MAS NAITAGUYOD ang karapatan, kakayahan, at kahalagahan ng mga kabataan sa nalalapit na Pambansang Halalan sa The Rundown 2022 na umikot sa temang “Youth at the Forefront of Change: Transforming Conversations into Collective Action,” Marso 12.
Nahati ang programa sa apat na bahagi: pambungad na pahayag, pagtugon: panel discussion, yes or no, at pagtindig.
Una nang kinumpirma ng 20 kandidato para sa pagkasenador ang kanilang pagdalo sa The Rundown 2022. Gayunpaman, 19 lamang ang nakadalo matapos bawiin ni Antique Representative Loren Legarda ang kaniyang paglahok sa pagtitipon.
Sa unang pagkakataon, ginanap ang The Rundown sa pamamagitan ng Facebook livestream na napanood din sa YouTube. Maaalalang simula noong 2013, naglaan na ang The Rundown ng pagkakataon sa mga kabataan na kilatisin ang mga kandidato. Ngayong taon, patuloy pa rin nitong magiging sentro ang kabataan upang makipag-ugnayan sa mga kandidato habang ibinabahagi ang kanilang plano para sa kalagayan at suliraning hinaharap ng sektor ng kabataan.
Pinagtibay ng mga kandidato ang kanilang paninindigan sa mga pangunahing isyung nararanasan ng mamamayang Pilipino. Dagdag pa nito, sinagot din nila ang mga katanungan mula sa mga panelist na sina Antonio La Viña, dating dekano ng Ateneo School of Government, Cielo Magno ng University of the Philippines School of Economics, at Louie Benedict Ignacio ng UST Department of Political Science.
Pag-aninaw sa paparating na pamamahala Sa unang bahagi ng talakayan, ipinahayag ng mga kandidato ang kanilang mga layunin at priyoridad na batas na nais ipatupad kapag maihahalal sa Senado. Kabilang sa mga nabanggit ang pagprotekta sa karapatang pantao, partisipasyon ng mamamayan, kababaihan, manggagawa, kabataan, reporma sa edukasyon, pangangalaga sa kalikasan, at pagbangon ng mamamayang Pilipino mula sa sagwil na dulot ng pandemya.
Ibinahagi nina Elmer Labog, Sonny Matula, at Luke Espiritu, ang agarang pagtugon at pagprotekta sa karapatan ng mga manggagawang Pilipino, lalo na ngayong maraming nawalan at nawawalan ng trabaho. Nais ni Labog na itaas ang minimum wage sa Php750 at gawing pambansang pamantayan. Nanawagan din sina Labog at Matula sa pagbabasura sa kontraktwalisasyon at ENDO, habang pagbuwag naman sa manpower agencies ang priyoridad ni Espiritu. Paliwanag ni Espiritu, nananatili lamang ang mga middlemen upang alisin ang employer-employee relationship at pumoporsyento lamang sila sa sahod ng mga manggagawa sa kabila ng kawalan ng ambag sa produksyon.
Nilinaw nina Roy Cabonegro at David D’Angelo ang pangangailangan ng bansa sa mga batas na lulutasin ang suliraning pangkapaligiran. Kabilang sa mga ito ang plano ni Cabonegro sa 100% paggamit ng non-nuclear renewable energy sa taong 2040, pangangalaga sa 30% coastal areas, at reforestation ng mga isla. Nanindigan si D’Angelo sa pagbibigay-priyoridad sa sektor ng enerhiya, maging sa green affordable energy.
Tinalakay naman ni Neri Colmenares ang kahalagahan ng abot-kaya at libreng konsultasyon at check ups sa mga ospital. Giit niya, hindi ito imposible sa kaniya dahil sa kabila ng batikos na natanggap ng kaniyang akdang batas na text alerts, naipaglaban at naipatupad niya ito. Para naman kay Chel Diokno, naghahangad siyang gawing mas madali ang pagkakaroon ng legal assistance ng mga mamamayan sa bawat komunidad, tulad ng kaniyang inihahandog na serbisyo sa mga tao sa social media platforms.
Timbangan ng pagtindig Sinubok naman sa ikatlong bahagi ng programa ang posisyon ng mga dumalong kandidato sa maiinit na isyu sa bansa, tulad ng aborsyon, parusang kamatayan, pederalismo, mandatoryong military service, pagpapababa ng corporate income tax, Anti-Terror Law, giyera kontra droga, legalisasyon ng habal-habal, K-12 program, COVID-19, at iba pa.
