HINIMOK ng mga mag-aaral at mga kinatawan mula sa iba’t ibang organisasyon ang gobyerno na magkaroon ng konkreto at komprehensibong plano sa pagpapatupad ng ligtas na balik eskwela, sa talakayang pinangunahan ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), Marso 12.
Sa pag-apruba ng Inter-Agency Task Force sa full capacity face-to-face classes sa lahat ng mga kolehiyo at unibersidad na nasa Alert Level 1 nitong Marso 11, kinuwestiyon ng mga dumalo sa talakayan ang kawalan ng konkretong plano ng gobyerno para sa isang ligtas na pagbabalik sa paaralan ng mga estudyante. Bukod dito, malaking balakid rin sa naturang pagbabalik ang kakulangan ng pondo sa sektor ng edukasyon ngayong taon lalo na’t umaabot lamang ito sa Php788.52 bilyon.
Nabigyan din ng pagkakataon ang mga mag-aaral sa talakayan na ilahad ang kanilang hinaing sa dalawang taong pagkakakulong sa hamon ng online classes. Iginiit nila ang kahalagahan ng paglalatag ng komprehensibong plano ukol sa kanilang kagyat na pangangailangang manumbalik sa paaralan.
“The IATF, CHED, DepEd, and Duterte should do more than just act as regulatory approval centers for all schools that applied for physical learning education; they should act to increase the education budget and attend to each school’s needs for a safe return of physical classes,” panawagan ng NUSP.
Balakid sa ligtas na balik eskwela
Ibinahagi ng mga mag-aaral na labis silang nabahala sa dagliang desisyon ng gobyerno sa muling pagbabalik ng face-to-face classes. Pinangangambahan nilang hindi magiging inklusibo ang naturang desisyon ng gobyerno dahil nangangailangan ito ng mandatoryong pagbabakuna sa mga mag-aaral na nagnanais na muling pisikal na makapasok sa paaralan.
Iginiit ni Kabataan Partylist National President at First Nominee Raoul Manuel na parusa ang ganitong klaseng polisiya sa mga estudyanteng hindi pa bakunado. Aniya, batay sa datos na nakalap ng CHED, 54% pa lamang sa populasyon ng mga mag-aaral ang bakunado at posibleng maiwan ang natitirang 46% ng mga mag-aaral na hindi pa nakatatanggap ng bakuna kontra COVID-19. Kasabay nito, pinatutsadahan niya ang administrasyong Duterte bilang “anti-student” at kinondena ang kapabayaan ng administrasyon sa patuloy nitong pagsasawalang-kibo sa kalidad ng edukasyon na natatanggap ng mga mag-aaral sa gitna ng pandaigdigang krisis pangkalusugan.
Bagamat kinakailangan ang bakuna para sa kaligtasan ng lahat, nananawagan si Manuel sa mas mabilis na pamamahagi ng bakuna upang masigurong walang estudyante ang maiiwan kapag tuluyan nang buksan ang mga paaralan. Nanindigan siyang karapatan ng bawat isa ang magkaroon ng dekalidad na edukasyon at nararapat itong mapangalagaan upang matamo ang inaasam na karunungan.
Sumang-ayon naman si Jed Cueto, dating National Chairperson ng Philippine Medical Students’ Association, na gawing priyoridad ang pagpapabakuna sa mga mag-aaral at kabataan upang mas mapaigting ang proyekto ukol sa ligtas na balik eskwela. Naniniwala siyang nararapat ilunsad ng gobyerno ang mas epektibo at inklusibong mga serbisyong pangkalusugan, tulad ng libreng COVID-19 diagnostic testing.
“Dapat hindi tinatanggal ng administration natin, ng mga schools, or ng mga institutions, ang kanilang mga responsibilidad sa mga estudyante na kung tayo ay magkaroon ng sakit, tulad ng COVID-19, ay sasaluhin tayo, hindi ng PhilHealth, hindi ng kung ano mang health insurance na kanilang pinaparequire,” suhestyon ni Cueto.
Hamon sa gobyerno
Hinihimok din ng mga tagapagsalita ang gobyerno na mas paigtingin ang kanilang mga plano at proyekto sa sektor ng edukasyon. Bago pa man din isara ang mga paaralan dulot pandemya, kaliwa’t kanang suliranin na ang dinadaing ng naturang sektor at hindi pa rin ito natutugunan hanggang sa kasalukuyan. Bunsod nito, pinangangambahan na lalong malulugmok ang sektor ng edukasyon sa mga umiiral na problemang kaakibat ng krisis pangkalusugan.
