Pagkalas sa solusyong sandatahan

Naging mainit na usapin kamakailan ang proposisyon ni Sara Duterte-Carpio, anak ng kasalukuyang Pangulo na si Rodrigo Duterte, para sa isang mandatory military service sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas para sa mga Pilipino na nasa legal na edad sakaling maluklok bilang susunod na pangalawang pangulo ng bansa. Naniniwala si Duterte-Carpio na paraan umano ito upang gisingin ang diwang makabansa ng sangkabataan.

Tunay ngang malaki ang gampanin nating kabataan upang mapabuti at mapagyabong ang ating bansa, ngunit kailangan pa ba nating manungkulan sa Sandatahang Lakas upang maibalik ang simbuyo ng patriyotismo at ang pagnanais na maglingkod sa bayan? Gayundin, nasaan ang kasiguraduhan ng sambayanan na titiwalag ang Sandatahang Lakas sa kultura ng karahasang nakapaloob rito?

Mistulang nakaririnding musika sa isang sirang plaka ang idinidikdik na kahalagahan ng military service sa kabataan. Nakasasawang pakinggan ang mga dahilang ito, lalo na’t nagiging dahilan lamang ito upang ipagpatuloy ang militarismong legasiya ng kasalukuyang administrasyon. Sa kapwa ko kabataan, ating isaisip na hindi lamang sa pagtangan ng baril at pagmartsa nasusukat ang ating pagiging makabayan. Sa pagsulat upang isiwalat ang katotohanan, sa paglikha upang maipakilala sa mundo ang galing ng Pilipino, at sa pagkilos laban sa inhustisya—ilan din ito sa maaari nating gawin upang maiangat ang bansa at maisabuhay ang nananalaytay na patriyotismo’t nasyonalismo sa ating mga dugo.

Ang katotohanan, marami pang ibang landas ang maaari nating tahakin upang mapaigting ang ating simbuyo sa paglilingkod sa bayan. Imbis na ipilit ang isang mandatory service, mainam din na ating balikan ang ating sistema ng edukasyon at ibaling nawa ng gobyerno ang kanilang atensyon sa iba’t ibang industriya sa bansa na nangangailangan ng suporta’t pondo. Ani nga ni Walden Bello, “. . . what the Philippines badly needs are more engineers, educators, scientists, medical personnel, artists, farmers, and workers to develop our country, not more soldiers. . .”

Atin ding katandaan na ilang beses nang naisiwalat ang mararahas na pangyayari sa ilalim ng mga programa ng militar, tulad ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) gayundin sa Philippine Military Academy (PMA). Nagresulta ito sa pagkasawi ng ilang kabataan, tulad ni Mark Welson Chua noong 2001 na nagresulta sa pagpapatigil ng mandatory ROTC sa kolehiyo, at ni Darwin Dormitorio noong 2019. Masakit isiping kinailangan pang makitil ang kanilang buhay upang maisiwalat ang mararahas na kultura sa ilalim ng militar. Hangga’t maraming kaso ng inhustisya at korapsyon sa mga mismong institusyong magpapatupad ng lehislasyong nais ihain ni Duterte-Carpio, hinding-hindi marapat na humarap ang kabataan sa ganitong sistema.

Ilang taong tiniis ng mga Pilipino ang kulturang hinubog ng makismo, patriyarka, at karahasan. Sa darating na eleksyon, nawa’y ating usisain ang mga kandidatong tumatakbo’t nanliligaw para sa ating mga boto. Ating piliin ang kandidatong pipiglas sa kulturang nabuo mula sa nakaraang anim na taon. Oras na para tayo’y kumalas sa solusyong marahas at nakaangkla sa sandatahan.