PINAIGTING na katatagan at determinasyon ang ibinida ni Elreen Ando sa kaniyang yumayabong na karera sa mundo ng weightlifting matapos makapag-uwi ng iba’t ibang parangal sa mga sinalihang torneo. Napasakamay ni Ando ang pilak na medalya sa women’s 64 kg division sa 2019 Southeast Asian Games noong Disyembre.
Sunod naman niyang naiuwi ang tatlong medalya sa 2020 Asian Weightlifting Champion nitong Abril. Binubuo ito ng dalawang pilak na medalya mula sa women’s 64 kg division at clean and jerk lift habang nasungkit naman niya ang tansong medalya para sa snatch lift ng kompetisyon. Mula rito, nagpatuloy ang karera ni Ando nang umabante siya patungong 2021 Tokyo Olympics upang makipagtagisan sa women’s 64 kg weightlifting competition na ginanap sa Japan noong Hulyo.
Karera sa 2021 Tokyo Olympics
Binubuo ng dalawang bahagi ang larong weightlifting sa Tokyo Olympics—ang mga kategoryang snatch at clean and jerk. Sa loob ng naturang kompetisyon, pinahihintulutan ang mga kalahok, tulad ni Ando na magbuhat ng dumbbell nang tatlong beses sa snatch category at clean and jerk category. Para magwagi sa mga torneo ng weightlifting, kinakailangang makapagbuhat ang mga weightlifter ng pinakamataas na timbang ng dumbbell kontra sa mga katunggali.
Mula sa kaniyang nakamamanghang determinasyon, matagumpay na nabuhat ni Ando ang 100 kg mula sa snatch category. Sa kabilang banda, kinaya naman niyang buhatin ang 122 kg na dumbbell sa kategoryang clean and jerk. Sa kabuuan, nakapagtala ng 222 kg si Ando sa kompetisyon. Gayunpaman, bigong makakuha ng medalya si Ando sa weightlifting tournament ng Tokyo Olympics matapos siyang lumapag sa ikapitong puwesto ng standings.Sa likod ng mga parangal
Ibinahagi ng weightlifting coach na si Ramon Solis sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel ang kaniyang mga naging karanasan bilang coach ni Ando sa katatapos na Olympics. Ayon kay Solis, umikli ang oras ng pag-eensayo ni Ando para sa Tokyo Olympics bunsod ng panandaliang pagtigil ng operasyon ng mga gymnasium dahil sa restriksyong dulot ng pandemya. Dagdag pa niya, tatlong oras na lamang nakapag-eensayo si Ando kaya nahirapan silang paghandaan ang torneo. “Ang hirap nung naranasan namin nung nagpunta kami ng Olympics dahil nga ‘yung [kakulangan] sa training,” saad ni Solis.
Nagsilbi ring balakid sa karera ni Ando noong Tokyo Olympics ang kakulangan sa kagamitan para makapag-ensayo. Gayunpaman, sa tulong ng mga kaibigan ni Ando, hindi naging hadlang para sa kaniya ang mga sirang kagamitan upang magpatuloy sa kaniyang pagsasanay. “Nanghihiram na nga po ako ng weightlifting belt kasi sira na, tapos ’yong shoes ko sira na rin,” pahayag ni Ando sa ABS-CBN News.
Panibagong kabanata
Matapos ang matagumpay na karera ni Ando sa Tokyo Olympics, kasalukuyang niyang pinaghahandaan ang kaniyang kampanya sa Tashkent, Uzbekistan na International Weightlifting Federation (IWF) World Championship na gaganapin sa Disyembre. Magsisilbi itong panimulang kwalipikasyon ni Ando sa torneong 2024 Paris Olympics.
Lalaban naman sa 59 kg women’s division si Ando matapos mapagdesisyunan ni Solis na ilipat siya mula sa 64 kg ng 2024 Paris Olympics. Bunsod nito, matinding paghahanda ang kinakailangan ng kampo ni Ando upang punan ang mga pagkukulang sa ensayo noong sumalang siya sa Tokyo Olympics. Sa panayam ng Cebu Daily News kay Solis, inihayag niya na makatutulong sa pagsasanay ni Ando kung magkakaroon siya ng nutritionist, masseuse, physical therapist, at psychologist na gagabay sa kaniyang susunod na torneo.
Mula sa pagkamkam ng pilak na medalya ni Ando sa Southeast Asian Games at pagkabigo sa Tokyo Olympics, hangad ng kaniyang kampo na mapasakamay ang gintong medalya sa IWF. Bitbit din nina Solis at Ando ang kanilang determinsayon upang makaalpas sa mabagsik na landas ng 2024 Paris Olympics.