Tungo sa mas episyenteng sistema: Pagsulyap sa proseso ng aplikasyon para sa libreng minor ng Pamantasan

Likha ni John Mauricio

NANAWAGAN ang ilang estudyante ng Pamantasang De La Salle hinggil sa pagsasaayos ng sistema ng aplikasyon para sa libreng minor bunsod ng kanilang mga naranasang aberya sa mga nagdaang termino. Dahil dito, itinaas nila ang kanilang mga sentimiyento upang mas mapabuti ang nabanggit na proseso. 

Matatandaang binubuksan ang naturang aplikasyon tuwing ikalawa o ikatlong linggo ng bawat termino. Ipinababatid naman ito ng mga kolehiyo sa pamamagitan ng mga anunsyo sa Help Desk Announcement, kasama ang mga rekisito at prosesong kinakailangang isakatuparan para sa aplikasyon. 

Kinaharap na aberya

Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi ni James Cudo, kumukuha ng kursong BS Biology major in Molecular Biology and Biotechnology, ang kaniyang karanasan sa pag-apply sa libreng minor ng Departamento ng Filipino. Sa kasalukuyan, wala pa rin siyang nakukuhang klase sa nabanggit na departamento.

Wika niya, naging mabilis ang proseso at agad siyang pinayagang magpatuloy. Subalit, nakatanggap ng abiso si Cudo ilang araw bago matapos ang enrollment. “Hindi raw ako puwede [mag-enroll] sapagkat magkakaroon ako ng 19 total units enrolled na sobra sa 18 units allowed,” pagbabahagi niya ukol sa limitasyon ng College of Science sa bilang ng mga yunit. 

Samantala, inihayag naman ni Jez Ulpindo, kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Mathematics with specialization in Business Applications, ang kaniyang pagkalito sa mga alituntuning inilabas ng Ramon V. del Rosario College of Business. Gayunpaman, ikinuwento niyang ginabayan siya ng chair ng isang departamento. 

Gabay sa aplikasyon

Kinapanayam din ng APP sina Dr. Ron Resurreccion, associate dean ng College of Liberal Arts, at Madeleine Estabillo, coordinator ng School of Economics para sa mga minor program, upang ibahagi ang proseso sa aplikasyon ng libreng minor.

Ani Resurreccion, tungkulin ng mga Academic Programming Officer na tiyaking sumusunod sa mga alituntunin ang mga estudyante, at suriin ang naging desisyon ng departamento sa bawat aplikasyon bago sila mapahintulutang mag-enroll. Ayon pa kay Estabillo, sinusuri din nila ang grado ng mga estudyante, pati ang mga lagda ng kanilang magulang at chair ng departamento.

Bukod pa rito, kabilang din sa mga rekisito para sa libreng minor ang pagsulat ng maikling sanaysay. “Para lang magka-idea kami through a formal survey, ano kaya iyong rason bakit nila gustong mag-minor sa Economics,” paliwanag ni Estabillo hinggil sa kahalagahan nito sa pagpapasulyap ng mga uri ng estudyante na interesado sa kanilang programa.

Kaugnay nito, tinukoy naman ni Resurreccion ang ilang balakid na kinahaharap ng mga estudyante sa aplikasyon, katulad ng paglagpas sa bilang ng mga yunit kada termino at pagkaligta sa nakatakdang enrollment period. Binanggit din ni Estabillo na nahihirapan ang ilang estudyante sa pakikipag-ugnayan sa kani-kanilang departamento tuwing holiday.

Katuwang ng mga estudyante

Sa kabilang banda, inilahad naman ni Moira Antonio, Student Services (SS) director sa Office of the Vice President for Internal Affairs ng University Student Government, sa APP na nagsisilbing tulay ang kanilang komite sa pagitan ng mga estudyante at opisina ng Pamantasan. Aniya, layon nilang magpaalala at mag-anunsyo ukol sa mga proseso sa pagkuha ng libreng minor. 

Sambit ni Antonio, kinokonsulta rin niya ang SS Council upang matiyak na maayos ang daloy ng aplikasyon. Naniniwala siyang nagiging daan ito sa pag-aakyat ng mga panukala sa administrasyon. “We are reviewing the current processes. . . to propose a more effective and efficient application process,” saad niya. 

Kaugnay nito, inilatag ni Antonio ang ilang suliranin ng SS. Giit niya, “A common problem that we encounter. . . is that there is no consolidated list that is provided to the students.” Binanggit niya rin ang pagbubukas lamang ng enrollment para sa libreng minor tuwing adjustment period o simula ng termino. Bunsod nito, nakikipag-ugnayan sila sa mga college government unit upang ipabatid ang iskedyul ng aplikasyon sa libreng minor. 

Naniniwala sina Cudo at Ulpindo na makatutulong sa pagsasaayos ng sistema ng aplikasyon ang paglilinaw ng mga alituntunin sa pagkuha ng libreng minor. Ipinahayag din ni Resurreccion na bukas sila sa pagtanggap ng feedback upang mapabuti pa ang sistema. 

Samakatuwid, iminungkahi ni Antonio ang pagkakaroon ng plataporma na makapagbibigay sa mga estudyante ng update ukol sa kanilang aplikasyon. “We are constantly monitoring student concerns and communicating with the different departments in order to cater to the varying needs of the students,” pagtitiyak niya.