Tinitiyak ng isang lipunang demokratiko ang kalayaan ng mga indibidwal na bumuo ng kani-kanilang mga partido. Saan mang demokrasya sa buong mundo, tila sinasalamin ng mga politikal na partido ang mga nagtatalabang interes at ideolohiya ng mga pangkat ng tao. Sa mga mas matibay na demokrasya, kaakibat ng kulay ng mga partido ang mga ideolohiyang nais isulong sa lipunan.
Isa sa katangian ng mahinang demokrasya sa bansa, partikular sa panahon ng halalan, ang pagiging mas matimbang ng personalidad kaysa sa plataporma, at ang imahe kaysa sa track record, sa pagpili ng mga nais iluklok sa gobyerno. Salik ito sa patuloy na pananalaytay ng mababaw na pagkilatis ng mga botanteng Pilipino sa mga naghahangad na magkaroon ng posisyon sa gobyerno.
Karera sa pangangalap ng boto
Tampok sa lumang anyo ng halalan ng bansa ang two-party system na nagpalitaw sa talaban ng dalawang magkaribal na kandidatong kumakatawan sa administrasyon at oposisyon. Subalit, bunsod ng pagbabago ng Konstitusyon, nagkaroon ng sapat na espasyo sa politika upang makalikha ng mas maraming partidong magluklok ng kandidato para sa pambansa at lokal na halalan. Ayon sa tala ni Propesor Ramon Casiple, executive director ng Institute for Political and Electoral Reform, umabot sa 18 partido o mga koalisyon ang nagpadala ng kani-kanilang mga kandidato para sa pagkapangulo sa loob ng limang pambansang halalan mula 1992 hanggang 2016.
Isinisiwalat ng ganitong uri ng politika ang mahinang disenyo ng sistema ng eleksyon ng bansa. Ipinahihiwatig nitong sa mukha ng kawalan ng malinaw na ideyolohiya, maaaring kumandidato ang kahit sinong mayroong sapat na makinarya at behikulo upang magtaguyod ng isang malawakang kampanya.
Ipinaliwanag ni Julio Teehankee, isang political scientist, na kaakibat ng kakayahang bumuo ng sandamakmak na mga partido ang mas komplikadong anyo ng kampanyang pampanguluhan. Hindi maikukubling katotohanan sa politika ng bansa ang pagkakaroon ng command votes o pagkuha ng mas malaking boto mula sa balwarte ng kandidato at sa kanilang sariling political machinery.
Bukod dito, kalakip ng kampanyang pampanguluhan ang pagkakaroon ng market votes o pagkuha ng boto sa pamamagitan ng pagkumbinsi sa partikular na pangkat ng mga botante at mabawasan ang botong makukuha ng kalaban na kandidato. Taliwas sa command votes na nakukuha mula sa suporta ng mga kapartido at politikal na alyansa, nabubuo ang market votes sa pamamagitan ng pagbebenta sa imahe ng isang kandidato, sa kaniyang mga plataporma, at sa mga isyung naiuugnay sa kaniya. Salik ito sa patuloy na pagbabago pagdating sa katayuan ng mga kandidato sa survey polls at makumbinsi ang mga botante na ibigay ang kanilang boto sa naturang kandidato.
Ipinaliwanag ng Philippine Center for Investigative Journalism na sa mundo ng mass media at social media, hindi na lamang basta pagdaragdag ng mga kaalyado at alyansa ang daan upang magwagi sa halalan, lalo na’t malaking bahagi ng pagtatagumpay ng isang kandidato ang pagkakaroon ng epektibong paglikha sa kaniyang imahe sa publiko. Kaakibat ng panibagong imahe ang pagpapakulay sa mga naratibong ipinalulutang sa panahon ng kampanya na nakatutulong upang mas umangat o bumagsak ang kampanya ng isang kandidato. Sa pamamagitan ng advertising, telebisyon, at social media, mayroong kakayahan ang mga kandidatong itanghal ang kanilang mga sarili sa paraang makukuha nila ang puso ng mga botanteng Pilipino.
Tunay na kulay
Hindi nakaligtas sa maiinit na mata ng mga tao ang madalas na paglipat ng partido ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso simula ng kaniyang ideklara ang pagtakbo para sa pagkapangulo. Matatandaang bago pa man naging opisyal na pangulo ng partidong Aksyon Demokratiko, nagmula na ang naturang alkalde sa apat na magkakaibang partido.
Sinimulan ni Moreno ang kaniyang karera sa pagsali sa mga partido matapos niyang umanib bilang kasapi ng Nacionalista Party mula 2006 hanggang 2012. Matapos ang anim na taon, nagdesisyon siyang magkasabay na lumipat sa Pwersa ng Masang Pilipino hanggang 2016 at United Nationalist Alliance hanggang 2014. Sa loob ng ilang taong paglipat ni Moreno sa iba’t ibang partido, nasaksihan ng taumbayan ang pagpanig niya sa partidong may kakayahang magdala ng tagumpay sa eleksyon, mula sa pagiging bise-alkalde ni dating alkalde Alfredo Lim noong 2007 hanggang 2013, hanggang sa pagiging bise-alkalde ni dating Pangulo Joseph Estrada mula 2013 hanggang 2016. Gayunpaman, hindi rin nagtagal ang kaniyang pananatili sa partido ni Estrada matapos niyang umanib sa National Unity Party noong 2016 at kalabanin si Estrada para sa pagkaalkade ng Lungsod ng Maynila noong 2019.
