Araw-araw, tila bilyon-bilyong tao ang pumipikit upang makatakas sa sansinukob na natatanaw habang nakadilat ang mga mata. Ramdam ng sentido ang pananabik na maimulat ang mga mata upang masilayan ang pinaghalo-halong kulay sa loob ng daigdig. Pula, kahel, bughaw, dilaw, at luntian—ilan sa mga kulay na nagpatitingkad sa kapaligiran ng mga buhay na nilalang. Subalit, may ibang bahagi ng sangkatauhan na isang kulay lamang ang sumasalubong sa busilig ng kanilang mga mata, na sa bawat bukas at pikit ng mga ito, tanging kadiliman lamang ang napagmamasdan.
Iyan ang mundo ng mga bulag—dagtum ang laging natatanaw mapunta man sa kahit anong bahagi ng sanlibutan. Kasalanan ng kapansanan ang karanasan ng mga indibidwal na nagdurusa sa ilalim ng dakmal nito. Tulad ng isang pagong, kanilang maingat na binabagtas ang mga daanan habang tangan ang kanilang baston; iniinda ang takot sa mga maaaring makasagupang kapahamakan. Madalas na ganito ang kanilang dinaranas upang makarating lamang sa paroroonan. Bagamat mahirap ang tinatahak sa bawat tapak at kapa sa mundong hindi nasisilayan, matutunghayan pa rin ang bahaghari sa likod ng kanilang masalimuot na katotohanan. Hindi man ito sa paraan ng pagtingin, ngunit may liwanag pa rin sa buhay ng mga taong binawian ng paningin.
Sa pagsapit ng karimlan
Sa pagmulat pa lamang ng mga mata ni Chona de Guia, 63 taong gulang, kaniya nang hinarap ang paligid na ‘di na halos maaninag. Pagbabahagi niya sa Ang Pahayagang Plaridel, kindergarten pa lamang siya nang umabot na sa 600 ang grado ng kaniyang mata at unti-unting tumaas ang gradong nakalagak sa kaniyang salamin hanggang sa pagtapak sa mas mataas na edukasyon. Sa kasamaang palad, kaakibat ng pag-akyat ng mga numero ang pasakit nitong dala sa pang-araw-araw na buhay. Hinadlangan nitong matamasa ni de Guia ang kaginhawaan habang nag-aaral at naglalakbay. Kaya upang mabigyang-linaw ang malabong kapaligiran, kinailangan niyang umasa sa salaming nagsasala ng kaniyang nakikita at magtiwala sa kakayahan niyang dumiskarte.
Inilahad ni de Guia na kaniya pang nasilayan ang mundong makulay sa mga unang taon ng kaniyang buhay, subalit nagbago ang lahat nang naging 36 na taong gulang na siya. Bago lubusang bumigay ang kaniyang paningin, nagkaroon muna ng sari-saring komplikasyon ang kaniyang mga mata. Aniya, tinamaan siya ng retinal detachment, cataract, pseudomonas infection, at glaucoma. Matapos ang mga ito, daglian nang kinain ng kadiliman ang kaniyang paningin. “Nabulag muna ‘yung left [eye] ko tapos. . . hindi naman sumunod ‘yung kanan pero parang unti-unti talagang sumuko na ‘yung mata,” pagsasalaysay niya.
Gayunpaman, hindi niya ito ikinagulat dahil alam na niyang darating sa punto ng kaniyang buhay ang paglisan ng kaniyang paningin. Bagamat inasahan na ito, inamin ni de Guia na hindi naglaho ang sari-saring damdaming bunga ng kaniyang pagkabulag. “It is a liberation for me kasi. . . wala na akong hihintayin na parang kelan ba ako mabubulag. . . [pero] malungkot din kasi hindi naman madaling tanggapin na totally wala ka nang nakikita,” paglilinaw ni de Guia.
Nabanggit din niya ang isa sa nagpasidhi ng kaniyang kalungkutan—ang pagiging balakid ng kaniyang pagkabulag sa kaniyang paglilingkod sa Panginoon. Napuno siya ng katanungan ukol sa itinadhana sa kaniya ng sinasambang diyos. Sa kabila ng mga hamon, hindi siya nagluksa at nagmukmok, bagkus taas-noo niyang hinarap ang panibagong yugto ng buhay—nag-aral siya ng braille at tumulong sa iba pang may kapansanan. Binigyan niya ng bagong kulay ang kapansanang kadalasang itinuturing na sagabal sa pagkamit ng maaliwalas na kinabukasan.
