Pagkamulat ng mga mata, agad akong sinasalubong ng kalangitan. Bagamat nasa aking harapan, malayo ito sa aking damdamin—para akong ibong nilisan ang kaniyang pugad sa ngalan ng mas magandang kinabukasan. Niladlad ko ang aking mga pakpak at buong pusong binaybay ang malawak na himpapawid. Sa haba ng lakbayin, tanging ang liwanag lamang ang nagsisilbing gabay sa akin. Subalit sa tagal ng panahon, hinahabol ako ng kapaguran at binabalot ng takot sa kawalan ng kasiguraduhan. Mula sa pagiging estranghero sa isang banyagang lugar, ako na ang naging estranghero sa sarili kong landas.
Paglipad tungo sa kinabukasan
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Gng. Rhodora Caballero, Communications Specialist at International Student Advisor ng Office of the Vice President for External Relations and Internationalization (OVPERI) ng Pamantasang De La Salle (DLSU), upang pag-usapan ang kahalagahan ng pakikilahok ng mga estudyante sa exchange student programs. Aniya, “being an international [university] tells a lot of things about our students, facilities, academic programs, staff, research capacity, [and] capacity to collab with international network.” Pinaalalahanan ni Caballero ang mga estudyante na makikita sa Help Desk Announcements ang mga detalye sa pag-apply para sa foreign exchange programs..
Ayon naman kay Bb. Christy Santiago, Program Assistant for International Support Services ng OVPERI, marami ang nag-a-apply para maging exchange student ngunit hindi tumutuloy dahil sa iba’t ibang kadahilanan. “May takot or fear kasi . . . kung physical ‘yung mobility, ‘yung parents nila kailangan ‘yung consent, kailangan pang kumbinsihin, marami ring fear ‘yung parents,” aniya. Isa rin sa mga dahilan ng hindi pagtuloy sa programa ang kakayahang pinansyal ng mga mag-aaral bunsod ng mga pangangailangan para manirahan sa ibang bansa. Bilang tugon sa mga pangambang ito, binanggit ni Caballero na, “may schools na nag-ooffer ng free accommodation [at] full scholarship grant. Kailangan lang makita ng estudyante na ang pag-avail ng [exchange] student program, that itself is a scholarship.”
Gayunpaman, dahil sa pandemya, pansamantalang hininto ang face-to-face outbound at inbound exchange, at sa halip, isinasagawa ang operasyon sa pamamagitan ng online na moda. “We advise the in-bound in case na mag-open na ‘yung border and they decide to fly, that’s the time we process the special study permit,” ani Santiago.
Pag-angat sa alapaap
Sa isang panayam sa APP, isinalaysay ni Daisy Rowie Ortillo, dating estudyante sa DLSU na naging foreign exchange student sa Indonesia, Japan, at Thailand, ang kaniyang karanasan sa pagiging virtual exchange student. Isa sa mga dahilan ng kaniyang pagtahak sa landas na ito ang kaniyang interes sa kultura ng ibang bansa. Gayundin, inihayag niyang nakatulong ito sa kaniyang pag-aaral bilang estudyante ng International Studies. “I wanted to learn more about the problem not within the Philippines lang but [also] outside,” paglalahad niya.
Nagsisilbing inspirasyon ang ating mga pangarap—ang ating gabay sa paglalakbay sa buhay. Subalit, hindi laging mala-rosas ang mga daang sumasalubong sa atin sa pagkamit ng ating mga pangarap—bahagi rin nito ang mga tinik na kailangan nating pagdaanan. Isa sa mga problema na napagdaanan ni Ortillo ang pagkakasabay-sabay ng kaniyang mga iskedyul. “Meron akong subjects na tinake sa exchange program na kasabay ng isang subject ko sa DLSU,” paglalahad niya. Sa kabutihang-palad, may mga propesor siyang nag-re-record ng kanilang meeting at pinapanood na lamang niya ito.
Inilahad din ni Ortillo na mayroon siyang mga napagtantong pagkakaiba sa sistema ng edukasyon ng pag-aaral sa iba’t ibang bansa at unibersidad. Aniya, “sa Japan, mas mabigat [ang workload] kaysa sa Philippines, but mas considerate sila.” Inilahad niyang tatlong oras ang klase niya sa Japan, ngunit sa bawat 30 minuto sa klase, binibigyan sila ng lima hanggang sampung minuto para magpahinga.
Ibalik man ang oras, pipiliin pa rin ni Ortillo na sumali sa exchange program. “Nagkaroon ako ng greater understanding ng iba’t ibang perspective and sobrang na-enjoy ko ‘yung experience ko,” pagbabahagi niya. Maliban sa nakatulong ang exchange student program sa kaniyang kasalukuyang degree, nakatulong din ang programang ito sa kaniyang paglago bilang isang estudyanteng nagnanais na mag-aral sa ibang bansa at taong interesado sa kultura ng mga banyagang lupa.
Lakbayin sa himpapawid
Sa isang batang sinisiyasat pa lamang ang mga kaalaman sa mundo, kapana-panabik tingnan ang hinaharap—kanilang ninanais na maging doktor, piloto, abogado, superhero, gitarista, at marami pang iba.
Sa ating pagtanda, unti-unti na tayong namumulat sa realidad; nakikita natin ang mga tama at mali, ang puwede at hindi maaari. Bagamat nadadagdagan ang ating kaalaman, mas napupuno ng kawalan ng kasiguraduhan ang ating pag-iisip. Habang tumatagal, unti-unting naiimpit ang sinasambit ng damdamin. Sa puntong ito, alam mo na—tunay ngang libre ang mangarap, ngunit kailangan ding mamuhunan ng dugo, pawis, at luha upang mas mapalapit sa pangarap na tila bang kasinglayo ng alapaap.
Bilang isang foreign exchange student, mahirap ang mamuhay at mag-aral kasama ang mga banyagang may ibang kultura, pananaw, at paraan ng pakikisama. Kapalit ng pagsulong ng aking kaalaman ang oras na makapiling sana ang aking kapamilya. Sa kadahilanang ito, hindi ko tuloy maiwasang bulayin ang patutunguhan ng lakbayin na ito. Subalit, akin ding napagtanto na lilipas din itong panandaliang paghihirap, at darating ang panahong maaabot ko ang liwanag.
Walang anomang paglalakbay ang naging madali—tanda ng bawat pagpagakpak ng aking pakpak ang lahat ng paghihirap na aking dinanas. Kaya naman sa paglapit ko sa pangarap kong kumikislap, panatag ang loob ko na tama ang landas na aking tinahak.