NAGTIPON-TIPON sa kaunaunahang ASEAN Youth Week (AYW) ang mga delegado mula sa iba’t ibang panig ng Timog-Silangang Asya, mula Agosto 1 hanggang Agosto 14. Binubuo ito ng serye ng mga webinar at aktibidad na nakasentro sa pagbibigay ng plataporma sa bawat kalahok na bansa upang talakayin ang mga kinahaharap nilang suliranin.
Pinangunahan ito ng Asean Youth Advocates Network (AYAN), katuwang ang Junior Chamber International Makati, Junior Jaycees Makati, at Robin des Bois Agency. Nais nilang ipagpatuloy ang pagsasagawa ng naturang programa taon-taon upang mas mapagbuklod ang mga natatanging karanasan ng mga kinatawan ng mga karatig bansa.
Tinig ng kabataan
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng pagpapalabas ng awitin ng ASEAN, na sumisimbolo sa pormal na pagpapasinaya sa unang araw ng selebrasyon na Opening: Raising the ASEAN Flag. Pinangunahan ito ni Mirus Ponon, tagapagtatag ng AYAN at isa ring Lasalyano, sa kaniyang pambungad na pahayag. Binigyang-diin niya ang kakayahan ng kabataan na makiisa sa pagbabago. Kabilang din sa nagbigay ng talumpati ang mga direktor ng bawat bansa na miyembro ng ASEAN.
Pinasinayaan naman sa ikalawang araw ng selebrasyon ang isang talakayan na nagtatampok ng mga aktibista sa Timog-Silangang Asya, upang ilahad ang kasalukuyang katayuan ng kanilang bansa sa malayang pamamahayag. Inilantad ni Anton Narciso III ng College Editors Guild of the Philippines, ang talamak at lantarang pag-abandona ng kasalukuyang administrasyon sa karapatang pantao ng mga Pilipino. “Critical journalists are always under attack [and] the moment they spend and [show] the true ills of society, [they] are always branded by terrorism”, paglalahad niya.
Natunghayan naman sa ikalimang araw ang AYAN Singapore: Let’s talk Sustainability, na layong mailahad ang diskurso tungkol sa Climate Change Bill o Green Plan 2030 na isinakatuparan ng kanilang parliyamento sa unang bahagi ng taon.
Hangad naman ng ikapitong araw ng AYW na gawing sentro ng talakayan ang pananaw ng Cambodia sa isyu ng pangkasariang edukasyon. Isiniwalat sa nasabing talakayan ang mga hamon at posibleng kinabukasan ng bansa sa paggalugad sa naturang tema. Binigyang-diin din ng isa sa mga tagapagsalita na si Catherine Harry, isang feminist vlogger sa Cambodia, ang kahalagahan ng kamalayan. “I have talked to many young women [who] said that the first time they got their period, they thought they were dying”, pagbabahagi niya na sapat na indikasyon ito upang palawigin pa ang estado ng kaalaman sa kanilang bansa.
Bilang panimula sa pangalawang linggo at ikawalong araw ng AYW, idinaos naman ang ASEAN Youth Advocates Summit, na itinuturing na sentro ng kabuuang selebrasyon. Nahati ang aktibidad sa tatlong serye: plenary session, seremonya ng pag-turnover, at gabi ng parangal.
Pinatotohanan ng AYAN ang kanilang adbokasiya na kritikal na pagsusuri sa mga napapanahong isyu nang binigyang-pansin nito ang kasalukuyang krisis na kinahaharap ng Myanmar sa pang-edukasyong sektor, noong ikasiyam na araw sa AYAN Myanmar: Myanmar Youth and Education Roundtable Discussion.
Itinampok naman sa ika-10 araw ng AYW ang AYAN Global: Advocate Stories to Write on the ASEAN Youth Book na may hangaring makabuo ng isang librong sumasaklaw sa pagiging kabataang lider. Ipinamalas sa naturang pagdiriwang ang kakayahan ng kabataan na makihalubilo at magbigay-kontribusyon.
Ipinabatid naman ng bansang Vietnam sa ika-11 araw ang kahalagahan ng kabataan upang makatulong laban sa COVID-19, sa programang AYAN Vietnam: The Role of ASEAN Youth in a COVID-AFFECTED Vietnam. Sa kabilang banda, narinig din ng mga kalahok sa parehong araw ang mga suliranin sa kalikasan ng bansang Laos sa programang AYAN Laos: Laos Environmental Challenges.
Inilatag din ang kahalagahan ng trabaho sa ika-12 araw ng AYW. Binuksan ang International Youth Day: Achieving the Brightest Future upang sanayin ang mga kalahok sa pagbuo ng network at paggawa ng resume at cover letter. Bukod dito, ibinahagi rin sa naturang programa ang mga estratehiya sa pakikipanayam at mga exchange student program na maaaring salihan ng mga kalahok.
Pinalawig naman sa ika-13 araw ang kahalagahan ng ASEAN sa sektor ng kabataan sa Malaysia sa pamamagitan ng AYAN Malaysia: Summit of Festival of Aspirations. Hinubog ng nasabing programa ang kanilang paraan ng komunikasyon at pagtugon sa mga suliranin ng bansa.
Pagtatapos ng yugto
Maliban sa mga programang nakatuon sa mga suliranin ng Timog-Silangang Asya, inilunsad naman ng AYAN Philippines ang limang bahagi ng serye na pinamagatang Buklatin ang Isipan: Fundraising Workshops for Buklat sa Kinabukasan Project, na isinagawa sa limang magkakahiwalay na araw.
Tinalakay ni Lorraine Suarez, miyembro ng University of Santo Tomas Red Cross Youth Council, ang iba’t ibang uri ng Basic First Aid Technique sa unang araw ng workshop. Sinundan ito ng workshop hinggil sa pagtatahi at pagdidisenyo ng mga damit na pinangunahan ni Norence Calim, founder ng Orbit clothing brand.
Napalawig naman ang kaalaman ng mga kalahok sa paglikha ng digital art sa ikatlong araw ng workshop, sa pagbabahagi ni Jona Jean Redondo, freelance artist mula sa City College of Calamba. Itinuro din ng Makò Micro-Press sa ikaapat na araw ng workshop ang proseso ng paglikha ng mga zine, habang pinahalagahan naman sa huling araw ang career coaching at personal development sa tulong ni Mark Chuidian, Marketing Head ng Wheeltek Motor Sales Corporation.
Ipinamalas din ng AYAN Philippines ang talento ng kabataang Pilipino sa Isang Munting Harana: Virtual Talent Show and Benefit Concert for the Filipino Youth. Itinampok nila rito ang mga tagapagtanghal mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Tuluyan namang nagtapos ang programa sa ika-15 araw ng AYW. Binalikan dito ang mga karanasan ng mga kalahok at ipinakita ang mga kaganapan sa nakalipas na dalawang linggo. Inaasahan naman ng organisasyon ang muling pakikilahok ng mga kabataan sa susunod na taon.