Sabi nga nila, mas marami pang maririnig na dasal sa loob ng ospital kaysa sa simbahan; mga panawagan sa Maykapal para sa matagumpay na operasyon o paghingi ng isa pang bukas. Para sa isang nagdadalang tao, nagsisilbi rin niyang sandigan ang pagdarasal para sa ligtas na panganganak, sapagkat nagmimistulang sugal ang pagsilang sa isang sanggol na maaaring maging kapalit ng sariling buhay.
Sa maraming pagkakataon, mas nangingibabaw ang pagsasakripisyo na handang gawin ng isang ina para lamang masilayan ang sanggol na dinala sa sinapupunan. Kapalit ng sakripisyong ito ang unang buhos ng iyak ng bagong silang na anak—tanda na naging ligtas ang panganganak ng isang ina. Katumbas ng labis na pagtangis na ito ang abot-langit na ngiti ng taong nagdala sa kaniya sa loob ng maraming buwan.
Tunay na mahiwaga ang buhay, sapagkat walang makapagsasabi kung ilan pa ang natitirang bukas para kanino man, dahil ang pagdaloy ng tubig mula sa pagputok ng panubigan, bagamat nagtatakda ng simula ng buhay, maaari ding maging mitsa ng kamatayan para sa isang ina.
Isinantabing pangamba at panganib
Tatlong beses nang nanganak si Julie* sa pamamagitan ng Cesarean Section. Kaya naman, labis din ang babala ng kaniyang doktor sa panganib na dala ng ikaapat na panganganak. “Kasi ‘yung inunan sobrang sobrang sobrang nipis na, ganun daw yata ‘pag CS kaya dapat dalawa lang daw eh,” ani Julie. Gayunpaman, sa kabila ng mga pangamba, pinili pa rin niyang ipagpatuloy ang pagbubuntis at ilaban ang supling.
Habang nagbubuntis, naging maselan si Julie sa amoy at lamig. Paglalahad niya, naging hamon sa kaniya ang pagligo at pag-amoy ng mga pagkain lalo na noong unang tatlong buwan. Dagdag pa rito, nahirapan din siya sa pagbyahe mula Cavite hanggang Maynila upang magpa-check-up nang mag-isa, sapagkat nasa barko ang kaniyang asawa. Sa kabila nito, matagumpay pa rin niyang naalagaan ang sanggol sa sinapupunan hanggang sa ikawalong buwan at dalawang linggo, na siyang araw ng kaniyang panganganak.
Pagpawi sa pagdadalamhati
Sa pagsilang ng isang buhay, isang buhay rin ang laging nakasalalay. Walang malay si Julie noong ipinasok siya sa operating room, kasabay nito ang pagpili ng kaniyang pamilya kung kaninong buhay ang isasalba sakaling magkaroon ng komplikasyon sa panganganak. Sa pagharap sa hamong ito, tanging dasal ang nagsilbi nilang sandigan. “‘Pag bagsak ang BP mo, pwede kang ma-comatose, eh ako malakas ako kay Lord. ‘Di pa ako kinuha,” paglalahad niya. Noong sumailalim si Julie sa operasyon buhat ng matinding pagdudugo, nalamang mayroon siyang internal bleeding kaya’t matagal na panahon ang dapat ilaan upang lumakas muli ang kaniyang katawan.
Matapos ang matagal na operasyon, binalot ng pangamba si Julie buhat na rin ng maiiwanan niyang mga anak sakaling bawian siya ng buhay. Unang bumungad sa kaniya ang maliwanag na ilaw sa kwarto at maingay na kapaligiran, “Akala ko nasa langit na ako. Sabi ko buhay pa ba ako?,” aniya. Nagkaroon din ng maraming komplikasyon ang kaniyang panganganak na siyang sumubok sa kaniyang pananalig at katatagan. “. . . inuubo pa ako n’on. ‘Di pala ako makahinga tapos nilagyan ako ng oxygen tapos may tinusok na gamot sa dextrose ko, tapos ‘yun pala ‘di ako umiihi. ‘Yung tubig na dapat iiihi ko, naipon na. Pumapasok na sa baga ko kaya ‘di na ako makahinga,” pagbabahagi niya.
Lubhang naapektuhan ng panganganak ang pisikal na kondisyon ni Julie ngunit mas nangibabaw ang pagtangis sa sariling anak. Kinailangan mang panandaliang malayo sa anak upang magpalakas ng katawan, napawi ang mga nagdadalamhating puso nang nagsama na muli sina Julie at ang kaniyang bagong silang na sanggol.
Sakripisyong kapalit ng panibagong buhay
May posibilidad mang hindi na makasabay sa agos ng buhay si Julie sakaling bawian ng hininga, pilit niya itong hinarap, maisilang lamang ang dinadalang anak. Tanda ang bawat dumarating na panibagong umaga sa sakripisyong ginawa ng isang ina, mula sa pagdadalang tao sa loob ng maraming buwan hanggang sa pagtaya ng sariling buhay sa takdang araw ng panganganak.
Sa naghihintay na paglabas ng isang sanggol, maaaring magsalubong ang pagbati at paalam. Bahagi ito ng buhay ng isang inang maaaring maging tagpuan ng buhay at kamatayan. Kaya naman maituturing na tagumpay ang ligtas na pagsilang at katumbas ng pagkapanalo sa pakikipagsugal para sa buhay. Isang mabigat na paalala rin ito upang pahalagahan ang buhay mula sa sakripisyo ng isang ina.
*hindi tunay na pangalan