INUSISA muli ang mga plano at plataporma ng mga kandidato para sa pagkapangulo sa ikalawang yugto ng PiliPinas Debates 2022: Turning Point sa pangunguna ng Commission on Elections (COMELEC), Abril 3. Sa debateng ito, ipinagpatuloy ang maiinit na balitaktakan at matinding sagutan hinggil sa pandaigdigang ugnayan, usaping seguridad, at pananagutan ng pamahalaan.
knilunsad ng COMELEC ang mga bagong panuntunan na mas epektibong makasusukat sa kakayahan at kahusayan ng bawat kandidato. Isinagawa ang tatluhang pagpapangkat sa mga kandidato at ang modipikasyon sa sistema ng rebuttal upang mas episyente ang batuhan ng mga katanungan.
Walang takot na tumugon sa hamong ito ang siyam sa sampung kandidato sa pagkapangulo na sina Ernesto Abella, Leody De Guzman, Isko Moreno-Domagoso, Norberto Gonzales, Panfilo Lacson, Faisal Mangondato, Jose Montemayor Jr., Manny Pacquiao, at Leni Robredo. Tinanggihan ni Ferdinand Marcos Jr., sa ikalawang pagkakataon, ang pagdalo sa debate at muling ipinagkait sa mga mamamayang Pilipino ang tyansang marinig ang kaniyang mga plano para sa bayan.
Katiwalian, kampihan, at kapangyarihan
Ikinasa ang debate sa pagtatalakay sa usapin ng korapsyon nang tanungin ang pag-uugat nito sa kahinaan ng sistema at sa kahinaan ng tao. Iniugnay nina Abella, De Guzman, Domagoso, Gonzales, at Mangondato ang katiwalian sa kapalpakang dulot ng sistema ng kawalan ng tiyak na kaparusahan sa naturang krimen. Nangibabaw sa puntong ito ang mga pahayag nina Montemayor, Pacquiao, at Robredo na may papel ang parehong aspekto sa patuloy na paglaganap ng katiwalian.
“May tatlong pangangailangan para siguraduhin natin na ‘yung sistema, napipilit niya ‘yung mga officials na maging matino at mahusay—accountability, transparency, at people empowerment, “ masusing sagot ni Robredo.
Uminit ang usapan nang talakayin ang mga politikal na dinastiya sa bansa. Bagamat nakasaad sa Konstitusyon ang pagtuligsa rito, patuloy pa ring namamayagpag ang kasanayang ito sa pamahalaan. Masidhing nagkaisa ang mga kandidato na nararapat nang buwagin at ipagbawal ang sistema ng pagmamana ng posisyon mula sa mga kaanak.
Siniyasat din ang pananaw ng bawat kandidato sa kaguluhang naidudulot ng multiple party system at paghahalal ng mga party-list representative sa bansa. Naging pukaw ng diskusyon ang madalas na paglipat ng ilang politiko sa iba’t ibang partido na nagdudulot ng kalituhan at pagyurak sa ideolohiya ng mga grupo. Kinondena ng mga kandidato ang kaugaliang ito at binigyang-diin ang pagrerebisa sa batas na sumasaklaw sa kasalukuyang sistema.
Ayon kay Montemayor, busilak ang layunin ng mga may-akda ng Konstitusyon na maglunsad ng partidong magbibigay-boses sa mga bulnerableng sektor at mga nasa laylayan. Sinusugan ito ni Domagoso at idinagdag na dapat manumbalik ang tunay na intensyon ng probisyong ito. Gayunpaman, matatandaang mahigit tatlong beses lumipat ng partido si Domagoso upang isulong ang kaniyang mga politikal na ambisyon sa Lungsod ng Maynila at sa bansa.
Pilipinas sa pandaigdigang ugnayan
Hindi nagtagal dumaloy ang usapan patungo sa mga isyung sumasaklaw sa posisyon ng Pilipinas sa relasyon nito sa iba’t ibang bansa. Umikot sa pagiging miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at sa mga problemang kinahaharap ng samahan ang mga katanungang ibinato sa mga kandidato.
Sinipat ang naging pagtugon ng bawat kandidato sa paghigpit sa mga Overseas Filipino Workers sa rehiyon ng ASEAN bunsod ng pinaigting na kampanya laban sa undocumented workers. Sa puntong ito, nagkasundo sina Montemayor at Robredo na dapat paigtingin ang mga programang makatutulong sa mga kababayang naghihikahos na manatili sa ibang bansa.
Ibinida naman nina Pacquiao at Lacson ang pagkakaroon ng Department of Migrant Workers na kasalukuyang nakakaranas ng pagkaantala dahil taong 2023 pa nakatalaga ang pagtatapos ng transition period. Iminungkahi ng dalawang senador ang pagpapabilis sa pagsasaayos ng bagong sangay ng ehekutibo upang mas epektibong matugunan ang hinaing ng mga kababayang nasa ibang bansa.
