MASUSING PINAGHAHANDAAN ng Pamantasang De La Salle ang papalapit na Pambansang Halalan sa ika-9 ng Mayo. Kaugnay nito, kasalukuyang nagtutulungan ang iba’t ibang opisina ng Pamantasan upang mapalawig ang kamalayan at kaalaman ng mga Lasalyano sa pagpili ng mga ibobotong kandidato.
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang iba’t ibang opisina ng Pamantasan upang malaman ang kanilang paghahanda at mga plano sa nalalapit na eleksyon. Kabilang dito sina Lara Jomalesa, Vice President for External Affairs ng DLSU University Student Government (USG), Dr. Jazmin Llana, tagapangulo ng DLSU Committee on National Issues and Concerns (CoNIC), at Angelo Herrera, koordinator ng Advocacy and Adult Formation mula Center for Social Concern and Action (COSCA).
Paghahanda ng iba’t ibang opisina
Nakikita ni Llana na mahalaga ang paghahanda ng mga tanggapan ng DLSU sa nalalapit na Halalan. Dinahilan niyang magsisilbi itong instrumento sa pagpapakalat ng kahalagahan ng eleksyon lalo na ngayong patuloy pa ring kinahaharap ng bansa ang iba’t ibang krisis, tulad ng COVID-19, pagyurak sa karapatang pantao, at paniniil sa mga institusyon at demokrasya.
Sa kabilang banda, inilahad naman ni Jomalesa na malaki ang magiging gampanin ng kaniyang opisina at ng buong USG sa pakikibahagi sa halalan. Aniya, “we are a catalyst, but not the solution. And as catalysts of hope and faith, we aim to continue the Lasallian mission of engaging the student body and the community in as many voter dialogues and initiatives as possible.”
Inilatag din niya ang ilan sa mga proyektong pinamumunuan ng OVPEA para sa darating na eleksyon. Nangunguna na rito ang pagpapabuti sa Boto Lasalyano, Sulong Pilipino (BLSP), ang opisyal na non-partisan, inklusibo, at multi-sektoral na kampanya ng mga Lasalyano para sa inaabangang halalan.
Layunin ng pinabuting BLSP na magkaroon ng mas malaking platapormang pangmag-aaral upang makabuo ng epektibong diyalogo at mapabatid ang voter awareness para sa mga Lasalyano. “As an organization, we hope to serve as a platform to organize Lasallians to deliver objective, issue-oriented, and values-based voter education,” paliwanag ni Jomalesa.
Sinisigurado rin ni Herrera na walang ineendoso na anomang partido at sinomang kandidato ang BLSP. Paglilinaw niya, “ang tanging [ineendoso] o sinusulong ng BLSP ay ang ating mga pinangangalagaang prinsipyo. . . bilang [mga] Lasalyano.”
Bahagi rin ng kampanya ng BLSP ang paglulunsad ng ‘Pili Mo, Pili Ko, Pilipino!’ online voter conversation series. Binubuo ito ng sampung episodes na ipinalalabas tuwing Biyernes, mula Enero hanggang Mayo sa opisyal na Facebook ng BLSP sa pamamagitan ng Live feature nito. Sa pangunguna ni Xiao Chua, guro sa departamento ng Kasaysayan at kilalang public historian, tinatalakay rito ang mga isyung panlipunan na dapat isaalang-alang ng mga Pilipino sa pagboto, tulad ng ekonomiya, edukasyon, kasarinlan, katiwalian, at iba pa.
Maliban sa BLSP, inilatag din ng OVPEA ang iba pang inisiyatiba na binubuo nila sa kasalukuyan. Isa na rito ang Lasallian Youth Voter Agenda na tutulong sa pamayanang Lasalyano na suriin ang mga plataporma ng mga kandidato ayon sa pangangailangan at kagustuhan ng bansa.
