng mga empleyado ukol sa iba’t ibang kakayahan sa trabaho. Ipinunto rin niyang pinauunlad nito ang people systems sa loob ng organisasyon. Pagtatapos ni Hernandez, “This competency initiative is a very important part to make the organization a high performing organization.”

Pagmulat sa responsibilidad

Sa ikalawang araw ng #FORHIRE, ibinahagi ni Rhinnon Pamintuan, Corporate Social Responsibility Officer sa TDCX Philippines, ang kaniyang karanasan at kadalubhasaan sa larangan ng Corporate Social Responsibility.

Nagsimula ang pagtalakay ni Pamintuan sa pagbibigay-depinisyon at kahalagahan sa CSR. Ayon sa tagapagsalita, kumakatawan ang CSR sa isang uri ng pamamalakad ng isang kompanya na isinasama ang ikabubuti ng lipunan at kapaligiran sa mga layunin nito. 

Binanggit din ni Pamintuan na may malaking kaugnayan ang pagpapalaganap ng CSR sa labimpitong United Nations Sustainable Development Goals (UNSDG).

Sunod na ipinabatid ni Pamintuan ang kasalukuyang pagbabago sa pananaw ng madla hinggil sa pagpabor sa CSR. Ani Pamintuan, mulat na ang mga tao ngayon dahil hindi na lamang sila basta-basta namimili at nagtatrabaho. Sa halip, mayroon nang pakialam ang mga konsyumer at empleyado sa sinusunod na etika ng mga tinatangkilik nilang kompanya.

Huling tinalakay ni Pamintuan ang isang case study mula sa kaniyang sariling proyekto sa TDCX, bilang halimbawa ng isang programa ng CSR. 

Binigyan naman ng pagkakataon ang mga manonood na makapaglahad ng kanilang mga katanungan bago magwakas ang webinar. Isa sa mga napag-usapan sa open forum ang posibilidad na tuparin ang UNSDG sa Pilipinas sa pagsapit ng taong 2030. 

Kaugnay nito, nanatili namang positibo si Pamintuan at inaming patuloy siyang umaasang magagampanan ng bansa ang UNSDG sa tulong ng CSR. Aniya, kaya itong abutin sa pamamagitan ng patuloy na pagmumulat sa mga mamamayan at korporasyon ukol sa kanilang tungkulin sa lipunan at kapaligiran, sa tulong din ng mga pribadong sektor.