KALIWA’T KANAN ang umuugong na mga diskusyon at usaping pampolitika sa patuloy na paglapit ng pagharap ng bansa sa susunod na demokratikong halalan. Nakatuon ang mata ng bawat mamamayang Pilipino sa mga kandidatong posibleng magbibigay-laya sa lipunang halos anim na taong pinamunuan ng karahasan at kawalang-pananagutan. Sa kasalukuyan, maraming mga kandidato ang nagsimulang ipakilala ang kanilang sarili at mga plataporma sa taumbayan. Kaya naman, dapat kilatising mabuti ng mga Pilipino ang bawat kandidato sapagkat sa kanila nakasalalay ang magiging kinabukasan at kaunlaran ng bansa.
Bagamat patuloy ang pagsusulong para sa isang demokratikong halalan, pangamba ng taumbayan ang tumataas na bilang ng mga tahasang tumatakbo sa kabila ng kakulangan sa abilidad at malinis na intensyon. Batay sa Konstitusyon, para sa matataas na posisyon sa gobyerno, kinakailangan lamang nilang maging ganap na 35 taong gulang upang maging senador at 40 taong gulang naman para sa pagkapangulo. Dagdag pa rito, kinakailangan ding isa silang rehistradong botante na nakatira sa bansa ng dalawang taon para maging bahagi ng Senado at sampung taon naman kapag nais maging pangulo. Bunsod ng hindi gaanong istriktong pamantayan para sa mga lider ng bansa, maraming mga mamamayan ang nagdadalawang-isip sa kakayahan ng mga tumatakbong kandidato na pamunuan ang bansa. Bukod dito, mas pinalalabo rin nito ang linya sa pagitan ng entertainment at politika dahil tila mas madali para sa mga tanyag na artista at personalidad na pumasok sa nasabing larangan.
Paggamit ng kasikatan para sa politika
Sa pagtaas ng bilang ng mga artistang nagnanais tahakin ang mundo ng politika, marami ang gumamit sa kanilang kasikatan at pagkakakilanlan upang mas mapatibay ang hanay ng kanilang taga-suporta, katulad nina Robin Padilla na kilala bilang “Bad Boy of Philippine Cinema” at Ramon “Bong” Revilla Jr. na sikat na aktor sa mga palabas, tulad ng Ang Panday at Captain Barbell.
Hindi maikukubling bahagi ng pagiging artista ang malaking impluwensya sa kanilang mga taga-suporta at ginamit ni Padilla ang kaniyang kasikatan upang masuportahan at mapalakas ang pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2015. Bilang pagsuporta, nagpalabas siya ng mga politikal na patalastas para sa kampanya ni Duterte at minsan din siyang sumama sa mga kampanya sa ibang bansa. Hindi nagtagal, nagbunga ang kaniyang matinding suporta upang magawaran siya ng executive clemency ni Duterte noong 2016 at sa kasalukuyan, mabigyan ng suporta at pagkakataon na tumakbo sa Senado bilang kasapi ng PDP-Laban, ang partido ng Pangulo, para sa Halalan sa 2022.
Samantala, naging tanyag naman si Revilla sa politika dahil sa pagiging beteranong aktor at mga patalastas na makikita siyang sumasayaw ng Budots– isang uri ng electronic music na puno ng tambol at whistle hooks, kasama ang kaniyang anak para sa kampanya sa pagkasenador noong 2019. Dulot nito, nagwagi at naluklok si Revilla bilang senador sa ika-18 Kongreso ng Pilipinas sa kabila ng kaniyang pagkakadawit sa Pork Barrel Scam ni Janet Napoles noong 2013.
Iilan lamang sina Padilla at Revilla sa mga aktor na naglakas loob pasukin ang mundo ng politikang may bahid ng korapsyon at kontrobersiya. Bagamat, matagal na ang pangyayaring ito sa bansa, nananatiling kwestiyonable ang pagpasok ng mga artista sa politika. Sa huli, hindi sila maikukulong sa kanilang propesyon sa mundo ng telebisyon at pelikula sapagkat walang pinipiling antas o uri ng tao ang tawag ng serbisyo.