Kaugnay naman ng nabubuong tensyon kontra Tsina bunsod ng patuloy nitong pag-angkin sa West Philippine Sea, mariing isinusog nina Abella at Gonzales ang kahalagahan ng isang statement of cooperation mula sa ASEAN na lantarang tutuligsa sa nagbabadyang sigalot. Agresibo namang itinugon ni Domagoso ang kaniyang plano na ipatupad ang Hague Ruling at policy of non-tolerance sakaling maluklok bilang pangulo.
“Iboto niyo po akong presidente and I’ll make sure I’ll go to the [United Nations] General Assembly at sisingilin ko ang lahat ng miyembro ng United Nation to recognize the Hague Ruling. . . I will not tolerate what happened in the Masinloc incident. Any foreign vessel entering into our sovereign territory, I’ll make sure they’ll be a decorative item under the sea, “ ani Domagoso.
Nagkaisa rin ang mga kalahok nang pag-usapan ang pananaw sa karapatang pantao sa rehiyon ng ASEAN, partikular sa mga pangyayari sa Myanmar. Anila, bilang kapisan sa ASEAN Human Rights Declaration, obligasyon ng Pilipinas na tumuligsa sa anomang uri ng pang-aalipusta at pang-aabuso. Ipinawari ni Lacson na pagtatanaw ito sa kasaysayan ng panlulupig na naranasan ng bansa noong Batas Militar sa ilalim ng dating diktador na si Ferdinand Marcos.
Pangkalahatang seguridad
Hinimay rin ang iba’t ibang aspekto ng seguridad sa Pilipinas sa lente ng kapayapaan, hustisya, enerhiya, tubig, at nutrisyon. Kinilatis ang kaalaman ng mga kandidato sa kagimbal-gimbal na katotohanan sa extra-judicial killings bunsod ng giyera laban sa iligal na droga. Mariing kinondena nina Mangondato, Montemayor, at Pacquiao ang madugong kinahinatnan ng kampanya ng administrasyong Duterte at nanindigang pangangalagaan ang buhay ng mga mamamayang Pilipino sakaling maluklok bilang susunod na lider ng bansa.
Nangibabaw rin ang pagtutol nina De Guzman at Montemayor sa Anti-Terror Law na nagmistula umanong sandata ng pamahalaan laban sa kanilang mga kritiko at kaaway.
“Hindi pwede ‘yung ginagawa ng kasalukuyang gobyerno na “kill, kill, kill” ang kaniyang mga patakaran hinggil doon sa mga bumabatikos sa kaniya. Hindi pwede ang red-tagging. Hindi pwede ang National Task Force-ELCAC. Dapat buwagin ang mga ganyang institusyon na nagpapalaganap o nagiging pundasyon ng paglaganap ng paglabag sa karapatang pantao,” pasaring ni De Guzman.
Nang humantong ang usapin sa estado ng Commission on Human Rights (CHR), kumatig ang lahat ng kalahok sa pagbibigay ng fiscal autonomy sa ahensya upang lalong mapagtibay ang kanilang mandato. Iminungkahi nina Montemayor at Gonzales ang pagbibigay ng quasi-judicial status sa CHR upang mapanindigan ng gobyerno ang kahalagahan ng karapatang pantao batay sa Konstitusyon.
Masigasig at teknikal naman ang daloy ng sagutan sa pagtugon sa krisis dulot ng enerhiya, malinis na tubig, pagbabago sa klima, at seguridad sa pagkain. Binigyang-diin nina Abella at Robredo ang pagkakaroon ng isang road map na magtatalaga ng konkretong plano patungo sa carbon neutral na Pilipinas.
Samantala, binigyang-diin nina Domagoso at Lacson ang kahalagahan ng imprastraktura at teknolohiya upang matugunan ang mga naturang problema. Ani Lacson, napakababa ng inilalaang pondo ng gobyerno sa research and development at humahadlang ito sa paglutas ng mga suliranin ng bayan.
Hindi rin nakaligtas ang mga kandidato sa mainit na pagtalakay sa lumulubog na estado ng agrikultura sa bansa bunsod ng ilang dekada ng kapabayaan. Iginiit nina Mangondato at Montemayor na nararapat na payabungin bilang isang mega industry ang naturang sektor sapagkat sagana sa likas na yaman ang kapuluan. Idinagdag nina Abella at Domagoso na may potensyal na malutas ng agrikultura ang kakulangan sa pagkain at magsilbi ring sagot sa problema sa enerhiya sa pamamagitan nang pagpapatayo ng mga hybrid infrastructure.
Tagumpay ng isang demokratikong lipunan ang pagsaksi sa bukal at makabuluhang prosesong idinudulot ng mga debate. Obligasyon ng bawat kandidato na ipaalam at ipaunawa ang kaniyang plano para sa bansa sapagkat isa itong mahalagang sukatan ng pagiging handa ng susunod na lider na mamumuno sa bansa. Isang pinuno na handang kumasa sa mahihirap na katanungan at humarap sa taumbayan nang handa at may konkretong planong ipinaglalaban—isang lider na maaasahang na magiging pundasyon sa muling pagbangon ng bansa sa pagkakasadlak.