Kasong negligence dahil sa pagliban sa mga sesyon ng LA, inilatag sa hearing ng USG-JD

DININIG ng University Student Government Judiciary Department (USG-JD) ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa isang plea hearing ang kasong negligence na inihain laban kina Celine Dabao, EDGE2018, at Anton Mapoy, BLAZE2020, mga kinatawan ng Legislative Assembly (LA),  dahil sa kanilang pagliban nang walang paalam sa mga sesyon ng LA, Setyembre 6.

Isinampa nina Katkat Ignacio, EXCEL2021, at Aeneas Hernandez, EXCEL2022, na kapwa mga kinatawan ng LA, ang naturang kaso. Pinangunahan naman nina chief magistrate Jericho Quiro, deputy chief magistrate Andre Miranda, at magistrate Reginald Bayeta IV ang sesyon.

Kapabayaan sa tungkulin

Nakasaad sa panuntunan ng LA at USG na pinahihintulutan lamang na magkaroon ng hanggang tatlong unexcused absences ang bawat opisyal ng USG. Nakapagtala si Dabao ng apat na unexcused absences sa LA ayon sa tala ng Office of the Chief Legislator.

Itinanong ni Miranda kay Lunette Nuñez, lead counsel ng mga naghain ng reklamo, ang mga parusang maaaring ipataw sakaling mapatunayang may sala ang nasasakdal. Ibinahagi ni Nuñez ang Code of Violations na naglalaman ng mga depinisyon at mga parusang maaaring ipataw kaugnay ng kaso, subalit sinabi ni Miranda na hindi pa ito epektibo sa kasalukuyang termino. 

Dahil dito, inilahad ni Nuñez na hindi pa maaaring hatulan ng impeachment si Dabao at ibinaba na lamang sa suspensyon ang hiling na parusa ng kaniyang kampo. Dagdag pa niya, nagpasa si Dabao ng resignation letter kay chief legislator Giorgina Escoto, subalit hindi siya binigyang-pahintulot ni USG Executive Secretary Annika Silangcruz dahil sa nakabinbing kaso. 

Ipinaliwanag din ni Nuñez na naniniwala siyang nasa posisyon ang USG-JD para pahintulutan ang pagbibitiw ni Dabao kaya iniakyat nila ang kaso sa hukuman. Kaugnay nito, inusisa ni Quiro ang mga kondisyong nakasaad sa kasunduan ng dalawang panig upang bigyan ng mas mababang sentensya ang nasasakdal kapag naghain siya ng guilty plea. Nakasaad din sa plea bargain ni Dabao na pagbibitiw na lamang sa tungkulin ang sentensyang ibibigay. 

Binigyang-diin naman ni Miranda na hindi maituturing bilang parusa ang pagbibitiw sa tungkulin. Bunsod nito, iginiit ni Nuñez na gusto lamang ng kaniyang kampo na mapabilis ang pagpoproseso sa kaso. Aniya, “We are hoping that we could end the case here without going through the grueling process of all the trials since we also want to show compassion to the defendant.”

Inirekomenda ni Miranda sa panig nina Nuñez na iurong ang kaso at hayaan si Dabao na magbitiw sa posisyon. Dahil dito, iniurong ng kampo ni Nuñez ang plea bargain agreement at naghain si Dabao ng guilty plea. Nakatakda naman sa Setyembre 10 ang decision hearing para sa kaniyang kaso.

Pagliban sa hearing

Nagsampa rin ng kasong negligence ang panig nina Ignacio at Hernandez laban kay Mapoy dahil sa hindi pagdalo sa mga sesyon ng LA.

Lumiban naman sa plea hearing si Mapoy at ang kaniyang counsel sa kabila ng summons na ipinadala ng Judiciary. Dahil dito, hindi nailahad sa sesyon ang impormasyon kaugnay ng kaso. Ipinagpalagay naman ng hukuman na not guilty ang sagot ng kampo ni Mapoy sa paratang.

Isasagawa sa Setyembre 10 ang pre-trial conference para sa kaso ni Mapoy. Ipinaalala ni Quiro na kinakailangang isumite ng dalawang panig sa hukuman ang  pangalan ng mga testigo at mga kaugnay na dokumentong gagamitin sa kaso.