Biglang dumanak ang sariwa’t mapula-pulang dugo nang dagliang kinalabit ang gatilyong nakakabit sa baril. Kisapmata nitong binuga ang balang kumitil sa huling hininga ng mga kapus-palad na naghihikahos. Sunod na babagabag sa sentido ang napakalakas na hagulgol nilang namatayang puno ng paghihinagpis. Karumal-dumal man ang senaryo, subalit mas kasindak-sindak na sa paglipas ng mga taon, tila naging karaniwan na ito sa mata ng mga tao. Nawalan ng saysay ang mga buhay; nagmistulang numero at pangalan na lamang sila sa listahan ng mga biktima—ito ang katotohanang dala ng Extrajudicial Killings (EJK) na umiiral sa bansa.
Sa pagtatanghal at direksyon ni Mae Paner, inihandog ang dokumentaryong pinamagatang “Tao po” na nagsisiwalat sa mapait na reyalidad sa ilalim ng rehimeng bumago sa libo-libong buhay ng mga Pilipino. Malikhain nitong inilatag ang bawat kuwento ng mga biktimang binawian ng buhay pati na rin ang kanilang mga naiwang pamilya. Ipinakita rin ng dokumentaryo ang kahalagahan ng pagkuha ng retrato upang maipahayag ang dalamhati ng mga biktima ng EJK. Marapat na lubos nating maidilat ang ating mga sarili sa katotohanan—kaya’t kapit-bisig nating silayan ang pagpitas sa bawat bahagi ng dokumentaryo na maglalantad sa mga hindi makatarungang pangyayaring idinulot ng EJK.
Kuwento sa likod ng kamera
Tila naging sampal sa katotohanan ang baluktot na sistema ng hustisya sa Pilipinas nang lumobo ang bilang ng kaso ng EJK. Sa bansang hindi malinaw ang tunay na kahulugan at kahalagahan ng kamalayan, ang pagpikit at pagkikibit-balikat ang naging kasanayan na nabigay-daan naman sa paghahari ng isang rehimeng ginawang armas ang dahas at pagsasantabi sa batas.
Malinaw kay Raffy Lerma, isang batikang photojournalist, ang kahalagahan ng bawat larawang kaniyang itinatatak sa utak ng publiko. Sa bawat larawang kaniyang kinukuha, may istorya siyang inilalahad. Batid niyang kalakip ng mga kuhang larawan ang katotohanang tatanggapin ng sambayanan. “I believe in the power of an image, and how it can influence people’s perception of reality,” paniniwala ni Lerma.
“Gaano katotoo ang totoo?”—isang katanungang kailangang isaalang-alang ng bawat photojournalist. Mahalaga ang bawat segundong lumilipas sapagkat sa isang kisapmata, maaaring mabura at mamanipula ang totoong kuwento ng pangyayari.
Sa kabila ng natamasang pagkakakilanlan buhat ng larawang nakilala bilang “Pietà,” hindi magawa ni Lerma na iangat ang mga sulok ng kaniyang labi at magbunyi. Sapagkat sa likod ng larawang tinatangi, maririnig ang pagtangis ng naiwang pamilya ni Michael Siaron—isang biktima ng EJK. Sa halip na matuwa, pinili niyang magluksa.
Malinaw sa gunita ni Lerma ang pighati sa mga mata ni Jennilyn, asawa ni Michael Siaron, habang nakasalampak sa kalsada, akay ang katawan ng kabiyak. Sa kabila ng palahaw at hiyaw sa paghingi ng tulong, tanging ang pagpitik ng bawat kamera na lamang ang tumugon sa kaniya.
Sa lamay, naiwang tulala ang maybahay na nagdadalumhati—tila hindi pa rin mawari na isa na lamang malamig na bangkay ang kaniyang asawang hinihintay pauwi ng kanilang tahanan. Sa kabilang banda, pasasalamat naman ang naging tugon ng tatay ni Siaron. Aniya, dahil sa retratong kinilala bilang “Pietà,” walang mangingiming bigyan sila ng pansin.
Hindi ito dapat isantabi na lamang dahil luma na ang balita—kailangang maputol ang pisi ng pagtitimpi. Nakapanghihina ang dami ng nagiging biktimang produkto ng isang balikong sistema.
