PANGANGASIWAAN MULI ng De La Salle Philippines (DLSP), katuwang ang Office of the Vice President for External Affairs (OVPEA) at Center for Social Concern & Action (COSCA), ang Boto Lasalyano, Sulong Pilipino (BLSP) 2022. Hangarin ng proyekto na mapaghandaan at makatulong sa maayos na pagboto ng pamayanang Lasalyano para sa nalalapit na Halalan 2022.
Matatandaang nagpatawag ng isang pagpupulong ang OVPEA sa Convention of Leaders upang ipakilala ang BLSP 2022 noong Hulyo 2.
Layunin ng inisyatiba
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Cate Malig, Vice President for External Affairs ng University Student Government (USG), ibinahagi niya ang tatlong pangunahing layunin ng BLSP 2022. Ayon sa kaniya, hangad ng proyektong maunawaan ang perspektiba ng mga botanteng Lasalyano upang makabuo ng komprehensibong kampanya ng voter’s education ang mga nangungunang opisina.
Bukod pa rito, ninanais din ng proyekto na magkaisa ang pamayanang Lasalyano upang sama-samang umaksyon sa mga hamong dala ng paparating na halalan. Binanggit din ni Malig ang huling hangarin ng inisyatibang pagtibayin ang mga plano ng iba’t ibang sektor at organisasyon sa loob ng Pamantasan para sa malinis at matapat na Halalan 2022.
Ibinahagi naman ni Neil Penullar, direktor ng COSCA, na dating proyekto na ng DLSU Committee on National Issues and Concerns (CoNIC) ang BLSP. Paglalahad niya sa APP, “Ito’y unang inilunsad noong July 27, 2009 at layunin nitong himukin ang pamayanang Lasalyano na makilahok sa mga gawaing may kinalaman sa halalan.”
Dagdag pa ni Penullar, nagsimula ang pagpaplano ng bawat tanggapan sa unang bahagi ng taong 2021. Ayon sa kaniya, pinagsama-sama ang plano ng bawat opisina, alinsunod sa malawakang hakbang ng Lasallian Justice and Peace Commission (LJPC) ng DLSP. Kinilala rin ni Penullar ang malaking papel na ginagampanan ng USG, COSCA, at iba pang mga estudyanteng lider na kumikilos para sa mga gawain ng CoNIC.
Pagpapalawig ng Voter’s Education
Inilahad ni Malig na may limang yugto ang BLSP: Una, ang Voter’s Registration Survey and Mapping; ikalawa, ang Formulation and Dissemination of DLSU Electoral Agenda; ikatlo, ang Values and Issue-Based Voter Education; ikaapat, ang Mock Elections, at panghuli ang Election Monitoring and Canvassing.
Pagbabahagi pa ni Malig, isinasagawa na sa kasalukuyan ang unang yugto o ang Voter’s Registration Survey, na layong lumikom ng datos na magsisilbing gabay sa pagbuo ng institutional electoral agenda ng BLSP.
Binanggit din ni Malig ang iba pang hakbang na kanilang inaasikaso. “Bubuuin naman ang institutional electoral agenda na pangungunahan ng Convention of Leaders mula sa sektor ng mga mag-aaral, sa ilalim ng gabay ng CoNIC ng Pamantasan,” ani Malig.
Ipinaliwanag din ni Malig ang plano ng OVPEA sa opisyal na paglulunsad muli ng BLSP sa katapusan ng Hulyo o unang linggo ng Agosto. Bubuuin din ang #YouthVote2022 na magsisilbing pangunahing proyekto ng OVPEA para sa paghikayat sa mga Lasalyano upang magparehistro.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Malig ang mga susunod na hakbang sa pagsasakatuparan ng proyekto. Aniya, magkakaroon ng satellite voter registration sa kampus, katuwang ang USG. Ibinahagi naman ni Penullar na kasalukuyang sinisikap ng kanilang opisina na makakuha ng clearance mula sa City Health Office. Ayon sa kaniya, kailangang walang kaso ng COVID sa lugar ng satellite voter registration sa loob ng dalawang linggo. Bukod dito, magsasagawa ng isang linggong shuttle service ang kanilang opisina upang matulungan ang mga taong makarating sa mga tanggapan ng COMELEC at makapagparehistro.
