Legasiya ni dating Senador Diokno sa pagtataguyod ng karapatang pantao sa Pilipinas, tinalakay sa Kapihan with Ka Pepe

mula Lasallian Mission at DLSU

ITINAMPOK sa diskursong Kapihan with Ka Pepe: A Conversation on the Legacy of Sen. Diokno ang buhay ni dating Senador Jose “Ka Pepe” Diokno at ang kaniyang impluwensiya sa pagpapatibay ng karapatang pantao sa bansa, Disyembre 10. Bahagi rin ito ng paggunita ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, katuwang ang Diokno Foundation at Commission on Human Rights (CHR).

Inilunsad din ang naturang diskusyon bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-100 kaarawan ni Diokno. “Ka Pepe, one of the finest alumni De La Salle University has released, is best known as the Father of Human Rights Advocacy in the Philippines,” paglalahad ni Atty. Justin Sucgang, tagapagdaloy ng programa at associate professor ng DLSU College of Law (COL), ukol sa legasiya ni Diokno bilang isang Lasalyano at Pilipino.

Pamana ni Ka Pepe

Ipinahayag ni DLSU President Br. Bernard Oca FSC sa kaniyang pambungad na talumpati ang mga haharaping pagsubok ng mga Pilipino sa nalalapit na halalan. “With the national elections just a few months away, we are, again, at a crossroads. . . this journey may bring a lot of anxiety and fear, exacerbated by the rampant spread of lies in social media,” aniya.

Binigyang-diin din ni Oca ang mga aral na matututuhan ng kabataan mula sa buhay ni Ka Pepe upang harapin ang mga naturang hamon. Hinikayat niya ang mga kalahok na maging bukas ang isipan, magnilay sa mga ginawang sakripisyo ni Diokno, at isaalang-alang ang mga bagong perspektiba sa kanilang pagpili ng mga susunod na pinuno ng bansa.

Ipinabatid naman ni Carmelo Crisanto, executive director ng Human Rights Violation Victims Memorial Commission, na mahalagang itaguyod ang karapatang pantao, gaya ng paglaban ni Diokno para dito. “The abuse and abandonment of [human rights] leads to the erosion of our society, as well our sense of justice, morality, and humanity,” giit niya.

Pagsilip sa nakaraan

Pinangunahan ng dating National Historical Commission of the Philippines Chairperson Dr. Maris Diokno ang diskurso ukol sa buhay ng kaniyang ama. Binigyang-diin niya ang kabutihang-asal na natutuhan nila mula sa liberal na pagpapalaki sa kanila ng namayapang senador. “Hindi siya iyong uri ng ama na magsasabi sayo [o] magdidikta ng dapat mong gawin because he wanted you to learn to think for yourself,” pag-aalala niya.

Ipinahayag ni Lara Jomalesa, vice president for external affairs ng DLSU University Student Government, ang kaniyang paghanga kay Ka Pepe bilang isang pinuno at isang ama. “He had that heart to be there for the family just as how he had the heart to be there for the country and for the nation. That’s something very important, especially when we talk about leaders,” wika niya.

Sumang-ayon naman si David del Rosario, vice president for externals ng COL Student Government. Tinalakay rin niya ang pagiging inspirasyon ni Ka Pepe sa mga katulad niyang nais maging abogado. “[His legacy of] being unmoving in his campaign for human rights and to change the landscape for human rights as well as in the legislations that he passed was definitely something that struck a chord with me,” paglalahad niya.

Inilahad din ni del Rosario na malaki ang iniwang legasiya ni dating Senador Diokno sa paghahangad ng kabataang lumaban para sa patuloy na pagsulong ng karapatang pantao. Inihalimbawa niya ang paggamit ng kanilang henerasyon ng samu’t saring plataporma upang suportahan ang mga adbokasiyang ipinaglaban din noon ng namayapang senador.

Tinalakay rin ni Atty. Chel Diokno, founding dean ng DLSU COL, ang mga aral na natutuhan niya mula sa kaniyang ama. “His ability to stand up for what is right regardless of the consequences and despite the fear, his fortitude, his depths of knowledge, his understanding not only of the law but of our history, and what we really need as Filipinos,” paglilista niya ng ilan sa mga aral na nakuha niya mula kay Ka Pepe.

Pagpanday ng patas na lipunan

Nagbigay rin ng pangwakas na pananalita si CHR Commissioner Karen Gomez-Dumpit para sa mga Lasalyano at sa kabataang Pilipino. Inilahad niya ang mga hamong kinahaharap ng mundo, gaya ng hindi patas na oportunidad, yaman, at kapangyarihan sa lipunan.

“Lahat tayo ay tao. Lahat tayo ay pantay,” pagdidiin ni Dumpit. Nanawagan din siyang magkaisa ang lahat sa pagtuligsa sa hindi patas na pagtrato sa isang indibidwal dahil sa kaniyang estado sa buhay. Aniya, mahalaga ito upang maitatag ang isang payapa, patas, at inklusibong lipunan na walang tinatapakang karapatang pantao. 

Pagtatapos ni Dumpit, “let us solidify [Sen. Jose Diokno’s] words, put them to action, let’s work together, and follow through every minute with further action.”