Karagdagang proteksyon para sa mga Lasalyano: Pamamahagi ng booster shots, pinalawig sa ilalim ng DLSU Vaccination Program

Kuha ni Angela De Castro

PINAIGTING ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang vaccination program nito sa pamamagitan ng pamamahagi ng libreng booster shots sa pamayanang Lasalyano. Layon nitong mabigyan ng karagdagang proteksyon ang mga Lasalyano bunsod ng muling pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa nitong mga nakalipas na buwan. 

Naglabas ang Office of the Vice Chancellor for Administration (OVCADMIN) ng magkasunod na Help Desk Announcements ukol sa proseso ng pagtanggap ng bakuna. Samantala, nakapanayam naman ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Giorgina Escoto, Pangulo ng University Student Government (USG), hinggil sa implikasyon ng inisyatiba sa muling pagbubukas ng Pamantasan sa mga Lasalyano. 

Mas pinalawak na benepisyo

Nagsilbing kontribusyon ng Pamantasan sa patuloy na laban kontra COVID-19 ang desisyon nitong mas paigtingin ang akses ng mga Lasalyano sa bakuna. Isa rin ito sa mga komprehensibong hakbang na inilatag ng Pamantasan upang matiyak ang kaligtasan ng mga Lasalyano. Pangunahing benepisyaryo ng inisyatibang ito ang mga administrador at estudyante ng Pamantasan.

Alinsunod sa anunsyo ng OVCADMIN, patuloy nilang pinalalawak ang saklaw ng mga mabibigyan ng libreng Moderna booster shots sa mga undergraduate at graduate na estudyante ng Pamantasan. Maliban sa mga estudyante, maaari ding mabigyan ng libreng bakuna ang mga guro, empleyado, at independent contractors.

Samantala, pinahihintulutan din ang university fellows, DLSU Brothers, pati na rin ang kapamilya ng mga guro at non-teaching personnel, na makakuha ng bakuna mula sa programa ng Pamantasan. Gayunpaman, pinaalalahanan na susundin ang first-come, first-served basis sa pamamahagi ng mga bakuna.

Dagdag dito, itinala rin sa kanilang anunsyo ang lokasyon ng mga bakunahan. Nananatili ang Makati Stock Exchange sa Lungsod ng Makati, BGC3 Parkade sa Taguig City, at Ayala Malls Manila Bay sa Paranaque City bilang mga vaccination site ng Pamantasan.

Inaanyayahan ang mga nagnanais na makatanggap ng bakuna na tumungo sa DLSU Vaccination Program site upang makapagrehistro at malaman ang iba pang mga impormasyon kaugnay sa naturang programa ng Pamantasan. 

Tungo sa ligtas na balik-unibersidad

Ipinarating naman ni Escoto sa APP ang kahalagahan ng desisyon ng Pamantasan na libreng ipamahagi ang booster shots sa parehong faculty at estudyante, gayundin ang patuloy na pagpapalawig sa naturang programa. Ibinahagi rin niyang naging matagumpay ang naturang inisyatiba sa pagtitiyak na mayroong akses ang pamayanang Lasalyano sa bakuna. 

Kaugnay nito, positibo rin ang naging reaksyon ng mga Lasalyano ukol sa libreng bakuna. Ani Kim*, ID 120 na kumukuha ng kursong AB International Studies, maganda at malaking tulong para sa pamayanang Lasalyano ang programang ito. “ . . . other than LGUs and national government, [it is good that] DLSU [provided] opportunities para [ma-vaccinate ang] people,” dagdag  niya. Isa rin itong mahalagang hakbang na nagpapakitang patuloy rin ang paghahandang isinasagawa ng administrasyon sa posibleng panunumbalik ng face-to-face na klase sa Pamantasan. 

Samantala, ibinahagi rin ni Escoto ang tungkulin ng USG sa pagsusubaybay ng mga pagbabagong inilalatag ng OVCADMIN sa proseso ng pagbabakuna. Nilalayon din niyang mapaigting pa ang ugnayan nila sa naturang opisina upang masiguro ang maayos at komprehensibong tugon ng Pamantasan kontra pandemya.  

Nakapagbigay rin ng tulong-pinansyal ang opisina ng Executive Treasurer na pinamumunuan ni Caleb Chua. Layon nitong matulungan ang mga iskolar ng Pamantasan. Gayunpaman, binanggit din ni Escoto na nananatiling bukas ang USG sa sinomang nangangailangan ng tulong-pinansyal.  

Sa kabuuan, naniniwala ang pangulo ng USG na malaking hakbang ang vaccination program ng Pamantasan tungo sa muling pagbubukas ng Pamantasan. Patuloy naman ang kampanyang #BalikDLSU na nakatuon sa pagbubuo ng orientation kits bilang paghahanda sa posibilidad ng in-person na mga klase. 

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang panawagan ng Pamantasan sa pamayanang Lasalyano na magpabakuna. Kaakibat nito, patuloy rin ang pagpapaalala ng administrasyon sa mga Lasalyano na manatiling ligtas at palaging sumunod sa mga alituntuning pangkalusugan.

*hindi tunay na pangalan