“Your job as a coach is not to perform well yourself; it’s to let the players perform well.”
MISTULANG KAPA SA DILIM ang ginagampanang tungkulin ng mga natatanging tagapagsanay ng De La Salle University Viridis Arcus (VA) sapagkat kasabay nito ang tila roleta ng kapalaran ng laro sa bawat tipa ng taktika na nakasalalay sa kanila. Malinaw na tanging hangarin ng mga tagapagsanay ang mapag-isa ang mga piyesa ng mga manlalaro upang mapino ang estratehiya na magdidikta ng lalandasin ng hinahawakang koponan.
Sa patuloy na paglawig at pagyabong ng industriya ng Esports, hindi matatawaran ang patagong ambag ng mga Esports coach sa pagbuo ng branding ng koponan at sa pagtono ng mekanikal na abilidad ng mga manlalaro. Hangad nina Alexis Dave Co at Lorenzo Cochanco, mga tagapagsanay ng VA sa larong League of Legends: Wild Rift at Mobile Legends: Bang Bang (MLBB), na mabago ang persepsyon at prinsipyo ng mga hawak nilang manlalaro sa larong kinakampanya sa larangan ng Esports.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kina Co at Cochanco, ipinaliwanag nila ang mga natatanging sangkap bilang tagapagsanay ng mga estudyanteng manlalaro sa Esports. Kaakibat nito, ibinahagi ng mga tagapagsanay ng VA ang mga paraan ng pagsemento nila ng samahan ng kanilang mga hinahawakang manlalaro upang sabay na magpunyagi sa karerang tinatahak.
Pagharap sa mga pangamba
Sa pagsisimula ng kanilang karera sa Esports, hindi maiiwasan sa isang tagapagsanay na mangamba sa kinabukasan ng kanilang pinamumunuang koponan, lalo na sa kahihinatnan ng samahan ng mga manlalaro. “I think it’s much easier to gain the trust of people when they can see you face-to-face but due to the challenges of the pandemic scheduling has been one of the problems and challenges that we’ve had to find workarounds with, whether than be setting specific dates to block for game times, or knowing each other’s schedules, especially those who have internet connectivity issues at certain times of the day,” wika ni Co sa APP.
Para naman kay Cochanco, ang pagbibigay ng mga role sa kaniyang mga manlalaro ang isa sa mga balakid na kaniyang hinarap bilang tagapagsanay ng VA sa MLBB. Bunsod nito, sinisikap unawain ng VA coach ang estilo ng paglalaro ng mga manlalaro at ang mga karakter na nais nilang laruin. “Part of being a coach is understanding how the players think and being able to adjust their play not only to be more accurate but also to fit the team dynamic better. It’s the most fulfilling part of being a coach if it goes well, but also the hardest,” pahayag ni Cochanco.
Isa rin sa mga kinahaharap na pagsubok ni Cochanco bilang tagapagsanay ng VA ang pagtukoy sa mga napapanahong meta sa kasalukuyang estado ng MLBB. Aniya, hindi naging madali para sa kaniya ang pagyakap sa mga napapanahong meta sa MLBB buhat ng mga buwanang pagbabago sa laro. Gamit ang natatanging tiyaga at pag-unawa sa bagong patches, unti-unting nakamit ni Conchanco ang pagmulat sa mabilis na galaw ng aksyon sa larangan.
Pagtimpla sa mga tauhan
Tunay na behikulo ng tagumpay ang pinagsamang tatal ng komunikasyon sa loob at labas ng palakasan upang mapanday ang kalakasan ng grupo. Kasabay rin sa pagpihit ng mga tauhan ang sanib-puwersang utak na magsisilbing bulwagan ng ideya upang makonekta ang mga galaw sa mapa at mabasa ang mga nakahambalang na opensa ng kalaban.
Dumaan man ang koponan sa init at ragasa ng bakbakan, pinahahalagahan naman ni Co ang magaan na daloy ng samahan at komunikasyon ng kanilang mga manlalaro upang maiwasan ang bangayan. “At the end of the day we’re all here to enjoy and play the game and I fully understand that in a competitive environment compatibility can be an issue but knowing how to communicate with your teammates will always be my top priority,” sambit ng Wild Rift coach.
Pinaniniwalaan din ni Co na hindi matutumbasan ng kaniya-kaniyang kahusayan ang pagkakataong mapag-isa ang tibok at tiyempo ng bawat manlalaro upang masupil ang bawat puwang na kumikitil sa alab ng koponan. “[Aside from training, we are] having other activities such as team building, watching movies together, and chatting about [their] interests that helps me find middle grounds for my team to build better foundations upon,” pagbabahagi ni Co.
Balangkas ng hinaharap
Bilang isang pahinante ng koponan, malaking espasyo ang pinupunan ng mga tagapagsanay upang maipasok ang bawat miyembro sa pinakamainam nilang pormang pisikal, mental, at teknikal. Buhat ng mabilis na transisyon sa mundo ng Esports, mahalaga ang mga pangmatagalang plano at pamamahala upang mapanatili ang naitatag na misyon sa larangan, gayundin ang kapakanan ng mga manlalaro nito.
Para kay Co, nais niyang magsilbing haligi at huwarang coach sa mga sumisibol na grassroot student organization sa bansa. “I would love to see Viridus Arcus expand their community to be able to produce and reach all the corners that Esports covers, from playing, community building with regards to similar interests, shout casting, setting up games and tournaments, to even becoming bigger than what the current officers plan for the organization,“ wika ng Wild Rift coach.
Iba man ang lente na tinahak kompara sa mga sumasalang na mga manlalaro sa birtuwal na entablado at kort, isang layunin pa rin ang nais maikubli ng mga tagapagsanay tulad nina Co at Cochanco—ang maiangat ang antas ng labanan sa pautakan sa industriya ng Esports sa bansa. Hindi maitatangging sumisibol na ang pagkilala sa mga malikhaing binhi ng Esports na umuukit ng sariling galing sa tagisan ng isip at diskarte. Sa bawat karangalan, kasikatan, at tagumpay na nakakamit ng mga naglipanang manlalaro ng industriya, batid ang pagpupugay sa mga tagapagsanay na minsang hinubog sila.