SINALUBONG ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang bagong sistema ng enrollment sa mga kurso ng General Education (GE) o Lasallian Core Curriculum (LCC) nang magsimula ang ikatlong termino ng akademikong taon 2020-2021. Isinulong ng LCC Office ang inisyatibang staggering GE courses na naghati ng mga nakalaang slot sa mga nasabing kurso.
Inanunsyo ang pagpapatupad ng nasabing polisiya sa Facebook page ng DLSU University Student Government (USG) noong unang araw ng enlistment. Umani naman ng iba’t ibang reaksyon mula sa pamayanang Lasalyano ang biglaang pagbabago sa sistema.
Pagsasakatuparan ng bagong sistema
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi ni Dr. Voltaire Mistades, direktor ng LCC, na tinalakay sa isang pagpupulong ng Enrollment Council – Policy Making Group (EC-PMG) ang mga suliranin ng mga estudyante noong enrollment para sa ikalawang termino. Kabilang sa EC-PMG ang mga Associate Dean ng bawat kolehiyo, mga Academic Programming Officer, ang Office of the University Registrar (OUR), si DLSU USG President Maegan Ragudo, at iba pang opisinang may kaugnayan sa enrollment.
Binanggit ni Mistades na isa sa mga suliranin ang mabilisang pagkaubos ng slots ng LCC courses para sa mga Lasalyanong nakaiskedyul sa ikatlong araw ng enrollment. “The Lasallian Core Curriculum Office proposed to the Enrollment Council – Policy Making Group that a staggered opening of slots for LCC courses will be done to ‘fit’ the number of students who are scheduled for enrollment for each day,” pagbabahagi ni Mistades ukol sa pagbibigay-solusyon dito.
Pagpapalawig pa ni Dr. Nelson Marcos, University Registrar, “[Isa itong] hakbang upang ma-monitor ang estado ng mga kurso na binuksan para sa Term 3 AY 20-21 upang makapagbukas ng mga bagong seksyon sa mga kailangang kurso, [at] upang mabigyan ng pantay na pagkakataon ang mga grupo ng mag-aaral na naka schedule sa [ika-2] at ika-3 araw ng online enrollment.”
Natukoy naman ang bilang ng bubuksang slots kada seksyon, katulong ang OUR at Information Technology Services (ITS) Office. Bunsod nito, napagdesisyunan nilang buksan ang 20 slot mula sa 45 noon para sa unang araw ng enrollment, batay sa 42 porsyento ng mga estudyante na inasahang kukuha ng slots sa unang araw ng enrollment. Nadagdagan naman ito ng 13 bukas na slots noong ikalawang araw, at nabuksan naman ang natitira pang mga slot sa ikatlong araw.
Dagdag pa rito, ibinahagi ni Mistades na napunan nila ang kinakailangang bilang ng seksyon para sa ikatlong termino sa pamamagitan ng paglalaan ng 573 seksyon para sa 565 seksyon na hiniling ng mga Lasalyano. Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Mistades na nangangahulugan lamang ito na nagawang lagpasan ng inalok na bilang ng seksyon ang kinakailangang bilang. Bunsod nito, tinanggal ang natirang 25 seksyon matapos ang enrollment.
Saloobin ng mga Lasalyano
Ibinahagi naman sa APP ng siyam na estudyante mula sa iba’t ibang kolehiyo ng Pamantasan ang kanilang personal na pananaw tungkol sa biglaang pagpapatupad ng polisiya ng staggering GE courses. Hati ang naging saloobin nila ukol dito.
Binigyang-diin ng mga dean’s lister na sina Allex Ramos, mula sa Br. Andrew Gonzalez College of Education; John Templonuevo, mula sa College of Science; at Shannen Go, mula sa College of Liberal Arts, na hindi nakatulong ang pag-anunsyo ng nasabing inisyatiba sa unang araw ng pagpapatupad nito. “It created a lot of unnecessary stress with students because the office opted to announce this at the last minute,” paglalahad ni Go.
Samantala, ipinahayag naman nina Adrienne Cabrera, Allan Abellanosa, Kei Belnas, at Jenny Lam, mga mag-aaral mula sa Gokongwei College of Engineering, na nakatulong sa kanila ang pagkakaroon ng staggering GE courses sapagkat mas napadali ang kanilang pag-e-enlist. “Mas epektibo ang naging bagong polisiya dahil nabibigyan ng pagkakataon makapasok sa magandang oras ng iskedyul ang bawat mag-aaral,” pagpapaliwanag ni Cabrera.
Sumang-ayon din si Robbie*, estudyante ng School of Economics, sa pagiging epektibo ng nasabing polisiya upang malutas ang kakulangan sa GE courses. “Para sa term na ito. . . mas maraming estudyante [ang] makakapag-enlist sa iba’t ibang GE courses,” aniya.
Gayunpaman, iginiit ni Jarod Lustre, dean’s lister mula sa College of Computer Science, na “Hindi nakatutulong ang sistemang ito dahil mabagal ang internet connection ng iba at mas hinihikayat nito ang unahan sa pagkuha ng limitadong slot.” Ipinahayag din niyang mabuting nais ng DLSU na lutasin ang kakulangan ng GE courses subalit hindi natutugunan ng nasabing polisiya ang mismong problema ng kakulangan ng mga slot.
Inilahad naman ni Ramos na tila nabalewala sa pagpapatupad ng staggering GE courses ang benepisyo ng pagiging isang dean’s lister na priority enlistment. “It is unfair on our part [as DLs] kasi in a way, hindi namin na-take advantage yung perk,” pagbibigay-diin niya.
Hinahangad na pagbabago
Samantala, ibinahagi rin ng mga Lasalyano sa APP ang mga inaasam nilang pagsusog sa sistema ng enlistment. Iminungkahi nina Lam at Belnas na bigyang-priyoridad ang mga estudyante sa mga kursong nagpre-enlist sila. “Mas mainam na magkaroon ng nakatalaga na slots ang mga estudyanteng kumuha ng mga kurso sa pre-enlistment,” pagpapaliwanag ni Belnas.
Inilahad din ni Abellanosa na mainam na taasan pa ang bilang ng estudyante sa bawat klase sapagkat online naman ang pagsasagawa nito. Binanggit din niyang maaaring magdagdag pa ng mga propesor sa GE courses upang makapagbukas pa ng karagdagang slot para sa mga Lasalyano.
Bukod pa rito, nanawagan si Ramos na pagtuunan sana ng pansin ang Animo.sys para sa mga susunod na enlistment. Pagdidiin niya, “I think the main problem every enlistment is yung pagka-crash nung site talaga.” Ibinahagi rin niyang hindi siya nakapag-enlist noon dahil sa suliraning ito.
Iminungkahi naman ni Templonuevo na ibalik muna sa nakaraang sistema ang proseso ng enlistment habang wala pang epektibong polisiya para dito. Hinikayat naman niya ang kapwa niyang Lasalyano na huwag katamaran ang pre-enlistment, tumulong sa kasalukuyang sistema, at isipin din ang kalagayan ng iba pang mga estudyante ng Pamantasan.
Kaugnay ng mga mungkahi at saloobin ng mga estudyante, ipinarating naman ni Marcos na pag-uusapan ang mga posibleng pagbabago o pagsasaayos sa sistema sa susunod na pagpupulong ng EC-PMG sa darating na Agosto. Dagdag pa niya, matutugunan ang pagkaubos ng slots sa enrollment kung makikipagtulungan ang bawat estudyante sa isinasagawang pre-enlistment.
*hindi tunay na pangalan