Ipinaliwanag ni Georjette Calica, Secretary General ng Rise for Education High School, na hamon sa kanilang karunungan ang matagal nang umiiral na suliranin sa kakulangan ng sapat na pasilidad sa mga paaralan. Dahil dito, inaasahang magsisiksikan ang mga mag-aaral sa masisikip na silid na magiging sanhi ng mas mabilis na pagkalat ng sakit.
“. . . Dahil dito, mahirap igarantiya ang kaligtasan ng mga lalahok sa simulaning ito at nakokompromiso rin ang kanilang kalusugan gayong hindi naman dapat ito pinagtutunggali sa karapatan ng mga kabataang matuto sa paraan na angkop sa kanilang kalagayan,” paliwanag ni Calica.
Nanawagan si Calica na sa nalalapit na face-to-face classes, nararapat na maglaan ang gobyerno ng mga polisiyang nakasentro sa pangangailangan ng mga mag-aaral. Binigyang-diin niya na mas makabuluhan ang pagbibigay ng dagdag atensyon sa pagtugon sa mga kakulangan sa paaralan kompara sa ibang sektor. Sa pamamagitan ng paglalaan ng karagdagang pondo sa kanilang sektor, matitiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, gayundin ang kalidad ng edukasyong kanilang matatanggap. Kalakip ng karagdagang badyet, iminungkahi rin niya ang pagkakaroon ng tulong-pinansiyal para matustusan ang mga pangangailangan ng mga apektadong mag-aaral bunsod ng krisis sa ekonomiyang dulot ng COVID-19.
Pagsulong ng polisiya
Malaking pahirap sa sambayanang Pilipino ang kawalan ng komprehensibong plano ng gobyerno sa pagbubukas muli ng mga paaralan. Umani ang kanilang kapabayaan ng kabi-kabilang hinaing mula sa iba’t ibang pangkat ng kabataan. Gayunpaman, sa kabila ng pagmamatigas ng gobyerno, mayroong mga nagmalasakit na simulan ang pagmumungkahi ng mga reporma at panukalang batas para ibangon muli ang sektor ng edukasyon. Bilang kaagapay ng mga kabataang Pilipino, pinangunahan ng Kabataan Partylist ang pagsumite sa Kongreso ng House Bill 10398 o ang Safe School Reopening Bill na naglalayong pangalagaan ang kalidad ng edukasyong matatamasa ng bawat mag-aaral sa gradwal na pagbubukas ng mga paaralan.
Paliwanag ni Jandeil Roperos, pangulo ng NUSP, sa ilalim ng naturang panukala, maglalaan ang gobyerno ng Php184.49 bilyong pondo para sa muling pagbubukas ng mga paaralan, tulong-pinansiyal sa mga mag-aaral at guro, mass testing, pagpapabuti sa serbisyong pangkalusugan, at libreng gamot para sa mga magkakasakit dahil sa COVID-19.
Hindi maikukubling lalong mas nasadlak ang bansa dahil sa kapabayaan ng gobyerno ngayong pandemya at kasunod pa nito ang lalong pagkapilay sa puwersa ng edukasyon. Dalawang taon nang nangangalampag ang mga mag-aaral para sa alituntuning nagbibigay-halaga sa kanilang edukasyon at kalusugan. Nauna pang buksan ang mga pasyalan, sinehan, at casino kaysa sa mga paaralan at unibersidad. Sumasalamin ito na walang malasakit ang gobyerno sa hinaing at paghihikahos ng sektor ng edukasyon.
Sinisimbolo ng kawalan ng komprehensibong polisiya ang pagsasawalang-bahala ng rehimeng Duterte sa rekurso ng masa. Marapat na hindi ipataw sa balikat ng mga eskwelahan at lokal na pamahalaan ang bigat ng responsibilidad ng pagtiyak sa ligtas na balik eskwela. Sa huli, magpapatuloy ang kolektibong pangangalampag hangga’t hindi kumikilos ang nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagang administrasyon.
“Matagal nang baon ang bansa dahil sa pandemya, hindi na kakayanin pa ng mga Pilipino, ng mga estudyante, at ng lahat ng mamamayan sa sambayanang Pilipinas ang isang taong kahirapan at isang taon pang paghihirap. . . Ligtas na balik eskwela po ang ating panawagan, hindi lamang balik eskwela,” giit ni Izel Fernandez, chairperson ng Student Media Council ng De La Salle University.