Iginiit ni Lerma na hindi kailanman magiging katanggap-tanggap ang malayang pagyakap ng kasalukuyang administrasyon sa karahasan. Pagdidiin niya, “I will continue to take photos to remind everyone that these victims, they existed. They are human, they are not just numbers.”
Napakadaling sabihing “nanlaban” ang mga biktima, ngunit iba ang pinatutunayan ng mga larawan, iba ang nakita ng mga saksi, ngunit iba ang pinaninindigan ng kapulisan. Sa halip na isiwalat ang katotohanan, pagbabaliktad sa kaganapan ang pinagtuunan. Sa haba ng listahan ng mga biktima, napakadaling kalimutan ang pangalan ng bawat isa. Sa haba ng listahan, nakasasawa na ang paulit-ulit na istorya ng pagpaslang. Sa haba ng listahan, tila naging normal na ang karahasan. Ito na nga ba ang magiging pag-asa ng bayan?
Bumitiw man sa kaniyang pormal na trabaho, nangako si Lerma na hindi niya tutuldukan ang labang kaniyang sinimulan—ang paglalantad ng katotohanan gamit ang mga larawan. Paninindigan niya, “I cannot turn a blind eye to what is staring me in the face. . . Hindi ako papayag na ganito ang society natin. Dapat magising tayo.”
Pikit-matang patotoo
Binigyang-kulay naman ni Paner ang ilan sa kanilang nakalap na mga patotoo mula sa mga nabiktima, naulila, at nakaligtas mula sa madugong EJK sa bansa. Kasabay ng kaniyang pagbabagong-wangis ang pagsasabuhay ng ilan sa mga punto-de-bistang kanilang nabuo upang sariwain ang mga alaala ng mga yumao mula sa karumal-dumal na karahasan ng kapulisan.
Nagtanghal si Paner bilang Rosing, isang zumba instructor na namatayan ng mag-ama dulot ng pamamaslang sa ilalim ng proyektong Oplan Tokhang ng pamahalaan. Dito isiniwalat ng palabas ang interseksyonal na pagkakahabi ng pinagpatong-patong na problema sa droga at ang kapalpakan sa pagresponde rito. Tahasan niyang ikinuwento ang kabalahuraan sa pagtrato sa kababaihan sa mga naturang operasyon ng pulisya. Aniya, “Mas balot na nga ako ngayon kaysa noong akyatin tayo ng labinlimang pulis sa bahay natin. . . Nakiusap kaya ako eh kaso sabi ng pulis, huwag na daw eh tutal sexy naman daw ako.” Pahiwatig ng palabas, pinaiigting ng ganitong mentalidad ng ating kapulisan ang mababa at estereotipikong tingin ng lipunan sa kababaihan kaya’t matapang na kinompronta ni Rosing ang pagpapantasya sa kaniya ni Ka Gener, karakter na kumakatawan sa pambabastos na nararanasan ng mga gaya ni Rosing.
Pinatamaan din ni Rosing ang baluktot na aksyon ng mga kinauukulan upang matulungan ang mga mamamayang lulong sa droga. Pinamukha ng kaniyang karakter ang kabalintunaan sa aksyon ng gobyerno dahil kahit kulang daw sa mga rehabilitation center sa kanilang lugar, magpasalamat na lang daw dahil may pa-zumba ang kanilang lokal na pamahalaan para sa mga mamamayan. Gayunpaman, kahit na sinisimbolo ng karakter ni Rosing ang mga naulila sa walang habas na pagpatay ng kapulisan sa mga mamamayang kinikilalang “adik,” masasalamin din sa kaniyang monologo ang peligrong dulot ng bara-barang profiling ng mga kinatawan ng batas nang patutsadahan niya si Badong, karakter na kasama niya sa zumba, at binirong, “Kahit ano pa ang isuot mo, ang arrive mo snatcher na snatcher pa rin!”
