Sa bawat pahid ng kumikinang na kolorete, pagsuot ng makulay na peluka, at paghahanda sa pagtanghal mas nakararamdam ng tibay ng loob tungo sa pakikipaglaban sa karapatan at kinabukasang makulay. Sa panandaliang pagbabagong-anyo, umaasang lalong mas lalakas ang tinig at mas mapapansin ang tindig. Bukod sa lulan ng entablado ang iba’t ibang mukha ng saya at aliw, nagsisilbing lugar din ito ng pakikibaka tungo sa paglalahad ng sarili, gayundin sa pagtukoy at pagsulong ng mga karapatang patuloy na kinalilimutan ng lipunan.
Inihahandog ng UPLB Feb Fair ang Drag Den IV: Unite For Love ang pagtatanghal ng iba’t ibang alagad ng sining sa larangan ng drag at pag-awit. Layunin nitong pagtibayin at isulong ang kalayaan at pantay na karapatan ng bawat isa, lalong-lalo na silang mga biktima ng karahasan—ang mga miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, and Asexual (LGBTQIA+) community at ang kababaihan.
Pagtatanghal na lulan ng pagmamahal
Matingkad na ipinakilala ng mga punong-abala ang mga inanyayahang manananghal upang ipamalas ang kanilang angking talento sa pagkanta, pagsayaw, at pagrampa. Sa pagkakataong ito, pinaningning ang kanilang nakupasang imahe upang subukang silawin at bigyang-linaw ang mga laganap na isyung panlipunan, partikular na ang panawagan upang mawakasan ang diskriminasyon at itaguyod ang pagkakapantay-pantay ng karapatang pantao.
Nakakukuryente ang pagpasok ng kauna-unahang panauhing drag queen na si Liberty at tunay ngang nakatutuwa ang kaniyang dumadagundong na mga yabag sabay ang masisiglang ekspresyon sa mukha. Kikilabutan ka sa kapangyarihang kaniyang tinataglay at kompiyansang hinding-hindi matitinag kahit sa sandali ng kariwaraan. Sumunod na nagpakitang-gilas ang mang-aawit na si Frank Saturday na mas lalong pinalamig ang kapaligiran tangan ang kaniyang madamdaming tinig at mahinahong presensiya.
Sinundan naman ito ng nakahahalinang alindog ni Abigaile, isa ring tinitingalaang drag queen, na nagmistulang bulaklak na namumukod-tangi habang napalilibutan ng malalago at luntiang damo. Sa pag-indayog ng kaniyang katawan, mistulang nagkakaisa ito sa mahalimuyak at sariwang simoy ng hangin. Kawangis ng mga namumulak na bulaklak, sabay-sabay ring babangon at makikibaka ang mga militanteng hanay ng kababaihang bahagi ng One Billion Rising upang makamit ang matagal nang ninanasang kasarinlan at katarungan.
Taliwas naman sa tono ng mga nakaraang pagtatanghal ang dulang inialay ni Mrs. Tan at Joan Velasquez. Ginambala nila ang mga manonood sa mabisa nilang paglalarawan sa pagdurusang kinahaharap ng mga kasapi ng LGBTQIA+ community at isinigaw ang hustisyang tutuldok sa mga karahasang may kaugnayan sa kasarian. Nabulabog naman sa pagkamangha ang buong kaharian nang masilayan si Lady Gagita sa kaniyang natatanging pagganap bilang si Taylor Swift—isang Amerikanong pandaigdigang mang-aawit at manunulat ng tugtuging pop. Kamangha-mangha rin ang kaniyang pagkakahawig sa nabanggit na mang-aawit dahil kuhang-kuha rin niya ang bawat pagkumpas at pagtindig nito.
Sa pagwawakas ng programa, pinaalalahanan ni Nadine Estampador, punong babaylan ng UPLB Babaylan, ang mga kalahok at manonood na marapat puksain ang sistemang piyudal upang hindi na mapabayaan at mapag-iwanan ang iba’t ibang minoryang sektor. Bagkus, marapat na palakasin pa ang kanilang mga boses upang tuluyan nang magising ang natutulog na diwang makabayan ng mga mamamayan at mabigyang-lunas ang isa sa mga nakadudustang sakit sa ating lipunan—ang kawalan ng katarungan sa pagkakapantay-pantay ng karapatan at oportunidad para sa lahat ng kasarian.
Kapit-bisig tungo sa pagkakapantay-pantay
Nakabibighani at namumukod-tangi ang bawat indak at pag-awit ng mga nagtanghal ng kani-kanilang mga talento, lalo na pagdating sa drag. Inihandog ng mga drag queen ang kanilang pinaghirapang obra; mga pagtatanghal na nakamit kapalit ng kanilang dugo at pawis upang aliwin ang mga manonood. Gayunpaman, sa likod ng mga magarbong kasuotan at marikit na palamuti sa mukha, kalakip ng drag ang labis-labis na pang-aapi, panunudyo, karahasan, at diskriminasyong dinadanas ng kanilang komunidad sa araw-araw na larga sa buhay.
Marahil kaugnay ito sa pagtingin at pagkilala sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa loob ng bansa—na hanggang ngayon, sari-saring dagok pa rin ang pinagdadaanan upang mapuksa ang kahariang labis na sinasampal ang paniniwalang ‘di pantay ang halaga ng mga heterosexual laban sa iba pang mga kasarian. Puno man ng pagdarahop dulot ng pagsasawalang-bahala sa kanilang karapatan at kalayaang magpakatotoo, ginamit nila ang drag upang bigyan ng pagkakataon na mas ipakilala ang kanilang tunay na pagkakakilanlan.
Hindi man ito karaniwan, nararapat pa ring pagkalooban ng respeto at pagpapahalaga ang mga drag queen at ang kanilang obra. Hindi ito isang biro; hindi ito ginawa upang pagtawanan at lait-laitin lamang. Kaakibat ng mga pagtatanghal ang kuwento at mensahe ng mga drag queen. Kaya upang mapukol na ang patriyarkal na lipunang humahadlang sa pagkamit ng pagkakaisa at mas maitaguyod ang laban tungo sa pagkakapantay-pantay ng lahat, hindi lang ng mga kasapi ng LGBTQIA+ community kundi pati na rin ng mga kababaihan—ating tangkilikin ang mundo ng drag.
Ipagpatuloy natin ang pagbabandera ng kulay bahagharing kalayaan!