NANINDIGAN ang nagkakaisang hanay ng kabataan mula sa iba’t ibang progresibong organisasyon sa kanilang panawagan na wakasan na ang limang taong pagpapahirap sa masang Pilipino sa ilalim ng termino ni Pangulong Duterte, sa isinagawang State of the Youth Address (SOYA), Hulyo 19.
Kinondena ni Mitch Bosmeon, isang kabataang Lumad, ang patuloy na hindi makatarungang pag-atake ng gobyerno sa kanilang pangkat. Aniya, nagsimula ang sunod-sunod na pag-atake sa mga Lumad nang magbanta si Pangulong Duterte noong 2017 na bobombahin ang kanilang komunidad at paaralan.
“Mula sa 215 na Lumad schools, 178 ang naipasara. Ngayon po, wala pa pong nag-open dahil sa pandemic. Sunod-sunod po ‘yung atake kaya nga andito kami sa siyudad,” ani Bosmeon. Bagamat natatakot ang kanilang pangkat, natatanaw nila ang kahalagahan ng pagtindig laban sa pagmamaltrato ng kasalukuyang administrasyon.
Pagpapatuloy ni Bosmeon, “. . . Hindi kami nag-aral ng baril. Nag-aral kami ng mga letra, kung paano madepensahan ang mga lupa ng aming ninuno, kung paano tumindig para sa aming mga karapatan.” Sa kaniyang pagtatapos, hinimok niya ang kabataan na magkaisa upang ipagtanggol ang lupang kinagisnan, ang lupa ng pagkakakilanlan—ang lupang Pilipinas.
Ibinahagi naman ni Nicky Castillo, co-coordinator ng Metro Manila Pride, na bulnerable sa pambubulas, karahasan, at diskriminasyon ang kabataang bahagi ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, Asexual (LGBTQIA+). Sambit niya, isang matinding hamon para sa pangkat ng LGBTQIA+ ang paghahanap ng maayos na trabahong nagbibigay ng sapat at tamang benepisyo dahil madalas silang pagkaitan ng pagkakataon dahil sa kanilang kasarian.
Binigyang-pokus naman ni Gino Tupaz, Vice President ng University of the East College of Arts and Science Student Council, ang kakulangan ng Commission on Higher Education sa pagpapatupad ng epektibong online learning ngayong pandemya. Pagdidiin niya, hindi makatarungan ang mga patakarang ipinatutupad ng mga eskwelahan sapagkat pinag-iiwanan nito ang laksa-laksang bilang ng mga mag-aaral.
Naniniwala naman si Abby Silas mula sa sektor ng out of school youth na masakit para sa kaniya ang makita at maranasan ang mga kinahaharap ng kabataan sa kasalukuyang administrasyon. Tumitindig siya sa pahayag na nararapat maisabatas ang Student Aid Bill para matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante at mabigyang-pagkakataon muli ang mga out of school youth na katulad niya upang makabalik na sa pag-aaral. ”. . . Dahil nga ang edukasyon ay hindi pribilehiyo, kundi ito ay karapatan. Kaya nga tayong mga pag-asa ng bayan, tayong kabataan ay dapat na magkaisa para sa ating karapatan!” giit ni Silas.
Pinagbabayaran ngayon ng kabataan ang mga kinahinatnan ng pagkikibit-balikat ng rehimen sa kanilang ipinangakong abot-kaya at dekalidad na edukasyon para sa mga mag-aaral. Batay sa sarbey na inilabas ng Social Weather Station, mahigit 4.4 milyong kabataan na nasa edad lima hanggang 20 ngayong pandemya ang hindi naituloy ang pag-aaral dahil sa pagpapalit ng moda ng edukasyon. Bunsod ng bulagsak na kalagayan ng ekonomiya ng bansa, maraming mag-aaral ang napipilitang magtrabaho upang maitawid ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at matustusan ang mahal at pahirap na moda ng edukasyon.
Naisasakripisyo ang kinabukasan ng kabataan dahil sa arogansya at pagbibingi-bingihan ng kasalukuyang administrasyon sa mga panawagan ukol sa Academic Easing, Student Aid Bill, at ligtas na balik-eskwela. Kinikitil nito hindi lamang ang pangarap sa maliwanag at konkretong kinabukasan ng mga indibidwal bagkus ang pangkalahatang bukas na inilalatag para sa kabataan. Pinatutunayan nitong tama lamang ang paninindigan ng hanay ng kabataan sa pag-asam para sa ligtas, abot-kaya, dekalidad, at mapagpalayang edukasyon.
Hinikayat naman ni Senador Leila de Lima ang kabataan sa pamamagitan ng kaniyang talumpati, na maksimahin ang kanilang demokratikong karapatan sa pamamagitan ng pagpaparehistro para sa paparating na halalan. Ayon sa United Nations Population Fund, “Ang Pilipinas ngayon ang may pinakamalaking henerasyon ng mga kabataan sa kasaysayan nito.” Humigit kumulang 40 milyong mga Pilipino mula edad 18 hanggang 39 ang maaaring bumoto sa susunod na taon. Malaking bahagi ang gagampanan ng kabataang botante sa magiging kinabukasan ng bansa kaya’t nararapat lamang na maging kritikal sa pagsusuri sa mga napipisil na kandidato at palalimin ang kamulatan sa panlipunang realidad.
“Hinihikayat ko kayo [sangay ng kabataan] na magparehistro upang bumoto sa susunod na halalan. Bumoto para sa dekalidad na edukasyon. Bumoto para sa karapatang pantao. Bumoto para sa hustisya. . . Bumoto para sa responsable at epektibong pagtugon sa pandemya. . . Tayong mga kabataan, magkakaisa nating ipaglaban ang marangal na kinabukasan ng Pilipino at Pilipinas,” panawagan ni de Lima.
Limang taong labis-labis na pagmamalupit ang naging karanasan ng masang Pilipino sa kamay ng rehimeng Duterte na dapat na nangunguna sa pagsusulong ng interes ng sambayanan. Hindi alipin ang mga Pilipino na susunod na lamang sa pitik ng latigo. Nakalimbag sa kasaysayan ang mga gampanin ng kabataang makabayan sa pagpapalaya sa lipunang Pilipino mula sa paniniil ng mga naghaharing uri. Rizal, Bonifacio, at Apolinario ng kasalukuyan—mga pag-asa ng bayan; magkaisang tumindig, palakasin ang tinig. Wakasan ang pagpapahirap sa masa, wakasan ang rehimeng pasista!