Pagtatapos ng General Elections 2021: Panibagong liderato ng USG at kanilang mga plano, inilatag

Likha ni John Mauricio

INIHALAL ng pamayanang Lasalyano ang mga susunod na pinuno ng University Student Government (USG) ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa katatapos lamang na General Elections (GE) 2021. Inilabas naman ng DLSU Commission of Elections (COMELEC) ang resulta ng naturang halalan, Setyembre 13. 

Pagkilala sa mga nagwaging kandidato 

Dinomina ng 41 kandidato mula sa Santugon sa Tawag ng Panahon (Santugon) ang USG para sa akademikong taong 2021-2022. Samantala, mayroon namang 17 kandidato mula sa Alyansang Tapat sa Lasallista (Tapat).

Nasungkit ng Santugon ang lahat ng posisyon sa Executive Board (EB). Itinanghal si Giorgina Escoto bilang bagong pangulo ng USG, Britney Paderes bilang Vice President for Internal Affairs, at Lara Jomalesa bilang Vice President for External Affairs (VPEA). Pinangalanan naman si Jewel Limjoco bilang Executive Secretary at nakamit ni Caleb Chua ang posisyon bilang Executive Treasurer. 

Wagi naman ang Tapat sa apat na posisyon ng college assembly president. Kabilang dito ang Br. Andrew Gonzalez College of Education (BAGCED) sa pamamahala ni Alex Brotonel, College of Science (COS) sa pamamahala ni Jed Lurzano, Gokongwei College of Engineering (GCOE) sa pamamahala ni Alfonso Claros, at School of Economics (SOE) sa pamamahala ni Martin Regulano.

Samantala, tatlong posisyon naman ng college assembly president ang nakuha ng Santugon. Pamumunuan ni Bea Berenguer ang College of Computer Studies (CCS), Verrick Sta. Ana para sa College of Liberal Arts (CLA), at Chiki Grijaldo sa Ramon V. del Rosario College of Business (RVR-COB).

Sa kabilang banda, bakante naman ang 24 na posisyon sa USG. Bilang tugon dito, ipinabatid ni Ram Vincent Magsalin, COMELEC Chairperson, sa naging panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na magkakaroon ng special elections kasabay ng Freshman Elections sa unang termino ng susunod na akademikong taon. Hindi pa man naisasapinal ang ilang detalye para dito, ibinahagi ni Magsalin na maaari itong isagawa sa loob ng ikaapat hanggang ikalimang linggo ng susunod na termino. 

Balik-tanaw sa isinagawang GE 2021

Inilahad naman ni Magsalin ang mga naranasang hamon sa nagdaang eleksyon. Pahayag niya, pangunahing isyu ang ilang beses na pag-crash ng voting website. Iba ito aniya sa nangyari noong Make-Up Elections (ME) na may abiso sila sa tuwing magkakaroon ng maintenance check ang website. 

“While we haven’t met with the developers pa to explore what happened, my personal theory is that similar siya to the animo.sys issue na [nagka-crash kapag] sobrang daming umaaccess, since we are using a DLSU server now instead of a private, 3rd party server,” paliwanag ni Magsalin. 

Nagbigay rin ng ilang komento si Magsalin sa mas mababang final voter turnout ng GE 2021 kompara sa ME 2021. Saad niya, isang posibleng dahilan ang teknikal na problema sa website na maaaring nakaapekto sa interes ng mga Lasalyano na bumoto. 

Naniniwala rin si Magsalin na salik sa mas mababang voter turnout ang pagsasagawa ng eleksyon sa kasagsagan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Giit pa niya, “Baka nahati rin yung time ng students between the elections, their academics, and other issues inside and outside of the university, which we do understand naman.”

Ibinahagi rin ng COMELEC Chairperson sa APP na nagkaroon lamang ng isang electoral complaint para sa GE 2021. Inilahad niyang tungkol ito sa Leave of Absence ng isang kandidato ngunit hindi na ito lumala at naging electoral case. 

Matatandaan ding nagbitiw sa kanilang pagtakbo sina Arvin Rufino, kandidato bilang GCOE College President ng Santugon, at Benedict Mateo, kandidato bilang FAST2018 Batch Legislator ng Tapat, dahil sa seksuwal na alegasyong kinasangkutan ng parehong kandidato. Tinanggap naman ito ng COMELEC at pinawalang-bisa ang kanilang pagtakbo.

Mensahe ng susunod na EB

Ipinabatid naman ng mga bagong halal na EB, sa kanilang naging panayam sa APP, na isang malaking karangalan at hamon ang pagsilbihan ang mga Lasalyano, lalo na sa kasalukuyang sitwasyon ng Pamantasan at ng bayan.

Paglalahad ni Paderes sa APP, “Ang naging pokus ko [sa pagtakbo] ay pagsilbihan ang kapwa ko Lasalyano at ito ang [nagbigay ng] lakas [sa akin]. I always say that I will put the students first. And so I will keep that promise—to be one with the students.” Naniniwala rin si Limjoco na kinakailangan ng mga Lasalyano ng USG na patuloy na tutugon sa kanilang mga pangangailangan lalo na sa pagpapatuloy ng online learning setup.  