Laro ng mga balimbing
Sa kasamaang palad, isa ring kahinaan ng demokrasya ang demagoguery o ang politikal na praktis na layuning humakot ng suporta sa publiko sa pamamagitan ng pagpukaw sa damdamin ng masa. Tila naisasawalang bahala ang kritikal na esensya ng representasyon at ang layunin ng demokrasya na lagumin ang kagustuhan ng madla. Dulot nito, nagiging kaugalian ng mga politikong pumanig sa naratibong gusto ng mayorya sa halip na maging kritikal at pumanig sa katotohanan upang makatipon ng mga boto.
Malinaw na makikita rito ang paglabo ng linya sa pagiging aktor at pagiging politiko sapagkat tipikal na gawi sa kanilang industriya ang timplahin ang panlasa ng mga manonood na Pilipino at siguraduhing maibigay ang kanilang hinahanap upang mas makahakot ng suporta. Isang halimbawa nito si Manila City Mayor Isko Moreno na dating aktor sa mga pelikula na Exploitation (1997), Siya’y Nagdadalaga (1997), at Mga Babae sa Isla Azul (1998).
Matatandaang binatikos ng Alkalde si Bise Presidente Leni Robredo bilang isang “Fake leader with fake color”, ngunit matapos ang isang linggo, madali rin niyang binago ang naratibo at tono matapos niyang sabihing handa siya makipagtulungan sa iba pang kandidato, tulad nina Robredo, Manny Pacquiao, at Panfilo Lacson. Para sa mga politiko, lalo na sa mga nanggaling sa mundo ng showbiz, tila madaling baguhin at paikutin ang mga naratibong pinariringgan ng mga botante. Bunsod ng mga ganitong praktis sa politika, patuloy na nailuluklok sa puwesto ang mga nagnanais na magpayaman at magpasikat lamang.
Atake sa teritoryo ng demokrasya
Malaking balakid sa demokrasya ang patuloy na pananaig ng kasikatan bilang isa sa pangunahing pamantayan ng mga mamamayang Pilipino sa pagpili ng mga susunod na lider ng bansa. Malayo ito sa esensya ng demokrasya na may hangaring bumuo ng isang sistema ng eleksyong makapagbibigay ng totoo at patas na representasyon ng taumbayan.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagkasanay sa paggamit sa politika bilang tulay para sa kapangyarihan at kayamanan mas lalong nakikitil ang demokrasyang dapat pinangangalagaan. Maraming mga buhay ang nakasalalay sa estado upang asahan ang mga sakim, balimbing, at mapanlinlang na humawak sa kapalaran ng mga taong nabubuhay sa isang kahig, isang tuka.
Senyas ang populismo at demagoguery na patuloy nasisira ang sistema ng demokrasya ng bansa. Buhat ng patuloy na pagpasok ng mga artista pagkatapos ng pag-abot sa rurok ng kasikatan, napagkakaitan ng oportunidad ang mga kwalipikadong representatiba mula sa laylayan ng lipunan, tulad ng mga pinuno ng mga manggagawang may kakayahang makapagbigay ng totoong representasyon sa mga mas nangangailangan na sektor.
Pagbuo ng mga epektibong sistema at batas ang tunay na makapagtataguyod sa magandang kinabukasan ng bawat Pilipino, lalo na sa mga minorya, mahihirap, at mga inaapi sa lipunan. Sa huli, kinakailangang gamitin ang kapangyarihan ng tatak ng tinta sa balota hindi batay sa katanyagan ng pangalan bagkus sa mga taong may malinis na hangaring magbigay-serbisyo sa masa. Lumalabo man ang linya ng pagiging aktor at politiko, malinaw na nakasalalay sa mga botante ang pagbabago sa nakagisnang kultura at muling itaas ang bandera ng makatarungang kalayaan.