Palasap ng pusong Pilipino: Onic PH, umabanse patungong upper bracket semifinals ng MLBB M3 World Championship!

Likha ni Matthew Medina |Mga larawan mula sa ONIC Philippines at Blacklist International

IWINAGAYWAY ng Onic Philippines ang bandera ng Pilipinas kontra RSG Singapore, 3-0, sa upper bracket playoffs ng Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) M3 World Championship, Disyembre 12, sa Suntec Singapore International Convention.

Pinatunayan ng matibay na alas ng Onic PH na si Dlarskie ang kaniyang kagila-gilalas na laro matapos hiranging Most Valuable Player (MVP) sa unang yugto ng laban kontra RSG SG. Bitbit ang tank na si Uranus, matiwasay na nakapag-split push ang manlalaro na nagsilbing tulay sa malinis na pagkalbo ng turrets ng katunggali at sa pagkamkam ng Onic PH ng gold lead sa laro. Nagwakas naman ang panimulang bakbakan sa pangunguna ng isang kill at apat na assist ni Dlarskie na tumagal ng halos 16 na minuto, 9-8. 

Para sa ikalawang sagupaan, bumunot ng panibagong sandata ang Onic PH sa katauhan ni Kairi tangan ang marksman na si Yi Sun-Shin. Nakapag-ambag ang child prodigy ng Pilipinas ng sumatotal apat na kill at walong assist upang pamunuan ang kaniyang koponan kontra RSG SG. Bunsod nito, nakamtan ni Kairi ang MVP sa naturang laro na tumagal lamang ng 12 minuto, 15-10.

Umalpas naman ang Onic PH mula sa malusak na daan matapos pumiglas mula sa matayog na lead ng RSG SG sa early game ng ikatlong salpukan. Kaakibat nito, ikinasa ng koponan ang kanilang pinakamalakas na armas sa katauhan ni Kairi upang makaalpas kontra sa maagang pagsindak ng RSG mula sa pangunguna ng tambalang Sana at ly4ly4ly4.

Buhat nito, maagap na hinintay ng koponang Pilipino ang late game upang matagumpay na mapagana ang kanilang double marksman strategy, na mismong tumalo sa kanila noong group stage kontra Onic Indonesia. Tangan ang tambalang Beatrix at Natan, waging tuldukan ng Onic PH ang labanan matapos mapasakamay nina Hatred at Kairi ang pinagsamang 12 kill at 12 assist. Napasakamay naman ni Kairi ang titulong MVP at maniac kill mula sa kaniyang apat na magkakasunod na pagpaslang ng katunggali sa naturang pangwakas na bakbakan, 15-20.

#PinasLangMalakas—matapos ang pagdomina ng Onic PH kontra RSG SG, masilakbong natamasa ng mga manlalarong Pilipino ang inaasam-asam na puwesto sa upper bracket semifinals ng MLBB M3 World Championship. Abangan ang susunod na laban ng Onic Philippines kontra sa magwawaging koponan sa pagitan ng RRQ Hoshi at Todak sa darating na Miyerkules, Disyembre 15.