Pagtalima ng COMELEC sa Omnibus Election Code, binigyang-tuon sa sesyon ng LA

ITINAAS sa ikasiyam na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang pagsasagawa ng legislative inquiry sa nagdaang Special Elections 2022 (SE 2022) bilang pagtalima sa Omnibus Election Code, Abril 1. Layon nitong tiyakin na maayos na naipatupad ang mga tuntunin sa nagdaang halalan at suriin ang pagsasakatuparan ng DLSU Commission on Elections (COMELEC) ng kanilang responsibilidad bilang mga tagapamahala nito.

Binigyang-linaw rin ni Chief Legislator Francis Loja sa ginanap na sesyon ang mga pagbabago kaugnay sa isasagawang legislator’s exam para sa mga bagong halal na mga batch legislator.

Pagtalima sa Omnibus Election Code 

Inilatag nina Raphaela Tan ng 75TH ENG at Aeneas Hernandez ng EXCEL2022 ang resolusyon ukol sa pagsasagawa ng Legislative Inquiry para sa SE 2022. Paglalahad ni Tan, makakalap dito ang mga impormasyong magsisilbing tulong sa mga dokumentong ipapasa sa Office of the Ombudsman at Judiciary. 

Nakapaloob sa legislative inquiry ang mga impormasyon ukol sa mga isinagawang paghahanda sa SE 2022, pangkalahatang pagtatasa sa isinagawang halalan, at pagbibigay-mungkahi sa COMELEC. Kaugnay nito, inaasahan ang paglalatag ng mga resolusyon upang matugunan ang mga matutukoy na isyu mula rito.

Bubuo rin ng detalyadong ulat ang mga tagapagtaguyod ng resolusyon sa tulong ng LA Inner Circle (LAIC) upang ilahad ang mga naging talakayan at mungkahing solusyon sa mga suliranin. Dahil dito, ipatatawag lahat ng mga nanilbihang komisyoner at opisyal ng COMELEC nitong akademikong taon 2021 – 2022 bilang bahagi ng proseso ng pagsusuri.

Paglalahad pa ni Tan, “If any discrepancies were found in any processes of the COMELEC, the Legislative Assembly will act in aid of legislation and collaborate with COMELEC in amending the process for the Omnibus Election Code.” Ipinasa ang resolusyon sa botong 20 for, 0 against, at 0 abstain. 

“We’ll be seeing  and adjusting based on everyone’s availability,” wika ni Hernandez ukol sa inaasahang petsa ng pagsasagawa ng inquiry at paglalabas ng iba pang detalye ukol dito.

Paalala sa mga bagong opisyal ng LA

Matatandaang inanunsyo ni Loja nitong nagdaang ikawalong sesyon na magsasagawa ng legislator’s exam para sa mga bagong halal na batch legislator sa darating na Abril 9. Subalit, kinakailangan itong ipagpaliban dahil sa paggunita ng Araw ng Kagitingan.

“To my knowledge, you don’t have to worry about it in the meantime because after April 9. . .  it’s the Holy Week Break. The earliest that it would be held is the week after that, April 26,” pagpapaalala ni Loja. Ayon sa kaniya, iaanunsyo na lamang sa mga susunod na regular na sesyon ang petsa para dito matapos makapagtakda ang LAIC.

Magpapadala naman si Loja ng komprehensibong gabay para sa pagsusulit sa opisyal na group chat ng LA o iaanunsyo niya ito sa susunod na regular na sesyon. “We decided that you’ll be taking an oral and written exam,” pagbabahagi niya ukol sa kanilang desisyon upang masubok nang mabuti ang kaalaman ng mga bagong batch legislator tungkol sa mga patakaran at polisiya na umiiral sa loob ng LA.

Samantala, iniluklok sa panunungkulan si Eliana Louise Misa bilang CATCH2T23 batch vice president matapos maipasa ang resolusyon sa botong 21 for, 0 against, at 0 abstain. Priyoridad ni Misa sa kaniyang termino ang pagpapalawig ng mga mga proyektong nakatuon sa serbisyong pangmag-aaral at pakikipag-ugnayan sa mga laboratoryo ng Pamantasan para sa pagsasagawa ng mga pananaliksik ng kaniyang mga kapwa estudyante.

Hihintayin din ang pagdalo ni Cynric Ercrisel Mercado ng Laguna Campus Student Government upang maitakda ang kaniyang floor assignment sa LA.