Tapatan ng mga kampeon: Reyna ng PSL F2 Logistics, pinataob ang PVL defending champion Chery Tiggo Crossovers

NANAIG ang koponan ng F2 Logistics Cargo Movers matapos payukuin ang Chery Tiggo Crossovers sa loob ng straight sets, 25-16, 25-23, 25-22, sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Marso 18, sa Paco Arena, Maynila. 

Nagsilbing pamatay ang alyansa ng dating DLSU Lady Spikers Aby Maraño at Kianna Dy na parehong nakapagtala ng 11 puntos. Hindi rin nagpahuli ang isa pang dating Lady Spiker na si Tin Tiamzon na nakapag-ambag ng 10 puntos sa naturang laro.    

Sa unang yugto ng bakbakan, naging madikit ang talaan ng Cargo Movers at Crossovers bunsod ng kanilang solidong floor defense, 6-5. Nagpatuloy naman ang makapanindig-balahibong aksyon ng dalawang koponan matapos nilang magpalitan ng puntos, 12-all. Buhat nito, nag-apoy ang mga kamay ni Tiamzon nang magpakawala ng tatlong magkakasunod na eksplosibong spike mula sa kaniyang mga crosscourt hit, 19-13. 

Hindi na nagpatinag ang koponan ng F2 Logistics nang patahimikin nila ang pag-usad ng iskor ng kalaban, 23-14. Sa kabilang banda, sinubukan naman ni dating Lady Bulldog playmaker Jasmine Nabor na panipisin ang lamang ng Cargo Movers sa pamamagitan ng magkasunod na block at service ace, 23-16. Gayunpaman, madaling napasakamay ng Cargo Movers ang unang set buhat ng attack error ni Dindin Santiago-Manabat, 25-16. 

Ipinagpatuloy ng F2 Logistics ang pagdodomina nila patungo sa ikalawang yugto ng sagupaan nang magsimula sa 7-2 ang talaan nito kontra sa katunggali, matapos samantalahin ang butas sa depensa ng Chery Tiggo. Kapwa namang nagtala ng tatlong puntos ang dating Lady Falcons Mylene Paat at Joy Dacoron na nanguna sa 6-1 run ng Crossovers upang maitabla ang laban, 8-all. Samantala, pinangunahan naman ni Cargo Movers Team Captain Maraño ang kaniyang koponan na nagtala ng kapwa dalawang drop at running spike, 14-10. 

Naitabla muli ng Crossovers ang naturang laban, 15-all, ngunit naiangat ni three-time UAAP Champion Majoy Baron ang F2 Logistics matapos makapagtala ng tatlong sunod na puntos, 19-16. Malisik na nakaabang ang Cargo Movers sa mga padalang cross court spike ng kabilang koponan upang masustentuhan ang kakulangan sa tangkad kompara sa Chery Tiggo. Sunod nito, kapwa nagtala ng kabi-kabilang error ang dalawang koponan sa pagtatapos ng ikalawang yugto, ngunit minarkahan ni Baron ang laban sa pamamagitan ng matulis na spike, 25-23.

Nanatili naman ang momentum ng Cargo Movers sa pagpasok ng ikatlong yugto ng laban, dahilan upang manlamig ang mga kamay ng Crossovers na nagpakawala ng magkasunod na service at attacking error, 5-2. Buhat nito, lumobo na ang kalamangan ng mga nakadilaw nang padaplisin ng bagong bunot mula sa bench na si Shola Alvarez ang bola sa kamay ng mga blocker, 15-11. 

Pilit na kumakapit ang koponan ng Crossovers matapos magpakawala ng humahagupit na spike ang Thailand V-League best scorer Mylene Paat na sinundan ng rumaragasang running attack at block ni Maika Ortiz, 19-18. Sa kabila nito, tinuldukan ng koponang Cargo Movers ang bakbakan matapos paganahin ng batikang setter Kim Fajardo ang kaniyang middle blockers na sina Baron at Maraño, 25-22. 

Nananatiling mainit ang panimulang kampanya ng F2 Logistics Cargo Movers sa unang linggo ng PVL Open Conference dala ang panalo-talo kartadang 2-0. Sasabak muli sa entablado ng liga ang Cargo Movers laban sa Cignal HD Spikers sa darating na Linggo, Marso 20, sa ganap na ika-3 nang hapon. Samantala, susubukan namang maabot ng Chery Tiggo Crossovers ang kanilang unang panalo kontra Choco Mucho Flying Titans sa parehong petsa, sa ganap na ika-6 nang gabi.