HERstory: PWNFT, tinuldukan ang kanilang makasaysayang karera sa semifinals ng 2022 AFC Women’s Asian Cup

NATALISOD ang Philippines Women’s National Football Team (PWNFT) kontra sa nagbabagang puwersa ng South Korea, 0-2, sa semifinals ng 2022 AFC Women’s Asian Cup, Pebrero 3, sa Shree Shiv Chhatrapati Sports Complex sa Pune, India.

Bilang sagot sa umaatikabong laro ng South Korea kontra Australia sa nakaraang laban nito, pinakilala ng PWNFT ang starting eleven nito tangan ang mga midfielder na sina Tahnai Annis, Jessica Miclat, at Ryley Bugay. Kabilang din dito sina Dominique Randle, Hali Long, Sofia Harrison, Sarina Bolden, Eva Madarang, Quinley Quezada, Katrina Guillou, at Olivia Davies-McDaniel.

Sa kabila nito, maagang nagpakitang-gilas ang South Korea nang maglagablab ang koneksyon nina Cho So-Hyun at Kim Hye-Ri. Kaakibat nito, matagumpay na binasag ng midfielder na si Cho So-Hyun ang depensa ng Pilipinas matapos takasan ang goalkeeper na si McDaniel sa ikaapat na minuto ng laro, 0-1.

Nagkaroon naman ng pagkakataon na patagin ng PWNFT ang kalamangan ng katunggali sa ika-23 minuto ng laro. Gayunpaman, nabigo nitong lusutan ang matibay na depensa ng South Korea. Sinubukan din ni Guillo na makakubra ng iskor mula sa kaniyang long range ball ngunit nagmintis ito matapos lumabas sa bar.

Buhat nito, matikas na sinunggaban ni Son Hwayeon ang Pilipinas matapos tumikada ng iskor para sa South Korea, 0-2, sa ika-34 na minuto ng laban. Pagdako ng ikalawang yugto ng bakbakan, malakalbaryong nagmintis muli ang mga tirada ng PWNFT.

Pinaigting naman ng goalkeeper na si McDaniel ang kaniyang depensa matapos sagipin ang dalawang tirada ng katunggali. Gayunpaman, hindi naging sapat ang depensa ng koponang Pilipino upang mahabol ang kalamangan ng South Korea.

Yumuko man sa naturang laban, hindi maikakailang umukit ng makasaysayang karangalan ang PWNFT para sa bansang Pilipinas matapos hiranging semifinalist ng 2022 AFC Women’s Asian Cup. Bunsod nito, kahanga-hangang napasakamay ng Pilipinas ang tiket patungong FIFA World Cup 2023. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na mapabilang ang kahit anong koponang Pilipino sa larong football sa naturang internasyonal na kompetisyon.

#LabanFilipinas