Ilulunsad din ng USG ang Lasalyano Para sa 2022 na nakapokus sa pagbuo ng nagkakaisang diyalogo mula sa iba’t ibang sektor ng Pamantasan at pagsasagawa ng fundraising activities sa mga katuwang na komunidad. Kasalukuyan ding bumubuo ang opisina ni Jomalesa ng Pipoll Power App, isang website na naglalaman ng mga impormasyon tungkol sa mga kandidato. Naging katuwang nila sa pagbuo nito ang College of Computer Studies (CCS) at Office of the Vice President for Lasallian Mission.
Nagsagawa rin ng mga pagpupulong ang CoNIC mula pa noong Oktubre 2021. Tinalakay rito ang mga gagawing hakbang upang makatulong sa pagsusuri sa mga karapat-dapat na iboto bilang mga bagong pinuno ng Pilipinas.
Bukod dito, mayroon ding dinisenyong ‘Pili na Pinas’ voter engagement application ang tanggapan ng CoNIC. Isa itong proyekto sa graduate school ng Pamantasan na naglalayong maiparating sa mga botante ang mahahalagang impormasyon at plataporma ng mga tumatakbong kandidato.
Pinaghahandaan din ng CoNIC ang isang Presidential Dialogue katuwang ang USG, COSCA, Office for Strategic Communications, La Salle Institute of Governance, at Lasallian Justice and Peace Commission. Nakikipag-ugnayan din ang mga tanggapan sa GMA News at iba pang media network para sa isasagawang diyalogo. Inaasahang gaganapin ito sa Teresa Yuchengco Auditorium ng DLSU sa buwan ng Marso.
Dagdag pa ni Llana, magsasagawa rin ang tanggapan ng CoNIC ng election monitoring sa mismong araw ng halalan ngunit pinaghahandaan pa ang magiging daloy ng programa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa CCS. Inilahad din niyang patuloy ang kanilang pag-iikot sa mga pulong ng mga kolehiyo upang makipagtalakayan ukol sa discernment statement ng Lasallian brothers at kung paano sila makatutulong sa voter education campaign.
Ayon kay Jomalesa, nakabuo na rin ng draft statement ang OVPEA para sa Lasallian Youth Voter Agenda na nakabatay sa isinagawang sarbey ng CoNIC ukol sa paparating na eleksyon. Kasalukuyan ding naghahanap ng sponsors na tutulong sa transportasyon ng mga botante na galing partner communities ng Pamantasan ang kaniyang opisina para sa Lasalyano Para sa 2022.
Pagbabago para sa bayan
Ipinaalala ni Llana na sa kabila ng mga proyekto ng kanilang mga tanggapan para sa paparating na halalan, responsibilidad pa rin ng mga Lasalyano na gampanan ang kanilang mga tungkulin bilang mga botante. “Ngayon [ay] may kakayahan [na kayong] umaksyon nang tama para sa [inyong] kinabukasan at maging mahusay na bahagi ng iyong komunidad. Gawin [ninyo itong] kapaki-pakinabang,” paghihimok ni Llana.
Umaasa naman si Jomalesa na maging matagumpay at epektibo ang mga inisiyatibang inilatag nila para sa paparating na halalan. Higit sa pagpapatibay ng voter education, nais ng OVPEA at mga sektor ng mga estudyante na magkaroon ng malalim na diyalogo at mga resultang nakaangkla sa mahusay na aksyong tutugon sa pangangailangan ng lipunan.
Pagbabahagi ni Jomalesa, “three words: participate beyond voting. Political participation should not just be about voting. . . Every stage is an opportunity to engage with the government and society.”
Hinikayat din ni Herrera ang mga Lasalyano na patuloy na makilahok sa mga gawain at proyektong inilulunsad ng iba’t ibang mga opisina ng Pamantasan para sa Halalan 2022. Pagpapaalala pa niya, “mahalaga din na alagaan natin ang ating kalusugan upang masiguradong magiging buo ang ating loob na pumunta sa kaniya-kaniyang mga presinto ng COMELEC sa darating na halalan at maipahayag ang pagpapatibay ng ating pakikibahagi sa ating demokrasya.”