Sunod namang inilahad ni Penullar na magsasagawa ng diskusyon ang COSCA ukol sa voters’ education kapag naisapinal na ang mga kakandidato para sa Halalan 2022. Bukod dito, makikipag-ugnayan ang kanilang opisina sa mga umaantabay sa aktuwal na halalan upang masubaybayan ang botohan at bilang ng mga boto.
Sa kasalukuyan, nilalayon naman ng OVPEA na maimbitahan ang Samahang Lasalyano, grupo ng mga student council/government sa iba’t ibang pamantasan sa ilalim ng DLSP, para mahikayat ang pamayanang Lasalyano sa buong bansa na makilahok sa kanilang kampanya. Bukod pa rito, umaasa si Malig na maging katuwang ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) upang mas mapatatag nila ang mga plano sa panghuling yugto ng kampanya sa BLSP.
Isinaad naman nina Malig at Penullar ang mga hamon ng pandemya sa pagsasakatuparan ng inisyatiba. Itinuon ni Malig na doble-kayod ang OVPEA upang makapag-isip ng mga proyekto at estratehiya na makapupukaw sa pansin ng mga Lasalyano para makialam at makilahok sa mga aktibidad sa darating na halalan. Marami rin aniya ang isinasaalang-alang na aspekto upang maisakatuparan ang proyekto. Pagsasaad niya, “Kung noo’y napakadali lamang ng proseso sa pagpaparehistro sa Yuchengco lobby, ngayo’y mayroon ng minimum health protocols na dapat isaalang-alang.”
Sa kabilang banda, ipinunto naman ni Penullar na mas maraming makadadalo sa ibang aktibidad dahil isasagawa na ito online. Nakita rin ni Penullar na magiging mas madali ang pag-imbita sa mga tagapagsalita mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Botanteng Lasalyano sa pandemya
Samantala, ibinahagi ni Penullar ang isang pag-aaral na nagsasaad na bumagsak ang antas ng demokrasya ngayong nasa gitna ng pandemya. Bukod dito, marami ring mga Pilipino ang hindi nakalalahok sa mga gawaing pampolitika o panlipunan.
Dahil dito, inudyok ni Penullar na makilahok ang mga Lasalyano sa mga gawaing nakapaloob sa BLSP. Aniya, “Kung nais nating mapakinggan ang boses ng mga Lasalyano. . . marapat na tayo ay makilahok sa mga gawain ng BLSP at ng iba pang mga samahang nagnanais ng malinis at marangal na Eleksyon 2022.”
Ipinunto naman ni Malig ang kahalagahan ng pagboto sa tamang kandidato. Paliwanag niya, “Kung hindi ito [boto] gagamitin sa tama, malalagay sa maling kamay ang pamamahala sa gobyerno na siyang magtatakda sa kalagayan ng bawat Pilipino.” Binalikan din niya ang mahalagang papel na ginagampanan ng BLSP upang magabayan ang pamayanang Lasalyano sa masusing pagsuri, pagpili, at paghalal.
Naniniwala si Penullar na mabibigyan ang pamayanang Lasalyano ng sapat at mapagkakatiwalaang impormasyon sa darating na halalan, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga bumubuong opisina sa CoNIC. Maliban pa rito, magkakaroon din ng mga bukas na talakayan at muling pagpapaalala sa Lasallian Core Values. Giit niya, ito ang susi upang maging mapanuri ang lahat sa nalalapit na halalan.
Sa huli, kumbinsido si Malig na mahihikayat ang pamayanang Lasalyano na maging mas mapanuri sa kanilang mga iboboto at mas aktibong lumahok para sa malinis at matapat na halalan, sa pamamagitan ng paghahatid ng “objective, issue-oriented, at platform-based voter education.”