IPAGPAPATULOY ng iba’t ibang opisina ng Pamantasan ang mga serbisyong nakapaloob sa DLSU Care Desk sakaling bumalik na sa face-to-face ang mga klase. Isang virtual hub ang Care Desk na naglalaman ng mga programang nakatutulong sa pamayanang Lasalyano habang nakararanas ng iba’t ibang suliraning dala ng pandemya.
Kaugnay nito, inalam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang mga plano ng iba’t ibang opisina sa mga handog nilang serbisyo sa Care Desk sakaling bumalik na sa face-to-face na klase ngayong taon.
Programang handog ng Care Desk
Sa naging panayam ng APP kay Dr. Estesa Legaspi, director ng Lasallian Center for Inclusion, Diversity, and Well-being (LCIDWell), idinetalye niya ang mga isinagawang hakbang ng Office of the Vice President for Lasallian Mission (OVPLM), katuwang ang Mental Health Care Unit ng LCIDWell, Health Services Office (HSO), Office of Counseling and Career Services (OCCS), Lasallian Pastoral Office (LSPO), at Office of Student Affairs (OSA) sa pagtatag ng DLSU Care Desk.
Paglalahad ni Legaspi, nagsagawa ng mga pagpupulong ang OVPLM kasama ang mga kinatawan ng bawat yunit upang alamin ang mga serbisyong higit na kinakailangan ng pamayanang Lasalyano sa kasagsagan ng pandemya.
Pagpapatuloy ni Legaspi, naging gampanin ng Communications Head ng OVPLM ang pagdisenyo sa website ng Care Desk na naglalaman ng mahahalagang impormasyon at link. Nagtalaga rin sila ng mga taong mangangasiwa sa mga maipapadalang tanong sa DLSU Care Desk Contact Us Page.
Bahagi naman ng mga serbisyong handog ng HSO ang Telemedicine. Nakapaloob dito ang mga contact number, email address, at oras ng trabaho ng DLSU Manila at Laguna Campus Clinic. Kasama rito ang Intellicare Agora App na mapakikinabangan sa pag-iskedyul ng check-up sa kaakibat nilang mga espesyalista.
Samantala, pinamamahalaan naman ng OCCS, Office of Guidance and Counseling (OGC-IS), at Mental Health Care Unit ng LCIDWell ang Mental Health Services sa Care Desk. Nakapaloob naman dito ang pag-iskedyul ng indibidwal at grupong counseling; pagtakda ng referral counseling; paglahok sa mga community well-being practice; at pag-akses sa OGC Warmline.
Naglalayong maghatid ng konsultasyon, pagpapayo, at iba pang suporta para sa kalusugang pangkaisipan ng mga Lasalyano ang OGC Warmline sa panahon ng krisis.
Pinamamahalaan naman ng LSPO ang pangangalagang ispirituwal. Ayon kay James Laxa, director ng LSPO, layon nilang matugunan ang mga ispiritwal na pangangailangan ng mga Lasalyano sa pamamagitan ng daily mass intentions, spiritual direction, at prayer wall.
Inihandog naman ng OSA at University Student Government ang Lasallian Student Welfare Program (LSWP) na naglalayong magbigay-suporta sa mga estudyanteng nakararanas ng hamon sa kanilang pag-aaral at para din sa mga estudyanteng biktima ng iba’t ibang sakuna.
Pagtugon sa mga suliranin at hamon
Sa kabila ng pagpapatupad sa Care Desk, nakaranas pa rin ng iba’t ibang suliranin ang mga opisinang namamalakad nito. Kabilang na rito ang paglikom ng sapat na pondo para sa pagpapatuloy ng LSWP. Ipinaliwanag ni Dr. Christine Ballada, dekano ng OSA, na nakadepende ang pondo ng LSWP sa mga donasyon mula sa mga student organization, mga opisina sa ilalim ng Lasallian Mission, at mga indibidwal na miyembro ng pamayanang Lasalyano.
