Kabi-kabilang panawagan at araw-araw na pangangalampag ang isinantabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mahigit limang taong pag-upo nito sa palasyo. Pangulo ng bayan para sa mga pumipiling pumikit, panggulo sa bayan para sa mga namulat na sa hagupit. Ilang beses nang binigo ni Duterte ang masang Pilipino, at tila hindi na maitutuwid pa ang balikong priyoridad ng kasalukuyang administrasyon.
Patunay ang ikaanim at huling State of the Nation Address ni Duterte noong Hulyo 26, sa katotohanang wala nang aasahan pa ang mga Pilipino sa kaniyang huling taon. Walang dulot ang dalawang oras at 45 minutong pagtayo ng Pangulo sa harap ng buong bayan. Hindi man lamang nahimay ang kongkretong plano para sa pagbangon ng lugmok na estado ng bansa kaugnay ng pandemyang COVID-19—ngunit ano pa nga ba ang nakagugulat sa pagpapabayang ito kung nabanggit lamang sa ikalawang oras ng kaniyang pagsasalita ang pandemyang halos pumaralisa sa bansa? Si Duterte lamang at ang mga kapwa tuta niya ang nabusog sa SONA—at sa araw-araw na pamamalagi niya sa palasyo—habang nananatiling gutom sa epektibong pamamahala ang sambayanang Pilipino.
Matibay na ang pundasyong pumipirmi sa katotohanang palpak ang kabuuan ng pamamahala ni Duterte—walang humpay na kabiguan ang hatid niya sa sambayanang hindi man lamang napahinga sa pagpapalakas ng panawagan dahil sa patuloy na kalapastanganan ng rehimen. Ito ang hindi kailanman malilimutan at hindi dapat matabunan sa pagsulat ng kasaysayan: ang palyadong tugon ng Pangulong hayag sa pagsikil sa malayang pamamahayag at pagpapahayag, sa pananakot sa mga progresibong kabataan at grupong nanghihingi ng pananagutan, at sa pagkait ng karapatan ng mamamayang pinangakuan noong panahon ng halalan.
Sa huling taon ni Duterte, ituon natin ang lakas hindi lamang sa pagpapanagot sa kaniya kundi pati sa paghikayat sa mga Pilipino na makialam, makisangkot, at maging reponsableng mamamayan tungo sa pagiging kritikal na botante sa Halalan 2022. Sa pagkilos na ito, kaisa ang Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa layuning itaas ang kamalayan ng mga mamamayan upang magkaroon ang Pilipinas ng mga lider na isusulong ang kapakanan at kaligtasan ng nasasakupan sa halip na itulak ang pansariling interes. Lagi’t laging kakapit ang APP sa pwersa ng kolektibong pagkilos at masigasig na pagmulat sa kapwa, kaya’t nananawagan ang Pahayagan para sa pakikiisa ng bawat Pilipino sa pagluluklok ng mga kandidatong mulat sa tunay na kalagayan ng bansa. Sama-sama tayong tumindig at kumabig papalayo sa daang naging kulungan natin nang mahigit limang taon.