MASIGASIG na pinaghahandaan ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang kanilang abot-tanaw na pagbabalik sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) matapos itong pansamantalang mahinto ng halos dalawang taon dulot ng pandemya. Kaakibat nito, puspusan ang pag-eensayo ng koponan upang masigurong nasa tamang kondisyon ang pangangatawan ng bawat manlalaro.
Inanunsyo ni Emmanuel Calanog, presidente ng UAAP Season 84, nitong Oktubre 20 na bakunado na ang lahat ng atleta ng basketball at volleyball sa UAAP. Bunsod nito, hinihintay na lamang ng UAAP Board ang desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases o IATF-EID ukol sa pagsasagawa ng kaniya-kaniyang bubble training. “As far as the UAAP Board is concerned, depending on the approval for the return to training, we’re projecting a start for basketball hopefully by February,” pagbabahagi ni Calanog sa ABS-CBN News.
Balakid sa mga atletang Lasalyano
Matatandaang dating nakamit ng koponang DLSU Green Archers ang kampeonato sa UAAP Season 79. Gayunpaman, nabigong makamtan ng koponan ang inaasam-asam na kampeonato noong UAAP Season 80 matapos hiranging first runner-up sa torneo. Bilang karagdagan, bumagsak sa semifinals ang Green Archers noong UAAP Season 81 at 82 matapos nitong lumapag sa ikalimang puwesto ng standings.
Bunsod ng kanilang sunod-sunod na pagkabigo, nagsusumikap na mag-ensayo ang Green Archers upang lalong pagbutihin ang kanilang talento sa paglalaro para sa pagbabalik at pagbangon ng koponan sa UAAP Season 84. Sa kabila nito, dulot ng restriksyong hatid ng pandemya, isinasagawa na lamang sa online na plataporma ang mga training session ng Green Archers. Bunsod ng pagbabagong ito, hamon para sa Green Archers na mag-ensayo dahil nasanay silang magtipon sa kort upang maglaro ng basketball.
Ibinahagi naman ni Mark Nonoy, atleta ng Green Archers, sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel, na kinakailangan niyang pagtiyagaan ang birtuwal na pagsasanay upang masigurong ligtas siya sa kumakalat na virus. “. . . No choice kami kailangan naming mag-adjust [sa online trainings dahil] kailangan namin umiwas sa virus kasi mahirap na pagbalik namin. . . baka [magkasakit kami at] hindi kami maka-prepare as a team,” ani Nonoy.
Nasubok din ang katatagan ng loob ng Green Archers bunsod ng pagpreno ng mga pampisikal na pagsasanay. Kaakibat nito, lubos na naapektuhan ang coaching staff ng koponan dahil hindi pa umano nakaangkla ang sistema ng pamamalakad ni head coach Derrick Pumaren sa online na set up. Gayunpaman, napananatili ang disiplina at pokus ng mga atleta sa online training sa pamamagitan ng striktong pamamahala ni Pumaren. Bunsod nito, pinagsusumikapang ibalanse ni Nonoy ang kaniyang pag-aaral at pag-eensayo upang paunlarin ang kaniyang kakayahang maglaro habang sinasabay na kompletuhin ang kaniyang mga gawaing pang-akademiko.
Paghasa ng talento
Puspusan ang pagsasanay ng Green Archers sa kabila ng matinding pagkalat ng virus dahil sa hangarin na makabawing muli sa nagdaang pagkatalo noong UAAP Season 82. Bukod dito, sinusuri ng koponan ang mga bidyo ng nagdaang laro sa UAAP. Sa tulong nito, nabibigyan ng pansin ang mga istilo ng laro ng Green Archers sa mga nakaraang taon. Natututo rin ng bagong estratehiya at kaalaman ang mga atletang rookie sa panonood ng mga naturang bidyo.
Bilang karagdagan, nag-iimbita rin si Pumaren ng mga beteranong atletang Lasalyano upang ibahagi ang kanilang kaalaman at karanasan sa mga manlalaro ng Green Archers. “We also come up with a guest speaker para mag-share ng kanilang experience para maibalik namin ang animo spirit [or winning attitude] lalo na ‘yung mga bagong papasok sa’tin [na mga estudyanteng atleta] sa university. . .,” pagbabahagi ni Pumaren.
Sinag ng mithiin sa gitna ng pagbabago
Bilang bahagi ng pag-iingat mula sa pandemya, inaasahang magiging maikli at mabilis lamang ang mga laro sa UAAP. Ayon kay Pumaren, tatlong araw sa isang linggo gaganapin ang mga laro sa pangkolehiyong torneo. Inaasahan ding araw-araw nang maglalaban-laban ang mga kalahok na koponan at atleta sa UAAP.
Ibinahagi naman ni Pumaren na wala pa silang nakahandang line-up para sa darating na UAAP Season 84. Sa kasalukuyan, ayon sa beteranong coach, mayroong sumatotal na 25 manlalaro ang DLSU men’s basketball team. Mula sa 25 atleta, pipili siya ng 16 na manlalaro na mapabibilang sa line-up ng Green Archers. “I still have to see them kung okay sila, kung ready na sila or were they able to get the 70% na hinahanap ko pagdating ng face-to-face [training] or kung makaka-adjust agad sila sa sistema. . .,” wika ni Pumaren.
Sa kabila nito, sinisiguro naman ni Pumaren na masusunod ang ipinatutupad na alituntuning pangkalusugan sa kanilang pag-eensayo sa loob ng bubble. Kaakibat nito, magkakaroon ng ocular inspections ang lokal na pamahalaan ng Maynila at Commission on Higher Education sa mga dormitoryo ng Green Archers. Bukod dito, kinakailangan ding kumuha ng mga atleta ng Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) tests at sumailalim sa pitong araw na kuwarentina bago sumabak sa bubble.
Naniniwala rin si Pumaren na may kakayahang makabawi ang Green Archers mula sa pagkalaglag nito sa final four noong UAAP Season 82. Buo ang loob ng head coach na maibabalik niya ang magandang kondisyon at kompiyansa ng kaniyang mga manlalaro. “One thing na pinapalitan ko ngayon [sa team] na we have to have that winning attitude, we have to get back that animo spirit again,” sambit niya.
Sa kanilang nalalapit na kampanya sa UAAP, hindi nagpapatinag ang Green Archers sa anomang balakid na kanilang kinahaharap sa pag-eensayo at pag-aaral. Pinaikli man ang iskedyul ng paglalaro sa torneo, asahang puspusan pa ring gagampanan ng Green Archers ang kanilang responsibilidad bilang atleta at estudyante upang masigurong preparado at determinado ang bawat isa.