Maliban dito, nabanggit din ni Ballada na naging hamon sa kanila ang pakikipag-ugnayan sa mga estudyanteng nangangailangan ng tulong ng LSWP dahil sa kakulangan ng manpower. Upang matugunan ang problemang ito, inilunsad ng kanilang opisina ang Student Care Initiative (SCI), isang student volunteer group na tumutulong sa pamumuno ng LSWP. Bilang resulta, napadali ang pakikipag-ugnayan nila sa mga estudyanteng nag-apply sa LSWP.
Tulad ng LSWP, naging suliranin din ng LCIDWell ang kakulangan sa manpower. “Because LCIDWell has also just started, we lack the human resources to answer the queries and do the coordination at times,” paliwanag ni Legaspi sa APP.
Naging hamon din sa kanilang opisina ang pagtanggap ng mga tanong ukol sa mga serbisyo ng mga opisinang hindi sakop ng Care Desk. Nakatatanggap sila ng mga mensahe para sa Office of the University Registrar, Office of Admissions and Scholarships, Information Technology Services, at iba pang departamento.
Naging pagsubok naman para sa LSPO ang paghahatid ng mga ispiritwal na pangangailangan sa ng mga Lasalyano. Nalalaman ng LSPO ang pangangailangan ng mga estudyante matapos marinig ang kanilang pagbabahagi ng mga nararanasang pagsubok sa pagtitipon sa kursong LASARE.
Ayon kay Laxa, “ang paglikha ng isang spiritual space sa tahanan ay isa sa mga hamon na nakikita namin na nais naming matulungan ang mga estudyante.” Sa kabila nito, patuloy pa ring pinag-iibayo ng LSPO ang iba pang mga serbisyo, tulad ng daily mass at faith formation.
Pagpapatuloy ng serbisyo
Ibinahagi ni Ballada na susuriin nila ang kanilang mga proseso bilang paghahanda sa inaasahang pagbabalik ng face-to-face na klase. Dagdag pa niya, humahanap din sila ng paraan upang maging mas matatag at tuloy-tuloy ang pondo ng kanilang tanggapan para mas makatulong sa mga estudyante.
Sinubukan din ng APP na makapanayam ang HSO at OCCS upang malaman ang kanilang mga plano sa pagpapatuloy ng kanilang opisina sa DLSU Care Desk, ngunit sa araw ng pagkakasulat ng artikulong ito, wala pang natatanggap na tugon ang Pahayagan mula sa kanila.
Naniniwala naman si Ballada na mas mapadadali ang pagbibigay ng tulong sa face-to-face na klase kompara sa online na set-up. Wika niya, “ang mga proseso ay maiiksian at mababawasan para sa mabilis na pagtulong para sa mga estudyante na nangangailangan.” Bukod pa rito, mapauunlad pa nila ang LSWP sa face-to-face na set-up dahil mapalalawak na nila ang mga hakbang para sa mga fundraising campaign at iba pang programa.
Samantala, maglalabas naman ng sarbey ang LSPO upang patuloy na tugunan ang mga ispiritwal na pangangailangan ng mga estudyante ngayong may krisis pangkalusugan. Hinihikayat ni Laxa ang mga estudyante na magtungo sa Lasallian Pastoral Office sa Saint Joseph Hall 101 o sa Center for Lasallian Formation sa Brother Andrew Gonzalez Hall sa ika-12 palapag sa darating na face-to-face na klase kung nais gamitin ang Spiritual Direction Service. Gayunpaman, mas inirerekomenda niyang magtakda na lamang ng appointment.
Tinitingnan naman ng opisinang pinangungunahan ni Legaspi kung madadagdagan pa sa hinaharap ang mga mekanismo sa pagpapakalat ng impormasyon sa mga Lasalyano, tulad ng mga call at chat service. “What we hope is that our DLSU Community will become more aware of the services available to them in their time of need,” pagbibigay-diin niya sa patuloy na paghahatid ng serbisyo sa pamayanang Lasalyano.