Palaparan ng bagwis: Viridis Arcus, bigong makalipad patungong Grand Finals ng MGA University Championship: Valorant!

BIGONG PAAMUIN ng three-time champion ng AcadArena na De La Salle University Viridis Arcus (VA) ang gutom na Lyceum of the Philippines University Pirate Esports (LPE) Sparrows, 0-2, sa Semifinals ng MSI Gaming Arena (MGA) University Championship: Valorant, Disyembre 3. 

Bago magsimula ang mainit na labanan, natikman kaagad ng VA ang pait ng kalbaryo matapos mawalan ng koneksyon sa internet ang kanilang main gun na si xavi8k. Sinalo naman ni ACERVUS ang responsibilidad na pangunahan ang kaniyang koponan. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang LPE Sparrows sa mapa ng icebox matapos nitong lumamang sa VA tangan ang sunod-sunod na flawless victory, 0-4, sa tulong nina LPE Levi at LPE Che.

Sa kabila nito, agad namang binawi ng VA ang matinding pagragasa ng LPE bunsod ng matinik na depensa nina Guelson, ya0waAaaAaa, Realist, ACERVUS, at TYG Grossof, daan upang ibaba ang kalamangan ng LPE sa dalawa, 4-2. Gayunpaman, pinatikim muli ng LPE ang kanilang mabigat at madiskarteng opensa kontra sa naghihingalong depensa ng VA, 8-3.  

Pagdating ng ika-12 laro ng unang yugto, gumawa ng isang clutch victory ang VA nang sinugod ni Grossof ang apat na natitirang alas ng LPE, 4-8, dahilan upang mapigilan ang pagsabog ng kanilang spike. Bukod pa rito, tumulong din si ACERVUS sa pagratsada ng VA upang ibalik ang kanilang kumpiyansa sa laban, 6-11. Sa kabila ng pagsibol ng momentum ng VA, tinapos ni MAD Xty ang unang yugto sa iskor na 8-13. Sa tulong ng magandang estratehiya ni Xty gamit ang kaniyang sniper rifle, naibulsa ng VA ang lamang sa kanilang best-of-three series, 1-0.

Hinirang namang defender ng ikalawang yugto ng tunggalian ang VA habang hangad nang tuldukan ng LPE and Semifinals ng bakbakan. Buhat nito, masilakbong nagpaulan ng headshots ang LPE tangan ang malabundok na kalamangan sa panalo-talo kartada, 0-5. Nagpatuloy namang nabaon sa kumunoy ang talaan ng VA matapos ang kanilang pagkabigo na pigilan ang katunggali sa pagplanta ng spikes, 0-7.

Kagila-gilalas namang tinapalan ng VA ang maagang paghudyat ng peligro ng LPE sa ikalawang kalahati ng laban. Kargado nito, matikas na umusad ang talaan ng VA sa pangunguna ng serbisyo ng kanilang alas na si xavi8k pagdating sa kills, 5-10. Nagsilbing pampagising ang pag-arangkada ni xavi8k sa mistulang natutulog na diwa at puwersa ng VA matapos kumamada ng umaatikabong 5-1 run, 10-11.

Sinubukan mang makabawi ni xavi8k matapos mawala sa unang yugto ng laban, kapansin-pansin namang nahirapan siyang itudla mag-isa ang clutch plays ng VA at habulin ang matayog na kalamangan ng katunggali. Bumulusok man sa laban tangan ang sumatotal na 25 kill, 11-all, matagumpay namang nalasap ng LPE ang tamis ng inaasam-asam na match point ng torneo, 11-12. 

Matapos ang naturang momentum, marahas na unang paslangin ni LPE Teejay si xavi8k upang hugutin mula sa kaniyang pagkatao ang pinakamatibay na tinik at balakid sa pagkamit ng Pirate Esports sa Grand Finals spot ng torneo. Matulin ding pinayuko ng mga pirata ng LPE ang iba pang mga ahente ng VA matapos patahimikin ang imik ng kanilang pinakamaingay na armas sa katauhan ni Raid Boss xavi8k, 11-13.
Bigo mang makaalpas patungong Grand Finals, may pagkakataon pa ring makasungkit ng medalya ang Viridis Arcus sa MGA University Championship: Valorant. Abangan ang pagbangon ng VA mula sa lusak kontra University of Santo Tomas Teletigers Esports Club sa Bronze Match ng torneo mamaya, ika-2 ng hapon. Sa kabilang banda, makahaharap ng LPE Sparrows ang Ateneo de Manila University LG Terra sa Grand Finals ng MGA University Championship: Valorant sa parehong oras.