NASUNGKIT MULI ng Creamline Cool Smashers ang panalo laban sa Petro Gazz Angels sa kanilang ikalawang paghaharap matapos ang dikdikang labanan sa loob ng limang set, 27-29, 25-23, 16-25, 25-17, 16-14, sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Agosto 8, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Nagpakitang-gilas ang Creamline Cool Smashers opposite hitter na si Tots Carlos matapos talunin ang powerhouse team na Petro Gazz Angels sa loob ng limang set. Nakamit ni Carlos ang 23 puntos, mula sa kaniyang 22 atake at isang service ace. Walang-takot ding nagpamalas ng matibay na opensa ang kasalukuyang best scorer na si Alyssa Valdez laban sa best blocker team matapos makapagtala ng 25 kabuuang puntos.
Humataw para sa Petro Gazz Angels si scoring machine Myla Pablo na nakapagtala ng 26 na kabuuang puntos. Sinandalan din ng koponan sa parehong opensa at depensa ang outside hitter nito na si Ces Molina na nakapag-ambag ng 12 atake, apat na block, at isang service ace. Pinatunayan naman ng kasalukuyang best digger at best receiver na si Kat Arado na maaasahan siya pagdating sa depensa nang pumundar ng 28 excellent dig at 14 na excellent reception.
Maagang ipinaramdam ng Petro Gazz Angels ang kanilang matibay na depensa sa unang set matapos makapuntos ang kasalukuyang best blocker na si Ria Meneses mula sa kaniyang solid block, 0-1. Patuloy naman ang pag-arangkada ng koponan na nagbunsod ng 4-point lead mula sa mabigat na service ni Chie Saet at atake ni Pablo, 0-4. Hinamon naman ni Valdez ang depensa ng Petro Gazz nang makalusot ang kaniyang atake sa kamay nina Meneses at Pablo, 3-5. Agad na nabasa ng Cool Smashers ang diskarte ng Petro Gazz sa opensa nang madepensahan nina Michelle Gumabao at Jeanette Panaga ang magkakasunod na atake ni Grethcel Soltones, 6-7.
Agad na nagpakilala at gumawa ng ingay si Carlos para sa Cool Smashers matapos ang back-to-back na puntos nito, 9-8. Hindi naman nagpadaig si Ces Molina at pumuntos mula sa combination play, 14-13. Bilang kasagutan, pinagana ni Jia Morado ang kaniyang spiker na si Valdez matapos nitong pumukol ng tirada mula sa back row, 19-16. Sinubukan namang pantayan ng Petro Gazz ang iskor mula sa running attack ni Remy Palma at single block ni Pablo kay Panaga, 20-all. Sa huli, nasungkit ng Angels ang panalo sa unang set, 27-29, mula sa error ng Cool Smashers.
Sinimulan ng Petro Gazz ang mainit na ikalawang set sa isang matinding spike mula kay Meneses, 0-1. Hindi naman nagpaubaya ang Creamline matapos patahimikin ang kalaban mula sa kanilang matayog na block, 2-all. Bumawi naman si Soltones matapos niyang makamit ang spike of the set ng kompetisyon, 2-3. Matapos nito, nagpaulan ng mga mintis na tirada ang dalawang koponan mula sa pangunguna nina Gumabao at Jema Galanza ng Creamline, 13-11.
Sinira naman ni Gumabao ang mahigpit na depensa ng Petro Gazz, 15-13, mula sa kaniyang off-the-block hit. Gayunpaman, agad na pumukol ng puntos si Pablo upang pigilan ang pananalasa ng kabilang panig, 17-18. Sinubukang makahabol ng Petro Gazz sa laban ngunit itinabla ng Creamline ang bakbakan mula sa running attack ni Risa Sato, 19-all.
Sinubukan ng Petro Gazz Angels na mapasakamay ang kalamangan ngunit napigilan sila ng matinding block ng Creamline, 21-19. Pinayungan naman ni Gumabao ang isang spike ni Soltones, 23-21. Sa kabila ng palitan ng errors, tinuldukan ng Creamline ang ikalawang set mula sa matinding tira ni Sato, 25-23.
Nagbabagang bakbakan ang naging tema sa ikatlong set nang pahirapan ng Cool Smashers ang depensa ng Angels mula sa mga atake nina Valdez at Gumabao, 3-2. Nadiskartehan naman ni Saet ang katunggali matapos nitong gulatin ang kabilang panig mula sa kaniyang drop ball, 4-all. Hindi naman inurungan ni Galanza ang malapader na depensa ng Petro Gazz matapos makakuha ng dalawang puntos, 5-8. Nakabuo naman ng momentum ang Petro Gazz matapos ang magkakasunod na error ng Creamline at combination plays ni Molina, 8-17.
Sinubukan ni Valdez na pahintuin ang pag-arangkada ng Petro Gazz mula sa kaniyang atake, 9-17, ngunit hinamon ni Soltones ang depensa ng katunggali nang makalusot sa mga kamay nina Panaga at Gumabao ang atake nito, 11-20. Napasakamay naman ng Petro Gazz ang ikatlong yugto matapos ang back-to-back hits ni Pablo, 16-25.
Bumungad sa ikaapat na set ang service error ng Creamline, 0-1. Bumawi naman ang koponan sa pangunguna ni Carlos laban sa Petro Gazz, 4-3, na sinundan pa ni Galanza mula sa kaniyang malakas na spike, 5-4. Patuloy namang umarangkada ang Creamline matapos ang matatalim na tirada ng tambalang Carlos-Valdez, 13-7.
Hinabol nina Pablo at Soltones ang talaan ng Creamline, 15-9, ngunit hindi ito naging sapat matapos ang matinding opensa ng katunggali, 17-9. Patuloy na namayagpag ang momentum ng Creamline mula sa mga malakidlat na tira ni Valdez, 23-14. Sa huling bahagi ng ikaapat na set, pinaigting ni Molina ang depensa nito kontra sa puwersa ng Creamline, 24-17. Gayunpaman, tinapos ni Galanza ang naturang set mula sa kaniyang pasabog na spike, 25-17.
Agresibong depensa at opensa ang ipinakita ng Cool Smashers sa huling set na pinangunahan nina Valdez at Carlos, 3-1. Pinahinto naman ni Soltones ang paghataw ng Cool Smashers mula sa back-to-back na puntos nito, 5-3. Sinundan pa ito ng umaatikabong pag-atake ni Molina at Palma, 6-all. Sinubukan namang lamangan ng Cool Smashers ang katunggali nang paganahin ni Morado ang gitna upang makapuntos si Panaga, 11-10.
Hindi naman nagpadaig ang Petro Gazz matapos nitong depensahan ang spike ni Valdez, 12-all. Pinagana naman ni Morado ang Creamline scoring machine na si Carlos matapos nilang magpakawala ng crosscourt hit, 15-14, at tuluyang pinatahimik ni Galanza ang kampanya ng katunggali nang masungkit ang panalo para sa kanilang unang laban para sa final four, 16-14.
Ayon kay Carlos, nahirapan ang Creamline Cool Smashers sa pag-atake bunsod ng mahigpit na depensa ng Petro Gazz Angels. “It’s really the fight and the will of the team. Nahirapan kami sa first attack kaya bumawi kami sa coverage and counter-attack,” sambit ng player of the game sa kaniyang post game interview.
Para sa second match ng semifinals, abangan ang pagtutuos ng Creamline Cool Smashers at Petro Gazz Angels sa darating na Miyerkules, Agosto 11, ika-5 ng hapon.