Kislap ng alipato: Viridis Arcus, nagningning kontra MTE Excalibur sa Quarterfinals ng MSI Gaming University Championship: Valorant!

TINAMBAKAN ng nagbabagang puwersa ng De La Salle University (DLSU) Viridis Arcus (VA) ang mga ahente ng Mindanao State University MTE Excalibur, 2-0, sa Quarterfinals ng MSI Gaming University Championship: Valorant, Nobyembre 27.

Lumapag para sa unang yugto ng laban ang dalawang koponan sa mapa ng icebox. Hinirang namang defenders ng mapa ang VA habang nagsilbing attackers ang MTE. Buhat nito, isang minuto pa lamang ang nakalipas, agad nang tumambad sa unang kalahati ng sagupaan ang maagang pamumukadkad ng VA matapos paslangin ang lahat ng manlalaro ng MTE, 1-0. Matikas namang pinatatag ng VA ang kanilang momentum nang pangunahan ni xavi8k ang sunod-sunod na pag-defuse ng spike ng laro, 2-1.

Sa pangunguna nina Guelson at Realist, patuloy na natamasa ng VA ang kagalakan sa bakbakan matapos nitong tuldukan ang first half ng unang yugto, 8-3. Para sa ikalawang kalahati ng unang salpukan, hinirang na attacker ang VA habang naging defender ng mapa ang MTE. Tangan ang kabuuang 46 na kill at pitong assist ng tambalang Guelson-Realist, tinambakan ng VA ang katunggali sa iskor na 13-5.

Sa ikalawang yugto ng bakbakan, headshot kaagad ang ibinato ng defender na si xavi8k sa mga attacker ng mapa na MTE. Nagpalitan ng atake ang dalawang koponan ngunit nanatiling malakas ang puwersa ng VA nang pumukol ng dalawang kill sina Guelson at Realist. Pinaigting na estratehiya at pagkakaisa—ito ang mga naging sandata ng VA nang wasakin ang talaan ng MTE sa pangunguna nina Realist at Guelson, 2-0. 

Sunod-sunod na nagpakawala ang VA ng walang palyang mga atake sa pagpapatuloy ng ikalawang yugto. Sa kabila nito, umarangkada ang MTE sa pagtamo ng mga kill sa kanilang walang prenong atake kontra VA na pinangunahan ni muwahahahahahaha. Nakabawi ang MTE laban sa VA nang magtamo sila ng sunod-sunod na kill, 2-1.

Hinarap naman ni Guelson si I will destroy u ng MTE at winasak niya ang momentum nito nang kumana siya ng headshot. Sama-samang hinarap ng VA ang MTE at nagtagumpay si xavi8k sa pag-defuse ng bomba, 3-1, lamang ang VA. Masilakbong pag-arangkada naman ang naging tugon ni xavi8k sa nabubuong momentum ng MTE nang makuha niya ang first kill, 5-2.

Back-to-back na opensa naman ang muling pinatikim ng VA sa MTE sa kanilang maiinit na atake na pinangunahan nina Guelson, Acervus, at xavi8k, 6-2. Matapos nito, bigong makapukol ng puntos ang MTE sa harap ng matibay na depensa ng VA, 10-2. 

Gayunpaman, matapos hiranging attackers ang VA, nakabawi ang MTE nang sinubukan nilang tapatan ang momentum ng VA bitbit ang magkakasunod na pag-ipon ng puntos, 10-5. Mabibilis na atake naman ang naging sagot ni xavi8k sa momentum ng MTE nang magtamo siya ng kill kontra I am dinosaur, 11-5. 

Sinubukan ng MTE na habulin ang talaan ng VA ngunit nabigo silang sungkitin ang panalo nang harapin ang matitibay na depensa at mabibilis na atake ng VA, 13-7. Bunsod nito, nagwagi ang Viridis Arcus sa pag-angkin ng kanilang panalo sa Quarterfinals ng MSI University Championship. 

Buhat ng kanilang malinis na talaan, hinirang na Semifinalists ng MSI Gaming University Championship: Valorant ang pambatong koponan ng DLSU na Viridis Arcus. 

Tunghayan ang kapana-panabik na laban sa pagitan ng VA at Lyceum of the Philippines University Manila LPE Sparrows sa Sabado, Disyembre 4, ika-4 ng hapon.