BINIGYANG-HALAGA ng Englicom ang pagtataguyod ng makabuluhang pakikibahagi sa modernong panahon, sa programang Transcend: Engage Amidst the Digital Age na isinagawa noong Agosto 28 at Setyembre 4. Dinaluhan ito ng mga estudyante mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Tinalakay sa unang programa, Agosto 28, ang temang The Art of Finding Your Niche na nagbigay-inspirasyon sa mga kalahok na magkaroon ng lakas ng loob sa kanilang tinatahak na landas at hindi magpadala sa takot na walang makapapansin sa kanilang mga likha.
Pinangunahan ni Sharlene Yap, freelance illustrator, animator, at content creator sa YouTube, ang pagbabahagi ng mga prosesong lilinang sa pansariling kakayahan. Ipinunto niyang higit na nakatutulong ang paghahanap ng inspirasyon upang maisakatuparan ang ninanais na proyekto.
Inilahad ni Yap na nararapat munang alamin ng bawat indibidwal ang nais nilang gawin bago tumungo sa susunod na hakbang. Para sa kaniya, ang pagsasagawa ng proyekto ang pinakamalaking hamon sa paglikha ng obra. “Knowing how to make it is the biggest hurdle to jump over, but once you have learned, it becomes an invaluable skill,” dagdag pa niya.
Naobserbahan ni Yap na nakatulong sa kaniyang kalusugang pangkaisipan ang pagguhit ng doodles. Binigyang-diin niya na mahalaga ang ginagampanang papel ng sining ngayong may pandemya. “It makes people happy especially in these times where it’s hard to connect and hard to keep the mood light, art can be a way to share joy with other people,” paglalahad niya. Kaugnay nito, iminungkahi rin ni Yap na kinakailangang magtakda ng mga layunin pagdating sa mga isinasagawang proyekto.
Epektibong pamamahala sa gitna ng krisis
Itinampok naman sa ikalawang webinar na may temang The Business of Finding Strategies that Work, Agosto 28, ang kahalagahan ng mga serbisyong pampinansiyal at pagiging makabago sa gitna ng pandemya. Pinangunahan ni Janina Almiranez, Propositions Manager ng Retail Banking and Wealth Management ng HSBC Philippines at dating St. La Salle Scholar, ang paglalatag ng mga ideya.
Nagbalik-tanaw si Almiranez sa kaniyang buhay-estudyante sa Pamantasan. Ibinahagi niya rito ang mga karanasan niya kasama ang kaniyang blockmates, thesis mates, at mga kamag-aral. “Matuto na kayo ahead of time. Back then, my goal was just to get out and then party. And I could have saved a lot of money and time. I wish someone told me because I was too young to know,” saad niya ukol sa naging gampanin ng kaniyang mga karanasan sa paghubog sa kaniyang sarili.
Binigyang-halaga rin ni Almiranez ang industriya ng serbisyong pampinansyal ngayong pandemya at iniugnay niya ito sa sining, negosyo, agham, at teknolohiya. Hinimok niya ang mga kalahok na ipagpatuloy ang pakikisabay sa mabilis na pagbabago ng mundo upang manatiling makabuluhan sa industriya. “Given the tools that we have, it is easy to learn and understand a certain thing. You just need to focus and make time,” saad pa niya.
Sa pagtatapos ng programa, inudyok ni Almiranez ang mga kalahok na panatilihing balanse ang trabaho at personal na buhay upang maging produktibo sa kabila ng stress na dulot ng pandemya. Pahayag niya, magtakda ng iskedyul araw-araw, magkaroon ng positibong pag-iisip, at bumuo ng mga gawi na makatutulong sa personal na layunin.
Daan tungo sa tagumpay
Inimbitahan sa ikatlong bahagi ng webinar na may temang The Science of Moving Forward to Success, Setyembre 4, si Dr. Kathleen B. Aviso, kasalukuyang associate dean ng Departamento ng Chemical Engineering sa Pamantasang De La Salle (DLSU) at associate director ng Research and Advance Studies.
Binigyang-pansin ni Aviso ang kahalagahan ng pananaliksik at ang mga naidudulot nitong kontribusyon sa lipunan. Ibinahagi rin niya na mas maunlad ang mga bansang namumuhunan sa pananaliksik, ayon sa datos na mula sa pag-aaral nina Chan-Yuan Wong at Lili Wang na pinamagatang Trajectories of science and technology and their co-evolution in BRICS: Insights from publication and patent analysis. “It inspires me to see how the work of researchers contributes to society,” pagsasaad pa niya.
Ibinida rin ni Aviso ang nakamtang pagkilala ng DLSU sa Global Innovation Index noong 2020 at ang kalakip na ranggo sa bawat aspekto. Subalit, binigyang-diin niya na maituturing na isang hamon ang nakamit na ika-125 ranggo sa mga nailathalang pananaliksik upang mas pagbutihin at palakasin ang pananaliksik sa bansa. “The pandemic made people realize the value of science and the value of research. We should have a more long term perspective of the potential impact of the things that we do,” ani Aviso.
Tinukoy rin ni Aviso ang pagkakaroon ng mabuting tagapayo at sapat na pandaigdigang karanasan bilang mahahalagang aspekto sa pagiging mananaliksik. Aniya, mas pinalalawak at pinauunlad nito ang pagiging malikhain at makabago ng mga mananaliksik pagdating sa iba’t ibang aspekto. Dagdag pa rito, pinaalalahanan din niya ang mga manonood na panatilihin ang propesyonal na ugnayan sa mga nakasasalamuha nila sa industriya.
Sa pagtatapos ng programa, hinikayat niya ang mga manonood na magpabakuna bilang karagdagang proteksyon sa COVID-19 virus. Pagbabahagi pa niya, “If we understand our probability and statistics and really try to extract data on how many people have been administered with the vaccine and how many had reactions to it, you really see that it is a very very small portion. It is more likely that we get into an accident.”