Pagwawakas ng biyahe: Patuloy na paglalakbay tungo sa papawirin

Likha ni Elisa Lim

Sinusubok ng kasalukuyang panahon ang paglalakbay ng mga estudyanteng patuloy na lumilipad patungo sa kanilang inaasam na tagumpay. Sa kabila ng pagharap sa malakas na puwersa ng hangin, magsisilbing gabay at lakas ang kanilang mga pakpak upang manaig sa alinmang takot at pagdududang maaaring maging dahilan ng kanilang pagbagsak. Binuo at hinubog sila ng iba’t ibang karanasan mula sa napiling larangan—dahilan upang makarating at malampasan ang bawat yugto ng kanilang paglalakbay. 

Sa nalalapit na pagwawakas ng kanilang biyahe, mahalagang balikan ang kanilang naging pang-araw-araw na buhay sa loob ng Pamantasan; maging ang mga taong naging bahagi sa pagbuo ng kanilang istorya patungkol sa pagyakap sa kani-kanilang mga pangarap. Madilim o maliwanag man ang kalangitan, ngunit sa pag-ikot ng orasan at paglipas ng bawat minuto, may panibagong karanasang kapupulutan ng aral, magaan o mabigat man ang naging tugon ng mga ito sa mga pasahero at sa kanilang nalalapit na paglisan. 

Paglubog at pagsikat ng araw

Pilit na iniinat ng bawat isa ang kanilang mga pakpak upang ipagaspas ito patungong papawirin. Hangarin ito ng lahat, maging matayog ang lipad upang maging abot-kamay ang kanilang sari-sariling ambisyon sa kabila ng mga dagok sa himpapawid. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Patricia Anne Cortez, 21 taong gulang, ibinahagi niya ang kaniyang lubos na pagtitiyaga sa pagharap sa mga pagsubok maabot lamang ang mga gantimpala sa dulo ng alapaap na nililiparan. Inilahad niya ang kaniyang mga karanasan bilang isang mag-aaral sa kolehiyo, pati ang mga damdaming dinulot ng pag-ikli ng panahon bago siya magtapos ng pag-aaral ngayong Oktubre 2022 sa Pamantasang De La Salle (DLSU).  

Halo-halong karanasan ang hinarap ni Cortez bilang isang estudyante sa ilalim ng kursong Bachelor of Arts in Political Science, minor in European Studies. Hindi siya nakaalpas sa sari-saring pagdarahop sapagkat bahagi ito ng pagiging mag-aaral sa kolehiyo. Sa lahat ng kaniyang karanasan, masasabing ang pandemya ang isa sa malulubhang balakid sa kaniyang paglalakbay. Tinapyasan siya nito ng motibasyong mag-aral at nagdulot din ito ng mental at pisikal na problema sa kaniyang kalusugan. Maliban dito, naging sagabal din ang transisyon mula sa face-to-face na moda ng pagkatuto patungong online. Tiyak na mas pinalala nito ang unti-unting paglaho ng kaniyang inspirasyon. Gayundin, tuluyan nitong pinatindi ang masalimuot na kalagayan ng kaniyang mental na kalusugan. 

Bagamat puno ng paghihirap, nanaig pa rin ang kaniyang pagpupursigi sa mga araw na puno ng unos at hamon. Ani Cortez, “sinikap kong bumangon mula sa mga ito dahil inisip ko ang aking mga long-term goals para sa sarili, sa pamilya, at sa komunidad.” Hindi niya pinabayaan ang kaniyang sarili at mas pinagtibay niya ang pagmamahal sa sariling kapakanan sa pamamagitan ng paglalaan ng oras para sa pagpapahinga. Sa kabila ng mga dagok, ‘di maitatangging naabutan din niya ang panahong maaliwas pa ang sinag ng araw; mapalad at lubos siyang nagpapasalamat na nadatnan niya ang face-to-face classes. Naging ugat ito ng kaniyang kasiyahan—mapunta man sa mga malalaking kaganapan hanggang sa mga pangkaraniwang pangyayari, tulad ng pakikihalubilo sa ibang tao at mga kaibigan. 

Katuwang sa paglipad

Sa ating paglalakbay, hindi hamak na inaalalayan tayo ng mga mahal natin sa buhay sa magkakaibang paraan. Ganito rin ang naging danas ni Cortez, dahil naging inspirasyon at katuwang niya ang kaniyang pamilya at mga kaibigan sa oras ng pangangailangan. Hindi man naging madali ang pag-abot sa mga pangarap, naibsan ito sa tulong ng mga mahal niya sa buhay. Bilang isang Political Science major, nagsilbing inspirasyon din para kay Cortez ang pagnanais na makapaglingkod sa bayan. Aniya, “isa rin sa aking mga pangunahing inspirasyon ay ang aking pangarap na makapagbigay-serbisyo sa pampublikong sektor, gaya ng government agencies. . .“ Hindi man madali para sa lahat ang kasalukuyang sitwasyon, magkakatulad pa rin ang pinanghahawakang pag-asa ng lahat—para sa pamilya at bayan. 

Kaniya namang pinapayuhan ang mga mag-aaral na magpahinga sa oras ng kapaguran. Sa panahong nais madaliin ang lahat, ipinaalala niyang hindi karera ang pagtuklas sa ating mga ninanais sa buhay. Giit niya, “marahil ay marami sa inyong hindi pa ganoon kasigurado sa daang nais ninyong tahakin, ngunit huwag kayong masyadong mangamba dahil mas magiging klaro ito [nang] paunti-unti sa bawat hakbang ng inyong buhay [sa] kolehiyo.” 

Tamis ng tagumpay

Nakasasabik ang pagtapak sa entablado upang makuha ang papel na siyang simbolo ng pagtatapos sa pag-aaral. Nakagagalak man maabot ang papawirin, kinakailangan munang humarap sa mga hamong maaaring dumurog sa sarili at lakas ng loob. Marahil kalakip sa paglalakbay ng isang mag-aaral sa kolehiyo ang pagharap sa sari-saring karanasang huhubog sa kanilang pagkakakilanlan. Sa ganitong paraan, unti-unting naaayos ang porma at hugis ng bawat estudyante bago sila mapahintulutang tumapak sa panibagong mundo. 

Sa kabila ng patong-patong na gampanin bilang estudyante, kinakailangang matutuhang magpahinga at matutong magdahan-dahan upang ‘di masindak sa bawat dagok. Hindi kailangang magmadali dahil sa tulong ng pamilya, mga kaibigan, at ng sarili, tunay na kayang marating ang destinasyong ninanais at pinapangarap. Kaya kahit hindi man maaliwalas ang daan tungo sa himpapawid, unti-unti pa ring masisilayan ang tamis ng tagumpay na siyang inaasam. Kapalit ng hirap at pagtitiyaga ang sandamakmak na biyaya. Maaabot mo rin ang iyong pangarap—mabagal man ang iyong pag-usad o kahit puno pa ng balakid ang daan.