Giit pa ni Jomalesa, hindi na kaya ng sinoman na maging mag-isa sa panahong kinahaharap ng karamihan ngayon. Naninindigan siyang kailangan ng lahat na magkaisa at magtulungan bilang mga Lasalyano at Pilipino.  

Lubos ding nagpapasalamat si Escoto sa tiwalang ibinigay sa kaniya ng mga Lasalyano. Pahayag niya, “I am looking forward to working with all student sectors to ensure that Lasallians during my term and beyond can say that their university listened to their needs.” Layon ni Escoto na isulong ang makabubuti para sa mga Lasalyano, lalo na sa aspekto ng kanilang karapatan at kapakanan. 

“Kaya’t kasama ng inyong Executive Board, magtutulungan kami at sama-samang magtatrabaho para mapakinggan at matugunan ang inyong mga hiling upang makamit ang aming bisyon na ‘One with the Students, Together for the Nation’,” dagdag pa ni Chua. 

Unang hakbang ng mga bagong halal

Inilahad rin ng mga nagwaging kandidato, sa kanilang panayam sa APP, ang kani-kanilang mga plano para sa pamayanang Lasalyano sa susunod na akademikong taon.

Ipinabatid ni Escoto na priyoridad niya ang pagsulong sa Student Sector Agenda. Isa itong malawakang programa na layong pagtuunan ng pansin ang representasyon, kapakanan, kaligtasan, at seguridad ng mga Lasalyano sa kanilang edukasyon at learning environment. Bukod rito, binanggit din niya ang mga plataporma ng EB na nakatuon sa Proactive Student Welfare, Purpose-driven Student Representation, at Progressive Student Empowerment. 

Samantala, inilahad naman ni Paderes ang kaniyang plano na magsagawa ng programang nakatuon sa mental health. Balak niyang magkaroon ng komite para sa mental health sa activities assembly para mas mapabuti ang mga serbisyo, sa tulong ng Office of Counseling and Career Services at Lasallian Center for Inclusivity, Diversity and Well Being.

Para naman sa aspektong pang-akademiya, ibinahagi ni Paderes na kinakailangang paigtingin pa ang implementasyon ng Independent Learning Week, No Fail Policy, at Withdrawal of Courses. Dagdag pa niya, “Kabilang na rin sa academics ay ang. . . [paghahandog] ng [proactive] measure para sa resumption of face-to-face classes bilang isa sa mga responsibilities ng OVPIA ay ang ating facilities.”

Bahagi rin ng plataporma ni Paderes ang Needs-Based Database na naglalayong magbigay ng suporta sa required academic resources na kailangan ng mga estudyante. Saad niya, “This is in hopeful collaboration with our faculty in getting the list of required resources even before the term starts so we can also see who and how many [of] our students are having a hard time getting these resources.”

Ipinunto naman ni Jomalesa ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ugnayan sa dating VPEA. Pahayag niya, “Sa pamamagitan ng dynamic civic involvement, ang pangunahing [priyoridad] ko ay mapatibay ang iba’t ibang adbokasiya ng USG at student involvement sa mga isyu na kinakaharap ng [estudyante] at Pilipino, hindi lamang dito sa DLSU pero sa buong bansa.”

Layunin naman ng Office of the Executive Secretary ang pagsasaayos ng sistema ng panloob na komunikasyon ng USG, mula sa mga college unit at batch unit. Ani Limjoco, “Throughout the term, the office aims to provide consistent Process Orientation Workshops with the Executive Board, DAAM, and SLIFE for our USG leaders to serve the best way we can.” 

Nakapokus din si Limjoco sa pagpapaigting ng implementasyon ng bagong Commission for Officer Development sa susunod na akademikong taon para sa mas maayos na pagsasanay sa mga lider ng USG. Paglalahad pa niya, “Centralizing Communication will be one of our top priorities as we aim to make information more personalized and accessible to the student.”

Ayon pa kay Limjoco, mas mapadadali ang akses sa impormasyon sa pamamagitan ng paggamit ng The Lasallian Communication Hub na layong gumawa ng USG Email Newsletters, FB Messenger Bots, at DLSU Email Filtration Kit. Dagdag pa rito, ipagpapatuloy at mas pagbubutihin din niya ang kasalukuyang website ng Student Services Hub at mas palalawigin ang paggamit ng AnimoSpace.

Bukod sa mga inihandang proyekto ni Chua noong panahon ng kampanya, bibigyang-pansin din niya ang proseso ng enrollment sa pamamagitan ng aktibong komunikasyon sa iba’t ibang pampinansyal na opisina. Bibigyang-gabay rin niya ang mga bagong pasok na estudyante ukol sa mga rekisito at proseso ng enrollment at enlistment.

