Matagumpay na mga polisiya at programa ng USG, ibinida sa State of Student Governance 2021

NAGBALIK-TANAW si Maegan Ragudo, Pangulo ng University Student Government (USG), sa mga naisakatuparang programa sa ilalim ng kaniyang pamamahala sa ginanap na State of Student Governance (SSG), Setyembre 29. Binigyang-pansin din ni Ragudo ang mga kinaharap na suliranin ng mga estudyante, gaya ng kakulangan sa mga gadyet at problemang pangkalusugan. Ipinaliwanag din niya ang mga inilunsad na polisiya ng USG bilang paghahanda sa ligtas na pagbabalik sa Pamantasan.

Pagpapaigting ng mabuting pamamahala

Sa pagsisimula ng kaniyang talumpati, iginiit ni Ragudo na mahalaga ang pagkakaroon ng maayos at sentralisadong pamamahala sa loob at labas ng Pamantasan. Ayon sa kaniya, mahalagang magkaroon ng representasyon ang mga estudyante upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga Lasalyano sa kabila ng krisis na kinahaharap ng bansa. Bilang tugon, inilunsad ng USG ang Education Recovery Plan (ERP) na naglalaman ng mga hakbang na kinakailangang maipatupad upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante.

Binubuo ng tatlong bahagi ang ERP. Nakapaloob sa unang bahagi nito ang representasyon ng mga estudyante kaugnay sa mga isyu at usaping pang-kampus. Bahagi ng programang ito ang Convention of Leaders (COLE). Nakatitiyak ang USG na maayos at malinis ang pamamahala ng mga opisyal sa iba’t ibang sangay nito sa pamamagitan ng COLE. Ayon kay Ragudo, “ . . . through COLE, we were able to assert the importance of our student welfare programs, the need for a more conducive space for [organization] projects, and most importantly, a space where student leaders can air their grievances.”

Kaugnay nito, pinasinayaan din ng USG ang kaunaunahang Student Census na pinamunuan nina Calvin Almazan at Andrei Tecson katuwang ang Office of Student Affairs. Nilikom ng USG ang mahahalagang pananaw ng mga estudyante sa negosasyon ukol sa matrikula, pagtugon sa krisis, at mga isyu ukol sa mga polisiya ng Pamantasan. “This guarantees a more research-driven response and actions towards pressing University issues,” ani Ragudo. 

Pagsulong sa karapatan ng mag-aaral

Inilahad naman ni Ragudo sa ikalawang bahagi ng SSG ang mga proyekto ng USG na naglalayong protektahan ang karapatan ng mga Lasalyano. Nagpatupad sila ng ilang pagbabago sa student handbook upang maisulong ang makatarungang polisiyang pang-akademya at representasyon para sa mga estudyante.

Ayon kay Ragudo, nagkaroon ng malaking pagbabago sa panawagan hinggil sa pagrebisa ng dress code upang maipaglaban ang karapatan ng mga Lasalyano sa malayang pagpapahayag ng kanilang sarili. Dagdag pa rito, nagpatupad din ang USG ng mga patakaran sa university mental health policy na pinangunahan ni Jasmine Paras, at sa SOGIE equality policy na pinamunuan naman nina Katkat Ignacio, Francis Loja, Josher Quizon, at ng iba pang kinatawan ng Legislative Assembly (LA).

Pinagtibay rin ng USG ang karapatan sa pagkilos at pag-organisa ng mga estudyante sa ipinanukalang zero tolerance policy para sa karahasang umuugnay sa mga organisasyon. Bukod pa rito, pinaigting din ang karapatan ng mga Lasalyano na maghain ng impormal at pormal na grievance para sa epektibong student-teacher na diyalogo.   

Ibinahagi ni Ragudo na nagpakalat ang kaniyang opisina ng sarbey sa mga estudyante at staff upang malaman ang kanilang pagtanggap sa mga bakuna laban sa COVID-19. Layon nitong mabigyang-katiyakan ang mga plano ng administrasyon ng Pamantasan. Nangampanya rin ang USG para sa full vaccine subsidy ng mga iskolar at partial vaccine subsidy ng mga estudyanteng hindi kayang bayaran ang bakuna, katuwang ang Lasallian Scholars Society.

Nagkaroon din ng mga inisyatiba ang USG hinggil sa usapin ng red-tagging. Kaugnay nito, isinagawa ng USG ang proyektong #DefendDemocracy upang maihayag ang kanilang mga saloobin sa Anti-Terrorism Law. Ipinaliwanag dito na salungat sa karapatang pantao ang naturang batas. Dagdag pa ni Ragudo, inilunsad din nila ang kaunaunahang student-led anti red-tagging policy at anti red-tagging toolkit sa Pamantasan.

Ligtas na balik eskwela

Matagumpay ding naipatupad ang 0% tuition fee increase para sa akademikong taon 2021 – 2022 sa pangunguna ng USG Office of the President, School of Economic Government, at ng USG Office of the Executive Treasurer. Dagdag pa rito, isinulong din ng USG ang patuloy na pagbibigay ng scholarship sa mga estudyante at pagpapababa sa miscellaneous fees. Ayon kay Ragudo, “This, among other things, is one of our greatest wins as students during the pandemic.”

Sa pagpapatuloy ng kaniyang talumpati, inilatag naman ni Ragudo ang plano ng USG, katuwang ng School of Economics Government, Science College Government, FAST2018, at EDGE2019, para sa muling pagpapatupad ng face-to-face na klase sa Pamantasan. 

Ayon sa suhestiyon ng USG, inaasahan na ang pagsasagawa ng mga face-to-face na laboratory classes para sa College of Science, Gokongwei College of Engineering, College of Computer Studies, at College of Liberal Arts sa ikalawang termino ng akademikong taon 2021 – 2022. Ani Ragudo, kinakailangan munang maisailalim ang Lungsod ng Maynila sa Alert Level 3 upang maisakatuparan ito.

Ilulunsad naman ang “Blend Flex Setup” sa ikatlong termino ng naturang akademikong taon. Maglalaan ang Pamantasan ng 50% kapasidad sa bawat klase na magsasagawa ng face-to-face na klase sa ilalim ng programang ito. Samantala, pahihintulutan pa rin ang paglahok sa klase gamit ang video conference para sa iba pang mga estudyanteng Lasalyano. Gayunpaman, maisasagawa lamang ito sa pagkakataon na ibaba na  sa Alert Level 2 ang kalakhang Maynila.

Kaugnay nito, inaasahan naman na makababalik muli ang kabuuang bilang ng mga Lasalyano para sa panunumbalik ng face-to-face na klase sa akademikong taon 2022 – 2023. Ayon kay Ragudo, maisasakatuparan lamang ito kapag napasailalim sa Alert Level 1 ang Maynila at kapag nabakunahan na ang 70% populasyon ng bansa o herd immunity. 

Sa pagtatapos ng kaniyang talumpati, pinasalamatan ni Ragudo ang mga college president, ang Laguna Campus Student Government, ang kaniyang executive board, LA, judiciary department, at ang Office of the President para sa kanilang serbisyo. “Learning must never be at our expense, and ultimately, the USG must always, always safeguard the best interests of the Lasallian students, no matter what,” pagwawakas ni Ragudo.