ISANG MIKROKOSMO ng Philippine politics—ganito mailalarawan ang umiiral na politika sa loob ng University Student Government (USG) ng Pamantasang De La Salle (DLSU). Maiuugnay rin ang paghahalintulad na ito sa papalapit na General Elections 2021 at Pambansang Halalan 2022.
Kaugnay nito, nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel sina Anthony Borja at Georgeline Jaca, mga propesor mula sa departamento ng Political Science, Angelo Herrera, coordinator ng Advocacy and Adult Formation ng Center for Social Concern and Action, at ilang estudyanteng lider upang mapalawig ang pagsusuri hinggil sa pagkakapareho ng politikang pangkampus at pambansa.
Pagkakawangis ng estruktura at pamamahala
Ibinahagi ni USG Vice President for External Affairs Cate Malig ang pagkakatulad ng USG at pambansang pamahalaan sa sistema nito. “Sobrang bureaucratic ng USG [at] makikita rin. . . sa national government na napakaraming proseso,” paliwanag niya.
Tinukoy rin ni Jaca ang pagkakatulad ng USG at pambansang pamahalaan sa pagkakaroon ng ehekutibo, lehislatibo, at hudikaturang sangay. Paglalahad din ni Angelo Casipe, presidente ng Santugon, bunsod ito ng pagkakahanay ng USG Constitution sa Saligang Batas.
Samantala, inusisa ni Borja ang naturang pagkakatulad sapagkat nililimitahan nito ang kakayahan ng USG na sumubok ng mga alternatibong sistema. Giit niya, “You can distribute work. . . you don’t need a small group. . . [in] decision-making when you have a relatively small community.”
Inilahad din ni Jaca ang pagkakapareho ng ilang suliranin sa USG at pambansang pamahalaan, tulad na lamang ng pakikilahok ng mga nasasakupan at pagliban ng mga opisyal kada pagpupulong. “Basically, totoo nga ‘yung sinasabi [nilang] ang USG ay microcosm of Philippine politics,” sambit niya.
Iginiit din ni Borja na mahina ang pag-ugnay ng mga partidong politikal ng DLSU sa mga Lasalyano. Binigyang-tuon niya ang disgusto ng mga mamamayan sa kultura ng tradisyonal na politiko o trapo. “Ayaw ng mga Pilipino [at] estudyante ng katrapuhan. They see the political parties as basically trapos,” giit niya.
Gayunpaman, ipinabatid din ni Jaca na mayroong ilang politikong nakikinig at kumakatawan sa nasasakupan nito. Nilinaw rin ni Martha Delos Santos, presidente ng Tapat, na magkaiba ang USG at ang pambansang pamahalaan sapagkat handang ipaglaban ng mga opisyal ng USG ang mga Lasalyano, habang nananatiling puro lamang pakulo ang ginagawa ng mga politiko sa bansa.
Hamon sa pagiging epektibo
Isiniwalat naman ni Delos Santos na mga napakong pangako at mga isyung kinasangkutan ng mga nakaraang administrasyon ng USG ang nagdulot sa kawalan ng tiwala ng mga botante, habang pinagtuunan naman ni USG Executive Treasurer Noel Gatchalian ang kakulangan sa kaalaman ng mga estudyante ukol sa tungkulin ng USG.
Samantala, tinalakay ni Jaca ang political efficacy bilang batayan ng mamamayan sa pagboto at pakikilahok. Paliwanag niya, pansariling ebalwasyon ang internal political efficacy dahil sa pagninilay ng botante o politiko ukol sa kakayahan nilang magsimula ng pagbabago. External political efficacy naman ang salik na makapagpapasya sa mamamayan na bumoto, matapos suriin ang kasalukuyang sitwasyon o mga nakaupong politiko.
Binanggit ni Jaca na maaaring nararamdaman ng mga estudyante na hindi sila napakikinggan ng USG. “[Students] don’t see the relevance or even the possibility of them influencing the USG,” paliwanag niya. Maliban dito, ipinaalala niya na maaaring pagboto rin ang maging daan upang mapalitan ang mga lider na hindi karapatdapat.
Kahalagahan ng representasyon
Ipinabatid naman ni Borja ang kahalagahan ng USG bilang kinatawan ng mga estudyante. Binigyang-halaga rin ni Jaca ang karanasang ibinibigay ng paglahok ng mga Lasalyano sa pamamahala ng kanilang Pamantasan. “Unang sabak natin [ang USG] in shaping the policies that would govern us,” ani Jaca.
Dagdag pa ni Malig, responsibilidad ng USG na gumawa ng mga programa at polisiyang tutugon sa hinaing ng mga Lasalyano. Bunsod nito, nanawagan si Gatchalian na magkaisa ang mga Lasalyano sa pagboto upang maisakatuparan ang pagbabagong ninanais nila. Wika niya, “Kung papaano tayo pumili ng mga taong mahahalal sa Pamantasan ay mama-manifest natin sa pagboto para sa Pambansang Halalan.”
Bukod dito, hinikayat ni Herrera ang madla na suriin ang mga politikong kumakatawan sa kanilang pangarap at paniniwala. Paalala niya, “Siguraduhing makakarating sa balota ang ating pagpapasya [at] aktibong [makilahok] sa ating demokrasya kahit pagkatapos ng halalan.”
Iginiit naman muli ni Malig ang diwa ng pagboto sa responsibilidad at karapatan ng mga Pilipino at Lasalyano. “Napakalaki ng nakasalalay sa’tin bilang mga kabataan. . . na maging mas mapanuri [at] lumahok sa kampanya para sa malinis at matapat na halalan,” pagdidiin niya.