Ipabatid ang sala-salabid na mga balakid
”Madaming barriers kaya nagkakaroon ng kapansanan,” ganito naman inilarawan ni de Guia ang kaniyang karanasan sa paninirahan at pagliliwaliw sa iba’t ibang siyudad sa Pilipinas. Inilahad din niya ang pagkadismaya sa mga tanggapan ng pamahalaan, sapagkat imbis na makatulong sa kanilang saligang pangangailangan bilang Person With Disability, sila pa ang hindi tumatalima. Bagamat marami pa ring balakid na hinaharap ang kanilang sektor, nakatingala pa rin siyang umaasa na kaniyang maaabutan ang panahon na hindi na sila malalagay sa panganib dulot ng kanilang kapaligiran at tuluyan na silang makakikilos sa isang lipunang matagal nang ipinagkait sa kanila.
Kaniya ring isinalaysay na bilang isang assistant treasurer ng Las Piñas Persons with Disability Federation Inc., hindi lamang ang mga taong may kasalukuyang kapansanan ang makikinabang sa kanilang mga isinusulong at ipinaglalabang karapatan. Aniya, “Maraming nabulag dahil sa aksidente, maraming nawalan, naputulan ng paa dahil sa aksidente kaya anyone, kahit sino ay pwede maging kandidato na magkaroon ng kapansanan sa buong buhay niya.” Higit pa rito, ibinahagi rin niyang darating ang panahong lilitaw at iindahin naman ng lahat ang mga kapansanang dala ng pagtanda kaya’t patuloy niyang itinataas at itinataguyod na gawing ligtas at maginhawa ang pakikihalubilo sa kapaligiran sa lalong madaling panahon.
Sa kabila ng kaniyang pagkabulag, malugod niya itong niyakap at hindi hinayaan ang sarili na umangkla sa ideyang nawalan na siya ng silbi. “Andiyan pa naman ang iyong bibig, andiyan pa naman ang iyong kamay, marami pa namang natira, mata lang ang nawala,” matapang at pihong isinaad ni de Guia. Ipinahayag din niyang hindi magwawakas ang lahat sa oras na mawalan ng kakayahang makakita dahil handa naman ang iba’t ibang disability federation, kasama ang magigiliw at mapagkalingang kasapi nito, na tulungan silang may kapansanan na sindihang muli ang naghihingalong paningin sa sarili.
Taos-puso niyang ipinaalala na ang kabataan ang magiging katalista upang maisagawa ang kanilang matagal nang inaasam na maging ligtas at mapagkalinga sa lahat ang kapaligiran—tahasang mararamdaman na ng mga taong may kapansanan na kabilang sila sa ating lipunan. “Sino pwede gumawa niyan? Kayong mga kabataan na bukas ang isip sa sektor ng mga taong may kapansanan diba,” nagtitiwalang tinig niya.
Gabay tungo sa liwanag
Hindi natatapos ang buhay at kuwento ng mga bulag sa kanilang kawalan ng paningin. May kaakibat na liwanag ang kadilimang kanilang nararanasan araw-araw sapagkat hindi man sila nakakikita, nakapagbibigay naman sila ng liwanag para sa iba. “. . . nakikita ko [na] naging blessing ang aking pagiging blind at nakakatulong ako ngayon sa sektor ng mga taong may kapansanan,” pagbabahagi ni de Guia.
Sa paglubog ng araw, mapipintahan na naman ang kalangitan ng iba’t ibang kulay— magmimistulang isang obra muli ang nalikha dahil sa pagpapaalam ng araw. Hindi man makikita ng mga katulad ni de Guia ang makulay na langit, ngunit masasabing kasing tingkad at liwanag ng alapaap ang kanilang mga puso. Hindi naging hadlang ang kanilang kawalan ng paningin upang maging gabay para sa iba, tila sa kanilang kawalan nakahanap ng labis-labis na gabay at biyaya ang kanilang mga natulungan.