Bagong chief legislator at mga pinuno ng dalawang kapulungan, iniluklok sa unang sesyon ng LA

HINIRANG si Francis Loja, EXCEL2023, bilang bagong chief legislator sa unang sesyon ng Legislative Assembly (LA), Oktubre 22. Pinangasiwaan din sa sesyon ang pagbuo ng mga kapulungan at pagtalaga ng majority at minority floor leader sa pamumuno ni Giorgina Escoto, dating chief legislator at kasalukuyang pangulo ng University Student Government (USG).

Pagtalaga ng bagong chief legislator

Nagsimula ang pagpupulong sa paghirang at pagboto ng bagong chief legislator. Kaugnay nito, nakatanggap ng nominasyon si Loja mula kay Ashley Francisco, FAST2020. 

Unang iprinesenta ni Loja ang kaniyang mga plano sa LA sakaling maihalal bilang chief legislator. Ibinahagi niya ang tatlong prinsipyo na nais niyang sundan ng LA at ng mga kaakibat na komite sa ilalim nito. Ayon sa kaniya, mahalaga ang representasyon sa komite ng student’s rights and welfare, ang kaagapan sa komite ng national affairs, at ang pagpapatuloy sa komite ng rules and policies.  

Nakapaloob din sa plano ni Loja ang pagbuo ng Legislative Assembly Policy System (LAPS) na magsisilbing tracker ng mga panukalang pag-uusapan sa mga sesyon ng LA. Sa pamamagitan ng LAPS, malalaman ng mga kinatawan ng LA ang mga tatalakaying resolusyon upang makapaghanda sila ng kanilang mga katanungan. 

Bukod pa rito, nais ding magtatag ni Loja ng legislation monitor na mamamahala sa mga naipasang resolusyon sa LA upang masiguro ang mabisang pagpapatupad nito. Nais din niyang kolektahin sa loob ng isang USG Vault ang lahat ng mga naisakatuparang proyekto ng USG at naipasang panukala ng LA.

Sa pagtatapos ng kaniyang presentasyon, napagtanto rin ni Loja ang kaniyang tungkulin bilang chief legislator. Saad niya, “If elected as chief legislator, I recognize that my role is to not only be the representative of the Legislative Assembly and the other arms of the USG. It’s to be a unifier, a unifier of not only both floors, the majority and minority, but a unifier of representation.”

Sa kabilang banda, inilatag naman ni Aeneas Hernandez, EXCEL2022, ang ilang katanungan ukol sa mga plano ni Loja. Unang kinuwestiyon ni Hernandez ang sistema ng LAPS. Giit ni Loja, isasakatuparan lamang niya ang pagtalakay ng mga resolusyon pagkatapos nitong dumaan sa mga espesipikong proseso. Nilinaw rin ni Loja na hindi madadagdagan ang trabaho ng LA dahil mayroong legislation monitor na mangangasiwa rito.

Ipinunto rin ni Hernandez ang pagkakapareho ng USG Vault at LA Journal. Inilahad ni Escoto na kulang ang impormasyong nakapaloob sa LA Journal. Tugon ni Loja, magiging kolaborasyon ng LA at executive board ang USG Vault habang nakasentro lamang ang LA Journal sa mga proseso ng LA. Dagdag pa niya, plano niyang sumangguni sa hudikatura upang makasama sila sa nasabing plano.

Samantala, inalam naman ni Celina Vidal, FOCUS2018, ang mga hakbang na nais ipatupad ni Loja upang mas maisaayos ang sistema ng attendance sa mga sesyon ng LA. Inihalimbawa ni Vidal ang mga naitalang kaso ng impeachment noong nakaraang akademikong taon na may kaugnayan sa unexcused absences ng mga kinatawan nito. Tugon ni Loja, “We must also consider having leniency at this time. There was no intent and malice of not doing assigned tasks and responsibilities, it is just due to unfortunate circumstances.”

Sa botong 11 for, 0 against, at 9 abstain, opisyal nang inihalal si Loja bilang bagong chief legislator.

Mga bagong pinuno ng kapulungan

Nahati ang mga kinatawan ng LA sa dalawang kapulungan batay sa kanilang boto. Ang mga bumoto ng for ang nagsilbing majority floor, at ang nag-abstain naman ang naging minority floor. 

Unang nakatanggap ng nominasyon si Francisco bilang pinuno ng majority floor. Kaugnay ng pagtanggap niya sa nominasyon, ibinahagi niya ang kaniyang tatlong pangunahing layunin: pagkakaroon ng maagap, progresibo, at inklusibong representasyon para sa mga Lasalyano.

Bahagi ng kaniyang mga plano ang implementasyon ng mga alituntunin sa klase, mga protokol kontra COVID-19, pagsusuri ng manwal sa data privacy, at mga polisya hinggil sa anti-libel at slander. Paglalahad niya, “This will [still] go through consultations with necessary offices and departments.”

Nakapaloob din sa kaniyang plataporma ang pagbuo ng manwal para sa USG Officer Development Commission, na naglalayong ihain ang mga tungkulin at papel ng bawat opisyal sa USG. Inilatag din niya ang pag-enmiyenda ng manwal ng Council of University Representatives.

Dagdag pa rito, inilatag din ni Francisco ang pagsasagawa ng isang pag-aaral upang makabuo ng komite para sa mga mag-aaral na may kapansanan sa pagkatuto. Saad pa niya, “We will be looking into what we can possibly provide for these students and also to ensure proper representation.”

Sa botong 10-0-0, hinirang bilang bagong majority floor leader si Francisco.

Matapos ang botohan, idineklara bilang miyembro ng majority floor sina Didi Rico, 74th ENG; Keil Finez, CATCH2T23; Lana Santos, CATCH2T24; Ysabelle De Mesa, FOCUS2019; Javi Pascual, Laguna Campus Student Government (LCSG2) Representative; Sen Lecitona, FAST2019; Carlo Inumerable, BLAZE2021; Ched Tan, BLAZE2022; at Tiffany Chua, BLAZE2023.

Tinanggap din ni Hernandez ang nominasyon sa kaniya ni Pauline Carandang, LCSG1, bilang pinuno ng minorya. Inilahad ni Hernandez na nais niyang pagtibayin ang representasyon ng mga estudyante. Aniya, may kakayahan ang mga bumubuo sa LA na maimpluwensyahan ang mga estudyante sa loob at labas ng Pamantasan. Naitalagang pinuno ng minority floor si Hernandez sa botong 10-0-0. 

Pangungunahan ni Hernandez ang minority floor na kinabibilangan nina Vidal; Carandang; Marts Madrelejos, FAST2018; Joshua Jawod, 73rd ENG; Raphaela Tan, 75th ENG; Tracy Perez, FOCUS2020; Chinah Marpa, EDGE2019; Julienne Gonzales, EDGE2020; at Elderwell Ramos, CATCH2T23.

Inanunsyo na rin ni Loja na gaganapin sa Nobyembre 3 ang pagsusulit ng mga batch legislator. Dagdag pa ni Loja, aabisuhan niya ang batch legislators ukol sa nirebisang sistema ng LA bago ang araw ng Lunes, Oktubre 25.