Para naman sa BAGCED, ipinarating ni Brotonel na sisimulan niya ang college-wide constituency check upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga estudyante. Ikalawa naman ang paglulunsad ng College Government of Education (CGE) Hub upang maging abot-kamay sa mga estudyante ang mga anunsyo ukol sa kanilang kolehiyo, tulad ng directory, academic calendars, pre-enlistment schedules, enlistment, shifting concerns, flowcharts, at grievance forms. 

Ipinahayag ni Brotonel na matutugunan din ang kawalan ng Batch Student Government ng EDGE2018 at EDGE2021 sa pamamagitan ng Course Representatives Assembly, na binubuo ng mga estudyante mula sa iba’t ibang kurso mula EDGE2018 hanggang EDGE2021, upang makapagbigay ng academic assistance ang CGE lalo na sa mga batch unit na wala pang mga opisyal.

Sa kabilang dako, bibigyang-tugon ni Grijaldo at Berenguer ang mga suliranin sa enrollment at enlistment. Ayon kay Berenguer, makikipag-ugnayan siya sa administrasyon ng CCS, sa kasalukuyang College President, at sa mga presidente ng organisasyon ng CCS. Titiyakin naman ni Grijaldo at ng Business College Government na magiging maayos ang transisyon at adjustment period ng mga ID 121. 

Itatatag naman ni Sta. Ana ang Arts College Government Council of Student Sectors para makasama na agad ang iba’t ibang sektor ng kolehiyo sa lahat ng plano sa simula pa lamang ng kaniyang panunungkulan. Patuloy rin ang kanilang kolaborasyon sa mga opisina ng DLSU, administrasyon, at sa mga organisasyon ng CLA. Aniya, “This is my primary move: to put a multi-sectoral student involvement as early as day 1 as we strengthen relationships with the members of the CLA community.”

Naniniwala naman si Lurzano na kinakailangang maayos ang panloob na sistema ng Science College Government (SCG) sa loob ng unang 30 araw niya bilang College President. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng pagtatalaga ng executive committee at paggamit ng internal trackers. 

Priyoridad rin ni Lurzano ang kaniyang mga plataporma at polisiya ukol sa student services. Kabilang dito ang pagtatatag ng Student Welfare Committee, pagpapaganda ng website ng SCG, pagsasakatuparan ng SCG Mental Health Telebuddy, at paghahanda para sa panahon ng enlistment at enrollment.

Ibinahagi naman ni Claros at Regulano na bubuo sila ng mga komite sa kani-kanilang kolehiyo. Gagawin din ni Claros na mas sentralisado ang pagpapakalat ng impormasyon sa pamamagitan ng pagbabago ng website ng Engineering College Government. “Ito ang uunahin ko dahil naniniwala ako na maayos na sistema ng impormasyon ay makakatulong sa susunod na mga programa,” wika niya.

Ipagpapatuloy naman ni Regulano ang pagpapaigting sa sistema ng student services sa SOE. Dagdag pa niya, “Nais ko na ring simulan ang mga pang-akademikong programa na tutulong sa mga estudyante at sa pagtukoy ng mga pagkukulang sa kasalukuyang kurikulum.” Aniya, masisiguro nito ang patuloy na pagkilos upang mapabuti ang kalidad ng edukasyon at online learning sa kanilang kolehiyo.

Pagpapanatili sa patas na USG

Naibahagi rin ng mga bagong luklok na miyembro ng EB ng USG, sa kanilang panayam sa APP, ang kanilang saloobin hinggil sa pagtitiyak na mananatiling walang pinapanigan ang USG sa kabila ng pagkakaroon ng mga partido noong eleksyon. 

Ipinarating ni Escoto na tungkulin niya bilang USG President na maging kinatawan ng bawat estudyante sa Pamantasan. Pagdidiin niya, “Sisiguraduhin natin na ang boses na pinapakinggan ng aking administrasyon ay ang boses ng estudyante.” Makikipagtulungan din siya sa Legislative Assembly at Judiciary para mas mapaigting ang pagiging non-partisan ng USG. 

Naniniwala naman si Jomalesa na hindi magiging problema ang pakikipag-ugnayan sa mga estudyante at kapwa niya lider na may iba’t ibang paniniwala at karanasan. “I think it’s high time to understand the importance of collaboration to make projects across all units successful regardless of their political affiliation or the group they belong to,” giit niya. 

Para naman kay Chua, karapatdapat na marinig ang opinyon ng bawat lider-mag-aaral lalo na kapag tungkol ito sa ikabubuti ng pamayanang Lasalyano. Aniya, “Bilang inyong Executive Treasurer, layunin kong maging consultative at pakinggan ang mga opinyon at mungkahi ng lahat ng mga miyembro ng USG.”

Sa huli, binigyang-diin naman ng EB ang kahalagahan ng pagiging neutral at non-partisan ng mga opisyal ng USG. Paglalahad ni Limjoco, “It is important to base all your decisions on the potential of every single USG leader, not based on their political affiliations, but their capabilities to [contribute] to be in service for the university.” 

“At the end of the day, no matter which party we come from or non-partisan, we are serving one student body and it is our role to be of service [to all] students,” pagtatapos ni Paderes.