Tapatang Alice at Granger: Blacklist International, kinapos na salakayin ang upper bracket Playoffs ng MLBB M3 World Championship

Likha ni Matthew Medina |Mga larawan mula sa ONIC Philippines at Blacklist International

NATAMASA ng Blacklist International (BLCK) ang kanilang kauna-unahang talo kontra BloodThirstyKing (BTK), 2-3, sa Playoffs ng Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) M3 World Championship, Disyembre 11, sa Suntec Singapore International Convention.

Tumambad sa unang yugto ng laro ang maagang pamumukadkad ng BTK matapos patahimikin ni MobaZane ang imik ng koponang Pilipino, bitbit ang early game lead ng kaniyang assassin hero na si Saber. Napasakamay ng manlalarong Amerikano ang siyam na kill at tatlong assist upang pangunahan ang kaniyang koponan sa pagtatapos ng unang bakbakan, 5-14.

Agad namang bumawi ang BLCK sa ikalawang yugto ng tunggalian matapos tumikada ng 8-3 run kontra BTK sa ikaanim na minuto pa lamang ng laban. Matagumpay ring tinambakan ng Alice ni OHEB ang talaan ng katunggali matapos rumagasa ng siyam na kill, dalawang assist, at 73% kill participation. Bunsod nito, waging tuldukan ng koponang Pilipino ang kanilang ikalawang laban sa torneo, 15-3.

Dikdikang sagupaan naman ang ipinamalas ng dalawang koponan sa ikatlong yugto ng laro karga ang kanilang dikit na iskor mula early hanggang late game. Sa kabila nito, lumamang ang BTK sa BLCK tangan ang kanilang siyam na kill kontra sa anim ng kabilang panig, 6-9. 

Sumiklab naman ang puwersa ng BLCK sa late game matapos alalayan ng Aldous ni Wise ang kanilang scoring machine na si OHEB tangan ang pinagsamang 14 na kill. Nagwakas naman ang naturang labanan sa kabuuang iskor na 15-14, pabor sa BLCK.

Pagdako ng ikaapat na yugto ng salpukan, matulin na kumamada ng kalamangan ang BLCK kontra sa BTK, 3-1. Sa kabila nito, biglang bumulusok ang puwersa ni MobaZane upang ibigay sa mga ahente ng BTK ang inaasam na bentahe, 4-7, ika-14 na minuto ng laro. 

Matapos nito, waging pabagsakin ng koponang Amerikano ang depensa ng katunggali na pinangunahan ng kanilang pagpuslit ng bentahe mula sa lord. Nagbigay-daan naman ang naturang lord advantage ng BTK upang asintahin ang kanilang agresibo at masilakbong pag-push sa mapa ng laban. Bunsod nito, matiwasay na winasak ng BTK ang base ng BLCK.

Para sa ikalima at huling laro, agad na ikinasa ng mga KDA machine ng dalawang koponan na sina OHEB at MobaZane ang kanilang comfort pick na Alice at Granger. Malakidlat namang nakamtan ng underrated pick ni MobaZane na Granger ang first blood ng tunggalian, 0-1. Binigwasan naman ng Alice ni OHEB ang pag-arangkada ni MobaZane matapos kitilin ang pagragasa ng kaniyang marksman, 1-all. 

Sa kabila ng palitan ng puntos ng magkabilang kampo, 4-5, hindi na hinayaang patagalin ng BTK ang nabubuong momentum ng BLCK matapos nitong dumaong sa lord pit upang salakayin ito. Sinubukan mang umarangkada ni OHEB sa pag-harass, hindi ito naging sapat sa umaatikabong god-like ni MobaZane na kumana ng sumatotal walong kill at limang assist na nagsilbing tulay sa pagkabigo ng BLCK.

Susubukan namang makabawi ng Blacklist International sa lower bracket ng Playoffs ng M3 World Championship. Makalalaban ng koponang Pilipino ang mananalong koponan sa pagitan ng Onic Indonesia at Team SMG. Abangan ang kapana-panabik na bakbakan ng isa pang pambato ng Pilipinas na Onic Philippines kontra RSG SG mamaya, ika-2 ng hapon.