Bilang sagot sa mga kumukwestyon sa kaniyang paglipat ng iba’t ibang partido, ipinahayag ni Moreno sa DZRH News na “kami naman, maghahanap naman kami ng partidong sa tingin namin nangingibabaw ‘yung kapakanan ng taong bayan, hindi ng isang tao lang.”
Naging tumpulan man ng paratang nang pagkawala ng utang na loob sa kaniyang naging dating mga kaalyado, pinangatuwiranan ni Moreno na hindi siya kailanman nagkautang sa mga ito, sa halip handa siyang makipag-ugnayan hangga’t nanatiling layunin ang pagsilbihan ang taumbayan.
“. . . kinuha nila ako, ako um-oo dahil ang laway ko naman nasasangla. . . I am not ashamed of that and I will continue to do the same given the chance in the presidency. . .,” pagtindig ni Moreno.
Bagamat binansagang political butterfly, iginiit niyang pinahihintulutan ng batas ang paglipat sa iba’t ibang partido. Aniya, isang kasangkapan patungo sa pagkapanalo ang mga taong mayroong parehong pagnanais na paglingkuran ang taumbayan.
“Isang magandang bahagi ng isang kandidato ay bahagi siya ng isang partido. Siyempre gusto ng mga kandidato na manalo. So, kailangan may masasakyan tayong sasakyan. . . what matters most at the end of the day, ‘yung loyalty mo sa tao,” paliwanag ni Moreno.
Kulay ng pagbangon
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Marc Joffet Asis, psychometrician at guidance counselor sa Northern Rizal Yorklin School, ibinahagi niyang wala nang masyadong epekto sa kasalukuyan ang kulay na ginagamit ng mga kandidato sa pangangampanya lalo na’t mas binibigyang-pansin na ng mga mamamayan ang kanilang pagkatao at plataporma.
“It’s like cognitive learning, particularly with associating colors to a person na parang when you see pink, ay ito ‘yung naaalala ko. But when I see red, ito ‘yung naaalala ko,” paliwanag ni Asis.
Batay sa color psychology, ipinaliwanag ni Asis na sinisimbolo ng kulay pula ang gigil o isang matinding emosyon, habang sinisimbolo naman ng kulay pink ang pagpapahalaga sa kapwa na makikita umano sa nirerepresentang kulay ni Bise Presidente Leni Robredo sa kaniyang kampanya.
“Para kasing passion [red]. . . gigil, it’s an intense feeling regardless of what feeling that may be. . . Meanwhile if it’s pink, parang it’s something that’s nurturing. And if we’ll see and look at her campaign, how does she represent herself? Motherly, nurturing, caring,” giit ni Asis.
Kaugnay nito, naniniwala siyang tama ang naging desisyon ni Robredo na tumakbo bilang isang independent na kandidato lalo na’t kasalukuyang hindi maganda ang pagtingin ng mga tao sa partidong Liberal. Gayunpaman, parehong may mabuti at masamang mga epekto ang pagpapalit ni Robredo ng kulay mula dilaw patungong kalimbahin.
Ipinaliwanag ni Asis na nagsasagisag ng panibagong simula para kay Robredo ang pagtakbo niya bilang isang independent na kandidato. Subalit, hindi rin nito umano maiiwasang may mga mamamayang maniniwala na pawang estratehiya lamang ito upang manalo sa halalan at patuloy pa ring aanib ang si Robredo sa partidong Liberal.
Sa unti-unting paglapit ng halalan, nanawagan si Asis sa mga kasalukuyang kandidato na maging tapat at totoo tungkol sa kanilang mga sarili at pagkakakilanlan. Mahalaga rin aniya na responsable at may pananagutan ang mga susunod na lider ng bayan upang makuha ang buong tiwala ng mga mamamayan.
Pinaalalahan din niya ang mga botanteng Pilipino na kinakailangang isaalang-alang ang mga bata at mga matatanda sa kanilang pagboto sapagkat sila ang higit na maaapektuhan ng magiging resulta ng halalan.
Sa huli, hinimok ni Asis ang bawat isa na parehong tingnan ang dalawang panig sa pagpili ng isang kandidato. “Huwag tayong maging panatiko. Let us not look into these candidates as superheroes. . . but we have to see them as someone na makakaapekto sa buhay natin,” pakikiusap niya.
Hangga’t nananatili ang problematikong disenyo ng elektoral na sistema ng bansa at malayang nagpapalitan ng mga partido ang mga politiko alang-alang sa pansariling interes, magpapatuloy lamang ang siklo ng sistemang pampolitika na papabor lamang sa iilan. Bunsod nito, mahalagang kilitasin ng taumbayan ang plataporma’t paniniwala ng mga kandidato nang higit pa sa kulay o imaheng kanilang ipinipinta sa panahon ng pangangampanya.
Ugaliing humingi ng pagtugon sa mga pangako mula sa mga kumakandidato at sanayin ang sariling isipin ang higit na makabubuti para sa kalagayan ng buong bansa. Sa panahon ng krisis sa edukasyon, bagsak na ekonomiya, at patuloy na pagyurak sa karapatang pantao, mahalagang magkaroon ng mga lider na hindi magsusulong ng pansariling interes bagkus handang tumindig para sa tunay na pag-angat ng bayan.