Naipakita rin ni Rosing ang negatibong dulot ng biglaang paglaho ng kaniyang mahal sa buhay dahil sa minsanang pagdalaw nila sa kaniyang isipan kahit sa kalagitnaan ng kaniyang pagtatrabaho. Pinatotohanan ng karakter ni Rosing na hindi kagustuhan ng mahihirap ang masangkot sa mga ilegal na gawain, gaya ng pagtutulak ng droga o paggamit nito. Naiiyak niyang ibinahagi na lubos ang galak ng kaniyang asawa noong alukin siya ng legal na trabaho ng kanilang kapitana. Ngunit, naging masalimuot ang kinahinatnan ng kaniyang mag-ama na humantong sa kanilang pagmamakaawa upang huwag silang barilin. Sa kasamaang palad, taliwas ang kuwento ng mga nakakita sa pangyayari sa kumalat na balita sa internet sa mismong gabing iyon. “Ako na nga ang namatayan, ako pa ang ginigipit?” reklamo ni Rosing. Hindi natapos sa pagkaulila ang dagok na kaniyang kinaharap sapagkat kaakibat ng pagkawala ng kaniyang mag-ama ang dobleng gastusin sa burol, punerarya, at pagpapalibing.
Matapat ding inihayag ng palabas na walang tao ang ipinanganak na mamamatay-tao sa pamamagitan ng pagpasok ni Paner bilang isang hitman. Binigyang-diin ng kaniyang karakter ang sistematikong pagmamalabis ng ilan sa mga nasa poder at ang umiiral na machismo sa hanay ng kapulisan. “Walang babakla-bakla sa lahi natin ah,” pananakot ni Paner bilang isang tatay ng batang pangarap ang maging pulis. Ipinakita sa monologong ito ang malaking impluwensya ng lipunan at kulturang kinagisnan ng isang tao sa kaniyang partisipasyon sa madugong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte. Noong tumanda na siya, sinubok ng kaniyang ninong ang tibay ng kaniyang sikmura sa pagbaril ng mga “adik.” Kinalaunan, napapayag siyang sumali sa kapulisan dahil naibaon na sa kaniyang isipan na ubusin ang dapat ubusin. Sa kabila nito, mahusay na naikahon sa iskrin ang umiiral na “Padrino System” nang mabaliktad ang kanilang matatalim na patutsada noong may kapit na sa kinauukulan ang kanilang planong patumbahing adik.
Noon, nagsimula ang karakter ni Paner sa pagsama at pagmanman sa mga target. Ngayon, siya na mismo ang namamaril matapos lamang ang ilang buwan. Wala nang kasarian at edad ang pinalalagpas dahil tuluyan nang pinaniwalaan ng kaniyang karakter na “itumba ang dapat itumba.” Kasabay ng kaniyang pilit na paghugas-kamay ang pagkitil sa buhay ng iilan, gaya ng isang amang kasama ang kaniyang buntis na asawa at batang anak. Sa bawat punas at kiskis ng bawat palad, makikita ang pilit na pagtanggi sa unti-unting pagtubo ng kaniyang konsensya. “Ni hindi ko nga makuhang tingnan ‘yung mukha [ng bata] eh,” aniya.
Pag-alala bilang simbuyong makibaka
Bilang punto ng buong pagganap ni Paner, naging kalakip ng mga makatotohanang salaysay ang nakabubulabog na larawan ng mga biktima, higit na binubulabog ang mga pinupuntiryang manonood sa tanong na: “Habang walang lubay ang pagtirik ng mga kandila para sa mga nitsong hustisya ang panawagan, bakit pinipili pa ring pahintulutan ang mga paglalapastangan ng administrasyong nagbibingi-bingihan sa katok ng pananagutan?” Huwag nawang isawalang-bahala at kalimutan na lamang ang mga krimeng tahasang isiniwalat nila sa ating mga mukha.
Inaasahang sa pagkilala sa mga kalupitan at pambabalahurang ginawa, ginagawa, at gagawin pa ng kasalukuyang rehimen, kinakailangan nang lumaban at tumiwalag sa kanilang patuloy na pagmamalabis at panggogoyo. Sa pag-alala rin sa tumataas na bilang ng mga nasasawi sa isinasagawang giyera kontra droga, hindi na sapat ang pagtangis at pagtulos ng kandila. Sa lansangan kinitil ang buhay ng mga walang laban, kaya’t marapat lamang na sa lansangan din ipagpatuloy ang laban at paniningil ng katarungan.