Bagamat marami sa kanila ang naniniwalang kinakailangang ipasa ang Anti-Balimbing Bill at parusahan ang mga politikong palipat-lipat ng partido, pinili ni Carmen Zubiaga na hindi sagutin ang katanungan. Samantala, nanindigan naman sina Win Gatchalian at Astra Pimentel na pabor silang ibalik ang parusang kamatayan.
Nahati naman ang posisyon ng mga kandidato pagdating sa usapin ng pagbibigay ng pahintulot na makatakbo ang mga politikong may kinahaharap na kaso. Naniniwala sina Espiritu, Pimentel, Agnes Bailen, Gatchalian, Antonio Trillanes IV, D’Angelo, Richard Gordon, Lacson, Zubiaga, Diokno, at Matula na may karapatan pa ring tumakbo ang kandidatong may kaso, habang pinili naman nina Albani Catriciones, Risa Hontiveros, Colmenares, Labog, Carl Balita, Cabonegro, at Samira Gutoc na baguhin ang polisiya at pigilan ang mga may kinahaharap na kaso na makatakbo sa anomang posisyon sa gobyerno.
Hindi man madalas na nagtutugma ang kanilang pagtindig sa mga isyu, tila nagkakasundo ang lahat sa usapin ng pagbabawal sa ENDO, pagsasapubliko ng SALN, at pagpapalit ng boundary system ng mga PUV sa service contract.
Bukod dito, sinuri din ang plataporma at kakayahan ng mga kandidato na tugunan ang malalaking hamon na kinahaharap ng bansa sa pamamagitan ng mga katanungan mula sa social media at mga nanonood ng programa. Hindi nakaligtas si Gatchalian sa usapin ng seguridad at pangamba ng cyber attack sa oras na maisabatas ang kontrobersyal na SIM Registration Act.
Bilang isa sa mga pangunahing nagsusulong ng panukala, ibinida ni Gatchalian ang SIM Registration Act na isa sa pinaka-istriktong batas na maipatutupad sa buong mundo sapagkat mayroong independent commission na nakaatas para sa data ng mga Pilipino. Naniniwala siyang layunin ng batas na ito na isulong ang kapayapaan at kaligtasan ng lahat lalo na’t marami ng pagkakataon na naranasan ng bansa ang bullying, pambobomba, harassment, at iba pa gamit ang hindi rehistradong sim card.
Hinarap naman ni Labog ang argumento ng marami hinggil sa posibilidad ng mas mataas na bilang ng unemployment sa oras na mas itaas ang minimum na sahod ng mga manggagawa. “In the first place, gasgas ng argumento ‘yan just to keep the wages of workers repressed. Nangangailangan din ang mga manggagawa ng pagtataas ng sahod, lalo na sa walang patlang na pagtataas ng presyo ng bilihin at serbisyo,” giit niya.
Dahil alam niyang maraming hindi sasang-ayon na micro, small, at medium enterprises, kinakailangan aniyang maglaan ng pondo na makapagbibigay ng loan sa mga negosyong may kakayahang magbayad at sa mga negosyong malapit nang malugi.
Samantala, isiniwalat naman ni Labog ang katotohanan hinggil sa pagkamit ng 100% na paggamit ng renewable energy at organic farming sa 2030 at 2040. Iginiit niyang hindi lamang ito maaaring mangyari sa kasalukuyan dahil patuloy pa ring umiinog ang sistema sa konteksto ng privatization. Naniniwala siyang maisakatuparan ang kaniyang mga plataporma kapag magkakaroon ng malakas na kontrol ang estado sa mga ganitong uri ng polisiya.
Muling pinatunayan ng The Rundown 2022 na may kakayahan ang kabataang pandayin ang magandang kinabukasan sa pamamagitan ng pagsisimula ng adhikaing nagmumulat na maging kritikal ang bawat isa sa pagpili ng susunod na mga mamumuno sa bansa. Mas pinalalim nito ang realidad na nakataya ang kinabukasan ng iba’t ibang sektor ng lipunan at maaari itong mapabayaan sa pagkakataong mailuklok ang mga lider na maninikluhod lamang sa kanilang pansariling interes.