IPINASA sa ikaapat na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang pagbibitiw ni Lian Lazo, FAST2018, vice president, at ni Javier Pascual bilang Laguna Campus Student Government (LCSG) legislator. Inaprubahan din ang pagpapatupad sa Omnibus Election Code at paghihirang sa mga panibagong Deputy Ombudsman.
Pagbitiw ng mga opisyal sa puwesto
Inilahad ni Marts Madrelejos, FAST2018, sa unang bahagi ng sesyon ang opisyal na pagbitiw ni Lazo mula sa kaniyang puwesto. Hindi nakadalo si Lazo sa naturang sesyon. Sa kabila nito, nagpaabot ng pasasalamat si Aeneas Hernandez, EXCEL2022, kay Lazo para sa kaniyang serbisyo sa University Student Government (USG).
Ipinasa ang panukala sa botong 21 for, 0 against, at 0 abstain.
Sunod na inilatag ni Ashley Francisco, FAST2020, ang opisyal na pagbitiw ni Pascual bilang legislator ng LCSG. Pinasalamatan ni Pascual ang lahat ng kaniyang nakatrabaho at ang LA para sa pagkakataon sa pansariling pagsulong at sa pagtulong upang madiskubre niya ang kaniyang hilig sa paglilingkod.
Ipinasa ang panukala sa botong 20-0-0.
Pagpapatupad sa panibagong election code
Pinangunahan naman ni Hernandez sa ikalawang bahagi ng sesyon ang paghahain ng panukala para sa implementasyon ng Omnibus Election Code. Naglalayon itong pagsamahin sa iisang election code ang mga nagamit na election code sa mga nakaraang eleksyon, kabilang ang online election code, special elections code, at general elections code.
Naging katuwang ni Hernandez sina Francisco, at Ram Vincent Magsalin, Chairperson ng De La Salle University Commission on Elections (DLSU COMELEC) sa pagbuo ng panukalang ito.
Dumalo rin sa sesyon sina Julisa Gonzales at Lunette Nuñez, mula sa University Student Government Judiciary (USG-JD). Itinaas ni Katkat Ignacio, EXCEL2021, ang katanungan ukol sa proseso ng pagbago sa iskedyul ng eleksyon sa oras na makaranas ang Pamantasan ng emergency. Ayon kay Magsalin, nakadepende pa rin ang desisyon ng COMELEC batay sa kalikasan ng mga sitwasyon na maaaring makaapekto sa daloy ng eleksyon.
Itinanong din ni Ignacio kung may mga probisyon sa ilalim ng Omnibus Election Code ukol sa pagpapaliban ng eleksyon. Inihalimbawa niya ang nangyari noong nakaraang 2020 General Elections na inilipat bilang 2021 Special Elections. Ipinaliwanag naman ni Magsalin na tanging COMELEC sponsored events, tulad ng miting de avance at harapan, ang saklaw at puwedeng ipagpaliban ng komisyon.
Kaugnay nito, ipinunto rin ni Magsalin na kinakailangan muna nilang sumangguni sa LA sakaling makaranas muli ang COMELEC ng mga drastikong kaganapan na makaapekto sa kabuuan ng eleksyon.
Binigyang-linaw rin ni Magsalin na kinakailangan munang makabuo ng kompromiso sa pagitan ng LA, COMELEC, at USG-JD bago tuluyang ipagliban at ilipat ang iskedyul ng eleksyon. Para naman kay Ignacio, mas mabuting magkaroon ng karagdagang probisyon ang COMELEC na tatalakay sa proseso ng pagbabago sa electoral calendar.
Itinaas naman ni Keil Finez, CATCH2T23, ang katanungan hinggil sa gagamiting proseso sa pagboto ng COMELEC sa oras na pabalikin ang mga estudyante para sa face-to-face na klase. Binigyang-diin ni Magsalin na online voting method pa rin ang nais na gamitin ng COMELEC. Mangyayari lamang na manual voting kung hindi masisigurado ng COMELEC ang seguridad ng eleksyon sa online na set-up.
Kinuwestiyon naman ni Joshua Jawod, 73rd ENG, ang artikulo hinggil sa pagsisiwalat ng badyet ng mga kandidato at partidong politikal. Nilinaw rin niya kung mayroong limitasyong ipapataw sa badyet na itatala rito. Iginiit naman ni Magsalin na isasagawa ito upang maobserbahan ang transparency ng mga kandidato at partido. Kaugnay nito, wala ring ipapataw na budget limit sa ngayon.
Ipinasa ang panukala sa botong 17-0-0.
Pagluklok sa mga Deputy Ombudsman
Inilatag ni Jansen Lecitona, FAST2019, ang panukalang nais maghirang kay Leonardo Luis Villamor, miyembro ng USG-JD, bilang Deputy Ombudsman.
Itinanong ni Ignacio kung ano ang plano ni Villamor sa pagkakataong mahirang siya sa puwesto. Inilahad naman ni Villamor ang kaniyang mga plano at proyekto. Kabilang sa naturang plano ang pagtatag ng nagkakaisang opisina na mayroong matibay na pundasyon na nakaangkla alinsunod sa mga ipinatutupad na batas ng Pamantasan. Kaugnay nito, nais din niyang magkaroon ng departamentong mangangasiwa sa kanilang human resources at magsagawa ng joint training kasama ang USG-JD.
Samantala, inusisa ni Hernandez kung nagsagawa ba ng due diligence ang mga kinatawan ng LA upang masuri ang kwalipikasyon ni Villamor sa puwesto. Tugon ni Lecitona, “Due diligence was done to ensure all qualifications were passed.”
Inaprubahan ang paghirang kay Villamor bilang Deputy Ombudsman sa botong 18-0-0.
Inilatag din ni Tracy Perez, FOCUS2020, ang paghirang kay Nuñez bilang Deputy Ombudsman. Inusisa ni Ignacio ang mga plano ni Nuñez sa oras na mahirang siya bilang Deputy Ombudsman. Ibinahagi ni Nuñez na nakipag-ugnayan siya kay Villamor upang makabuo ng mga episiyenteng plano para sa opisina ng ombudsman.
Inaprubahan ang paghirang kay Nuñez sa botong 19-0-0.
Sa pagtatapos ng sesyon, inanunsyo na rin ni Francis Loja, EXCEL2023, na tapos na niyang markahan ang legislator’s exam. Dagdag pa niya, iaanunsyo ang resulta sa susunod na sesyon ng LA. Inabisuhan na rin ni Loja ang mga legislator na antabayanan din ito sa USG LA PIO Facebook page.