BINIGYANG-TUON ng Alyansang Tapat sa Lasallista (TAPAT) ang kapangyarihan ng bawat boto at ang kahalagahan ng pagiging mapanuri at kritikal ng kabataan sa pagguhit ng maaliwalas na kinabukasan ng bansa, sa huling araw ng kanilang 2-day workshop na pinamagatang “Tapatan Sulong Kabataan 2021: Voter’s Education,” Hulyo 24.
Sinimulan ni Leo Lim, Information Officer V ng Commission on Election, ang talakayan sa pamamagitan ng pagsukat sa ipinakitang pamumuno at serbisyo ng mga opisyal ng gobyerno sa kasagsagan ng pandemya. Aniya, “Isa sa mga usual reactions ng mga tao [ay mga ganito] . . . malas namin sa aming mayor o kapitan. . . ‘di na ako magpapaloko sa kaniya. . . galante lang ‘pag kampanya pero ngayong kinakailangan biglang nawawala.” Paliwanag niya, kadalasan itong naririnig sa mga indibidwal na hindi nabibigyan ng ayuda o anomang tulong mula gobyerno, tulad ng mga bahagi ng Indigenous Population at mga nawalan ng trabaho nitong pandemya.
Dagdag ni Lim, mahalagang maunawaan ng mga mamamayan na sa isang demokratikong bansa, bitbit ng sambayanan ang kapangyarihang pumili ng mga susunod na lider. “. . . suffrage means you’re delegating your authority to someone else. You are allowing someone else to govern you. You’re allowing somebody to lord over you,” pagdidiin niya. Dahil dito, hinikayat ni Lim ang lahat na tingnan ang pananaw ng mga kandidato—ang determinasyon nilang mapagtagumpayan ang mga plano, at ang kakayahan nilang maisakatuparan ito. Bukod dito, hinimok ni Lim ang mga dumalo sa talakayan na kailangan ng mga tao na gawing instrumento ang eleksyon upang ihalal ang mga kandidatong totoong makapagbibigay-serbisyo sa lipunan at may kakayahang protektahan ang bawat karapatan ng kaniyang nasasakupan.
Bukod dito, ipinaalala rin ni Lim na dapat isaalang-alang sa pagboto hindi lamang ang sariling interes bagkus ang ninanais ding kinabukasan ng bansa sa susunod na tatlo hanggang anim na taon. Naniniwala siyang hindi matatakasan ng sinoman ang epekto ng eleksyon at patuloy nitong aapektuhan ang pamumuhay ng bawat isa, katulad ng naipasang K-12 program noong administrasyong Aquino na nagdulot ng malaking pagbabago sa sistema ng edukasyon sa bansa.
Sa pagtatapos ng kaniyang diskusyon, binanggit ni Lim na hindi matutumbasan ng pera o ng isang sako ng groceries ang boto ng bawat mamamayan. Gayundin, tinuldukan niyang hindi natatapos sa eleksyon ang gampanin ng mga mamamayan sapagkat responsibilidad din nilang panagutin ang mga mapang-abusong opisyal.
Umikot naman sa kahalagahan ng kabataan sa eleksyon ang diskusyon ni Leizi Adame, Deputy Executive Secretary for Programs ng Center for Youth Advocacy and Networking (CYAN) Philippines. Aniya, ang Pilipinas ang natatanging bansa na mayroong pormal na posisyon para sa mga kabataan sa pamahalaan, na tinatawag na Sangguniang Kabataan.
“[SK] is not [only] a simple place for participation and governance but, an institution where the youth are given the right and obligation to govern,” pagpapatuloy ni Adame. Pinag-aaralan din umano ng ibang mga bansa ang presensya ng SK dahil natatangi lamang ito sa Pilipinas at sinisiyat kung maaari din ba itong ipatupad sa ibang bansa.
Binigyang-diin din ni Adame ang kahalagahan ng SK sa pamahalaan. Aniya, binibigyang-pagkakataon ng SK ang mga kabataan na magkaroon ng boses sa mga desisyong ginagawa ng mga lokal na pamahalaan at ng pambansang gobyerno. Sa katunayan, nakalaan para sa mga proyekto ng SK ang 10% badyet ng mga barangay.
Aminado si Adame na malaki ang impluwensya ng kabataan sa pamahalaan dahil makikita sa kasaysayan na malaki ang gampanin ng kabataan sa pagsugpo ng kolonyalismo at pasismo. “The 1987 Constitution even recognizes the vital role of [the] youth in nation building. . . [nakasaad na] dapat inaalagaan ang physical, emotional wellbeing ng mga kabataan. At [dapat ding] i-encourage [sila] in civic spaces,” paliwanag ni Adame.
Gayunpaman, mayroon din umanong mga pagkukulang ang SK, katulad ng kabiguan na gampanan ang tungkulin sa maayos na paraan, talamak na katiwalian, at ang paggamit sa posisyon upang pagtibayin ang mga politikal na dinastiya. Naging dahilan ang mga ito upang kwestyunin ng pamahalaan ang kahalagahan ng SK.
Bunsod nito, isinulong ng CYAN Philippines ang pagpapaigting at pagsuporta sa SK sa halip na buwagin ito dahil importanteng marinig ang boses ng kabataan sa pamahalaan. Sa taong 2015, naging matagumpay ang kampanya ng CYAN Philippines at nabuo ang mga sumusunod na polisiya para sa SK Reform Act. Una, bawal tumakbo para sa SK ang isang kabataan na mayroong malapit na kamag-anak na nasa pamahalaan. Pangalawa, kailangang nasa tamang edad ang mga kakandidato sa SK. Pangatlo, ang SK ang may pormal na kontrol sa sarili nitong badyet.
Bilang pagtatapos, pinaalala ni Adame na sa kabila ng mga kontrobersiyang kinahaharap ng SK, mayroong mga SK na maayos ang pamamalakad. “Makikita natin na ang SK ay tagumpay nating mga kabataan. . . ang SK ang direkta nating access sa decision making sa ating local na communities.”
Ang taumbayan ang nararapat na mayroong pinakamataas na kapangyarihan sa bansa—sila ang susi upang umunlad ang Pilipinas at masugpo ang mga kinahaharap nitong problema. Kaya naman, importanteng malaman ng bawat Pilipino na may karapatan silang bumoto at may kakayahang mapabuti pa ang pamamalakad ng gobyerno. Kaakibat ng partisipasyon at pagkakaisa ng mga Pilipino ang kapangyarihang makagawa ng daan tungo sa tunay na pagbabago.