Muling pagbabalik: Pagkilala ng UAAP Board sa masidhing determinasyon at pagpupursigi ng bawat estudyanteng atleta

Likha ni Adrian Teves

NAG-ALAB ang damdamin ng mga tagahanga ng mga pangkolehiyong torneo sa bansa nang inanunsyo ni Emmanuel Calanog, presidente ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at direktor ng De La Salle University (DLSU) Office of Sports Development, ang muling pagbabalik ng mga laro sa naturang liga sa naganap na media briefing nitong Pebrero 25. Bagamat nahinto nang dalawang taon dulot ng pandemya, inaasahan ang mainit na pagtanggap ng mga estudyanteng atleta at manonood sa pagbubukas ng Season 84 ng UAAP sa darating na Marso 26.

Sa paparating na torneo, siyam na laro lamang ang mabibigyan ng pagkakataong makapaglaro sa naturang torneo. Bukod sa inaabangang Men’s 5×5 Basketball at Women’s Indoor Volleyball, kasama rin ang mga atleta at koponang sasabak sa larong Poomsae, Cheerdance, Chess (Men and Women), 3×3 Basketball (Men and Women), at Men’s Beach Volleyball sa UAAP Season 84.

Pagbubukas ng oportunidad

Inaasahan namang muling makapaglalaro ang mga estudyanteng atleta mula sa mga isport na hindi makalalahok sa Season 84, tulad ng swimming, table tennis, badminton, at judo sa darating na Season 85 ng UAAP. Kaakibat nito, inaasahang ilulunsad ang naturang torneo sa darating na Oktubre.

Kaugnay nito, sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), inilahad ni Calanog ang mga rason sa likod ng pagpili ng mga larong kabilang sa naturang torneo at ang kaniyang mensahe sa mga atletang Lasalyano. Ibinahagi rin ng UAAP President sa APP ang mga sistema at patakarang ipatutupad sa Season 84. 

Limitado ang mga pinayagang isport na makalalahok sa UAAP Season 84 dahil sa banta ng pandemya, sa kabila ng pagbaba ng mga bilang ng kaso ng mga mamamayang nagkakasakit dahil sa COVID-19. Bukod dito, limitado rin ang bilang ng mga dormitoryong maaaring tuluyan ng mga atletang Lasalyano sakaling mapapayagang makapag-ensayo sa loob ng bubble ang lahat ng mga koponan mula sa iba’t ibang isport. “Hindi natin maaaring ibalik lahat ng ating mga atleta nang sabay-sabay [sa mga dormitoryo ng DLSU para mag-training]. Kaya ang priyoridad muna natin ang Men’s Basketball at Women’s Volleyball, ‘yun muna,” giit ni Calanog.

Hindi man nabigyan ng pagkakataon ang ibang atleta na magpakitang-gilas sa entablado ng UAAP Season 84, priyoridad pa rin ng UAAP Board na matutukan ang kalagayan at kasanayan ng mga atletang Lasalyano. Kaakibat nito, hangad ni Calanog na mapayagang makabalik ang mga atleta sa pag-eensayo sa lalong madaling panahon. “Binibigyan natin ng hope ang ating mga atleta na makakabalik sila nitong ilang mga buwan na susunod, whether may torneo sila o wala dahil malapit-lapit na rin ang Season 85, kailangan na rin nilang mag-ensayo para makapagprepara para sa Season 85,” saad ni Calanog.

Masugid na pagpupursigi

Hindi maikakailang malaki ang naging dagok ng mga estudyanteng atleta sa pag-eensayo online bunsod ng pandemya. Gayunpaman, alam ng UAAP Board ang mga ibinuhos na sakripisyo ng bawat atleta at tagapagsanay mula sa iba’t ibang pamantasan na kalahok sa naturang pangkolehiyong torneo. “Natutuwa ako at proud ako sa kanilang pagpupursigi kahit na sa ganitong sitwasyon simula noong nag-lockdown tayo. Hindi sila tumigil na mag-ensayo at hirap na hirap sila dahil sanay silang nag-eensyao nang face-to-face. At tuloy-tuloy silang nag-eensayo maski sa Zoom,” ani Calanog.

Bilang direktor ng DLSU Office of Sports Development, lubos ding pinahahalagahan ni Calanog ang ipinakikitang determinasyon at katatagan ng mga atletang Lasalyano na mag-ensayo kahit patuloy ang online set up maging ang pagdagok ng pandemya. “Ako’y nagpapasalamat at nag-uumapaw ang pride sa ating mga atleta sa kanilang pagpupursigi, sa kanilang lakas ng loob na ipagpatuloy ang kanilang pagiging atleta even nasa ganitong sitwasyon [online set up],” pasasalamat ni Calanog.
Mula noong nagsimula ang pandemya hanggang sa kasalukuyan, dugo at pawis na ang iniaalay ng mga atletang Lasalyano sa kanilang mga isinasagawang ensayo para paghandaan ang UAAP. Bagamat marami ang pagsubok na dumating, nanaig pa rin ang masidhing determinasyon at pagpupursigi ng bawat estudyanteng atleta at koponang Lasalyano na mag-ensayo online. Sa darating na Marso 26, masisilayan na ng pamayanang Lasalyano ang katas ng sikap at tatag ng mga estudyanteng atleta na sasabak sa inaabangang mga laro sa UAAP Season 84.