Nagmamadaling pinukpok ng mga panatiko ang telebisyong gumagaralgal upang masilayan at marinig ang kanilang bungang-tulog na binata—ang Mr. Pure Energy na hinirang ng madla. Hindi maikakailang tunay na pinagsumikapan ng nakabibighani at naka-iintrigang artista na si Gary Valenciano ang lahat ng kaniyang pinagtagumpayan hanggang sa mga sandaling ito. Marami pa ring namamangha sa kaniyang angking talento sa pag-awit, pagsayaw, at pagganap sa sari-saring palabas na inaabangan ng mga nahumaling na dalaga—kahit na mga kapwa kalalakihan pa.
Lingid sa kaalaman ng karamihan na pagkatapos hilamusan ang kaniyang masigla at kahali-halinang mukha, mahahagilap ang kaniyang nakakubling mukhang punong-puno ng kagitingan. Sa kabutihang-palad, pinahintulutan niya tayong pakinggan ang kaniyang mga pambihirang karanasan sa naganap na virtual inspirational talk nitong Biyernes, Nobyembre 5. Walang pakundangang ibinahagi ni Gary V. ang kaniyang milagroso at mapagpunyaging pakikipagsapalaran na layong pagtibayin ang pag-iisip ng mga tagapakinig at haplusin ang mga pusong nag-aalinlangan sa walang katiyakang hinaharap.
Himig na hinigitan ang pag-ibig
Hustong nakilala ng mga dumalo si Gary V. sa naganap na pagpupulong sapagkat naka-eenganyo ang kaniyang paraan ng pakikipag-ugnayan—mistulang katulad ng pakikitungo natin sa ating matalik na kaibigan. Walang saglit na mararamdaman mong hindi ka kabilang sa matimtimang pagtitipon. Sa pagbanggit sa salitang kabilang, sinimulan niyang ipinahayag ang kaniyang saloobin at ipinaalalang hindi nasusukat sa dami ng likes at shares sa social media ang iyong pagkatao lalo na’t ito ang ipinahihiwatig ng kalakaran sa kasalukuyang henerasyon. Aniya, “Is the person you put on social media . . . the real you? Is it a portion of who you really are or is it the person you are hoping to be a little more of . . . or do you want that image to be what people know you for?”
Bago pa man umusbong ang teknolohiyang kinalakhan ng kasalukuyang kabataan, nagbalik-tanaw siya sa kaniyang kapanahunan at matalinhagang ginamit ang kawili-wiling saranggola—pamagat din ng kaniyang itinanghal na awitin sa hapong iyon—bilang kawangis ng ating mga mithiin at pangarap sa buhay. Pinaalalahanan niya na upang lumipad at pumailanglang ang isang saranggola, kinakailangang labanan ang malakas na puwersa ng hangin. Tangan ang manipis na hiblang gumagabay at tumitimon sa saranggola, sila ang tinagurian nating mga kaibigan at pamilyang kinakailangang pahalagahan upang hindi tayo lumihis at mawalan ng patutunguhan.
Sinamantala rin niya ang pagkakataon upang makapaghatid ng mensahe sa kabataan at kumatawan bilang kanilang mga magulang. Aniya, “. . . to the youth, I stand here as a parent and on behalf of all parents who have said things that we should never have said or did things that we should never have, for all the promises that have been broken or may not have just been the parents that you deserve.” Sunod niyang inihandog ang awiting “When I Hear You Call” na nagbigay ng pag-asa at tugon sa nanghihinang damdamin ng kabataan. Ipinabatid niya rin ang kahalagahan ng paghingi ng awa at tulong mula sa Maykapal upang pasiglahin muli ang natuyong lakas at malampasan ang mga nakapanlulumong hamong ibinabato sa atin ng buhay.
Sa kalagitnaan ng paghahamok na umahon, ipinaalala rin ni Gary V. na sasagipin tayo ng Panginoong maawain sa pamamagitan ng pag-awit ng kantang pinamagatang “Ililigtas Ka Niya.” Inihayag niya na ang kaniyang pananalig at pananampalataya sa Diyos ang naging sandigan niya upang taimtim na maakyat ang mga hamong kawangis ng matayog at mapaglalang pader. Bagamat nagkaroon din siya ng ilang pagtatampo sa Panginoon, palagi pa rin siyang bumabalik at napaghuhulong isa itong kaparaanang magpapatatag sa kaniyang pag-iral sa mundo.
Sa palapit na pagsasara ng programa, nagkaroon ng pagkakataon ang ilan na makihalubilo at makapalagayang-loob si Gary V. sa isang Q&A. Hindi rin naiwasang pumihit ang bugso ng maramdaming hangin at makiramay sa ilang nagbahagi ng kanilang mga masidhing hidwaan at pakikibaka sa buhay.
Pagtinag sa indayog ng pag-iral
Mahiwaga at kapaki-pakinabang—ganito mailalarawan ang pagdalo sa hindi pangkaraniwang pagtitipon kasama ang iginagalang at tinitingalang personalidad na si Gary V. Hindi rin malilihim na kapag natunghayan maski sinoman ang kaniyang marubdob na pagtatanghal, lubusang madarama mula sa telebisyon ang dagitab na dumadaloy sa bawat pagpadyak ng kaniyang mga paa at tinig na umaantig sa ating masalimuot na damdamin. Sa pagsubaybay sa kaniyang pithayang makapukaw at makatanglaw ng mas malawak na madla, hindi lamang ang kaniyang kasiningan ang matututunang lasapin at mahalin, pati na rin ang buhay na ipinagkaloob at ibinukod ng Diyos para lamang sa atin.