INILATAG ng Commission on Elections (COMELEC) ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang mga panuntunan sa pagbuo ng mga nakapaloob na rekisito sa Certificate of Candidacy (COC) sa kaunaunahang COC Documents Submission Webinar, Hulyo 16.
Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa partidong Alyansang Tapat sa Lasallista (Tapat), Santugon sa Tawag ng Panahon (Santugon), at ilang independent candidate. Layunin nitong maihanda ang mga kakandidatong opisyal sa nalalapit na General Elections (GE).
Rekisito sa pagtakbo
Pinangunahan ni John Christian Ababan, COMELEC Chairperson Emeritus, ang talakayan sa mga espesipikong rekisito na kinakailangang isumite ng mga kandidato. Sinimulan niya ang programa sa pagpapaliwanag ng mga nilalaman ng cover letter. Pagdedetalye ni Ababan, nakapaloob sa bahaging ito ang ilang personal na impormasyon tulad ng pangalan, ID number, DLSU email address, at tinatakbuhang posisyon ng kandidato.
Ipinaalala rin niyang kinakailangan itong pirmahan ng isang miyembro ng Executive Board (EB) ng partido at gagamitin din ang letterhead nila para rito. Sa kabilang banda, tanging pirma lamang ng mga independent candidate ang kinakailangan nilang ilagay sa cover letter.
Itinuon naman ni Ababan ang talakayan sa mga nakapaloob na detalye sa Certificate of Candidacy, Duties, and Responsibilities (C-O1). Saad niya, kinakailangang ilagay ng mga kandidato sa C-O1 ang karagdagang detalye tulad ng batch level, pati na rin ang pangalang nais nilang gamitin sa balota.
Bukod sa mga nabanggit na detalye, ipinaliwanag din ni Ababan ang mga ilalakip na espesipikasyon sa Certificate of Verification (C-O2). Kinakailangang mayroong natitirang 36 academic units at Cumulative Grade Point Average (CGPA) na hindi bababa sa 1.75 ang kandidato para sa gaganaping GE. Maliban dito, kinakailangan din nilang itala ang bilang ng accumulated failure in units na nakabatay sa Online Election Code.
Sinagot din niya ang katanungan hinggil sa bilang ng natitirang units na kinakailangang taglay ng kandidato. “If the candidate has less than 36 academic units left, kinakailangan niyang mag-secure ng letter from the college associate dean stating that [they] will stay for one more academic year,” aniya.
Binigyang-linaw din ni Ababan ang usapin ng residency. Paliwanag niya, “What we count here is the full terms that you have been in DLSU. . . take note of the key word full term.” Samantala, ipinunto naman niya sa C-O2 na kinakailangang nakalakip ang lagda ng magulang sakali mang wala pa sa wastong edad ang tumatakbong kandidato.
Ipinaliwanag din ni Ababan ang ilang pagbabago sa Certificate of Leave of Absence (C-O4). Paglalahad niya, binawasan nila ang ilang nakapaloob na detalye rito upang mapadali ang proseso ng pagsusuri nito. Pinasadahan din niya ang nilalaman ng Consent Form for ‘Their Takes’ (C-O5A) na nagbibigay permiso sa COMELEC na isapubliko ang nilalaman ng Answer to ‘Their Takes’ (C-O5B).
Samantala, nilimitahan naman ng COMELEC sa apat na pangungusap ang mga kasagutan sa bawat katanungan na nakapaloob sa C-O5B. “This election, COMELEC is implementing a sentence cap kasi when we added their takes to the voting websites, hindi na siya makita because the answers were long,” ani Ababan.
Nagkaroon din ng pagbabago sa sistema ng pagkuha ng Certificate of Good Moral Character (CGMC). Ayon kay Ababan, “We had an agreement last year with the [Student Discipline Formation Office (SDFO)] that we will have a temporary fix for this.” Kinakailangang magsumite ng Consent Form for Disclosure of Discipline Records ang mga kandidato sa opisina ng COMELEC at Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment (SLIFE) upang makahingi ng kopya ng kanilang discipline record mula sa SDFO.
Nilinaw rin niya ang ilang katanungan ukol sa course flowchart ng mga kandidato. “Wala namang problem kung anong color ang gagamitin niyo [sa pag-highlight] as long as it is legible and it can be easily seen by the screening COMELEC officers,” saad ni Ababan.
Pagdating naman sa Curriculum Audit, ipinunto ni Ababan na kinakailangang markahan ng mga kandidato ang mga kursong natapos na nilang kunin, pati na rin ang mga kursong kukunin pa lamang nila. Kaugnay nito, kinakailangan ding ilakip ng bawat kandidato ang kanilang My La Salle Grades dahil magsisilbi itong batayan ng COMELEC upang tingnan ang pagkakatugma ng mga detalye rito at sa mga nakasulat sa C-O2.
Magsisilbi namang katibayan ng mga kandidato ang Enrollment Assessment Form (EAF) bilang patunay na naka-enroll sila sa kasalukuyang termino. “The EAF that you would attach should be updated by 1 week latest or 2 weeks. . . so that we could really see if the candidate is enrolled for the term,” paalala ni Ababan.
Kabilang din sa mga rekisito ang pagsusumite ng kopya ng DLSU identification card (ID). Ipinaalala lamang ni Ababan na kinakailangang tugma ang mga detalye sa ID sa EAF ng mga estudyante.
Ipinaliwanag din niya ang mga opsyonal na dokumentong maaaring isumite ng mga kandidato. Ayon kay Ababan, magsisilibing affidavit ang Waiver for Conditional Acceptance of Candidacy na nagsasaad na wala silang major offense na naitala sa SDFO.
Sa huli, kinakailangang ilakip ng mga kandidato ang mga rekisitong ito sa loob ng isang portable document format upang masuri ito ng mga kinatawan ng COMELEC.
Pagboto ng mga ID 121
Nilinaw naman ni Jed Seraphim Abalos, Commissioner Emeritus, ang ilang katanungan ukol sa pagboto ng mga ID 121.
Aniya, gaya ng nakasaad sa konstitusyon, may karapatan ang lahat ng mag-aaral ng Pamantasan na bumuo at makapili ng kanilang mga iluluklok na lider. Inilatag din ni Abalos ang mga posisyong maaaring pagbotohan ng freshmen kabilang na ang mga posisyon sa EB, pati na rin ang kani-kanilang college president.
Kaugnay nito, nilinaw rin ni Abalos na hindi pa maaaring tumakbo sa anomang posisyon ang mga ID 121 sa darating na GE sapagkat labag ito sa konstitusyon. Maaari lamang silang tumakbo sa darating na freshmen elections na isinasagawa sa unang termino ng akademikong taon.
Umaasa ang COMELEC na mas magiging madali at maayos ang pagproproseso ng mga dokumento ng mga nais maglingkod sa pamayanang Lasalyano sa tulong ng webinar na ito.